Matagal na dapat tayong natuto sa alamat ng Sierra Madre: walang makapipigil sa galit ng isang babaeng Dumagat. Sa patuloy na pakikipaglaban sa dambuhalang Kaliwa Dam na itinatayo sa Sierra Madre, siyam na araw na dumagundong ang martsa ng kababaihang katutubo sa Timog Luzon patungo sa Maynila. Ito ang kanilang pahayag ng pagpupuyos laban sa pang-aabusong kanilang nararanasan sa kamay ng pamahalaan.
Imposibleng hindi naaligaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bawat araw na papalapit ang mga katutubo sa palasyo. Kaya bago pa maisiwalat sa taumbayan, tiniyak na niyang mapapasinungalingan ang bawat pahayag ng laksang katutubo na naniningil sa estado–sa pamamagitan ng misimpormasyon at mapanghating social media na kinakasangkapan ng pamahalaan.
Hindi na kailangang gumamit ng dahas ng pangulo. Sapat nang kalupitan ang hindi niya pagharap sa 300 katutubong Dumagat na nag-alay-lakad laban sa Kaliwa Dam–isang deklarasyon ng panghahamak sa katatagang ipinakita ng mga katutubo.
Malayo sa itsura ng pagtugon ng pangulo sa mga krisis na bumabalot sa bansa, likas sa kababaihang Dumagat na sumuong sa ano mang unos upang pamunuan ang kanilang komunidad. Sa kultura ng mga katutubo, sila ang higit na nagtataguyod at lumilinang ng buhay sa lupa. Minorya man kung ituring, hindi maipagkakailang malaki ang espasyo ng pinanunungkulan ng kababaihang katutubo sa laban ng pambansang minorya sa bansa.
Sa makailang-ulit na pagsasawalang-bahala ng gobyerno sa mga katutubong nagpoprotesta laban sa Kaliwa Dam, itinatag ng kababaihang Dumagat ang Imaset, alyansa ng mga katutubong Dumagat-Remontado laban sa Kaliwa Dam. Mula noon, ipinagpatuloy ng kababaihang Dumagat ang pagpapalawak sa hanay ng mga tagasuporta laban sa mga dambuhalang proyekto.
Tulad ng Chico Dam, unang iminungkahi ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr. At sa parehong administrasyon, naitala ang pagkawala ng halos walong milyong ektarya ng kagubatan sa Pilipinas. Gayundin ang pakikipagsabwatan ni Marcos Sr. sa mga dayuhang korporasyon, at pag-utos sa malawakang pagpatay sa mga katutubong salungat sa mga dambuhalang proyekto.
Hinulma ng diktadurya ni Marcos Sr. ang mapang-abusong relasyon ng gobyerno sa mga katutubo at kalikasan, na siyang ipinagpatuloy ng mga nagdaang pamahalaan magpahanggang-ngayon sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. Mula noon, ano mang sibilisado at mapayapang pagharap ng mga katutubo sa kinauukulan ay tinutugunan ng karahasan.
Sa paniniil na ipinaranas ng bawat nagdaang pamahalaan sa sa mga katutubo, kababaihang katutubo ang higit na nasasadlak sa kawalang-katarungan. Liban sa nararanasang pang-aabuso bilang mga babae, ang umiiral na mababang pagtingin sa kanila bilang mga katutubo ang siya ring lunsaran ng gayong uri ng kalupitan.
Ayon sa ulat ng International Work Group for Indigenous Affairs (IWGIA), kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na kaso ng pang-aabuso sa kababaihang katutubo. Naitala ang mga kaso ito sa mga komunidad na militarisado at may matinding girian sa lupa. Mga kababaihang aktibista at katutubo rin ang madalas na biktima ng mga pang-aatake, dagdag ng IWGIA. Halimbawa na rito ang ang iligal na pag-aresto kay Daisy Macapanpan noong 2022, isang 68 taong gulang na environmental activist laban sa Kaliwa Dam.
Pinupuntirya man ng karahasan, kababaihang katutubo ang responsable sa 70 porsyentong produksyon sa agrikultura, ayon sa ulat ng Asia Indigenous Peoples Pact. Kaya hindi lamang usapin ng pang-aabusong batay sa kasarian ang nais igpawan ng kababaihang Dumagat. Maiuugat ang kanilang pagkilos sa paniwalang kolektibo ang ating pag-iral para sa komunidad, ang likas na yaman para sa kapakinabangan ng lahat, at ang kalikasan para sa kabibilangan ng kasalukuyan at darating pang henerasyon.
Ang pagkatalaga sa isang babaeng katutubo bilang lider—tulad nina Conchita Calzado, Remedios Marquez, Kakai Tolentino, kasama ng iba pang kababaihang Dumagat na pinangungunahan ang laban sa Kaliwa Dam—ay pagkilala sa malaki nilang gampanin sa pangangalaga sa kulturang kinagisnan, kakabit ng pagpapamana nito sa susunod na salinlahi, lalo sa patuloy na paggigiit sa katungkulan ng mga akatutubo sa kaunlaran ng bansa.
Ang gayong pagtugon sa nananalatay na sakit sa lipunang Pilipino ang isa sa mga bagay na magpahanggang-ngayon ay hindi maipakita ng pangulo sa taumbayan. Nananatiling bagsak ang kalagayan ng agrikultura sa bansa, malala ang krisis sa transportasyon at pampublikong serbisyo, at sumisirit ang presyo ng mga bilihing ipinangako na magiging abot-kaya para sa mamamayan.
Kaya lalong nakabibingi ang pananahimik ng pangulo habang sagad-sagarang pandurusta ang lumalatay sa mga katutubo. Para sa administrasyon, mas pinahahalagahan nito ang “pagkakaibigan” na binuo ng Pilipinas sa mga dayuhang bansa. Kaya handa ang administrasyong manahimik at magpatahimik upang ipagpatuloy ng mga dayuhang kumpanya ang pagpapakasasa nila sa lupang ninuno ng mga katutubo.
Kasabay ng pagpapahintulot ni Marcos Jr. sa apat na karadagang base militar ng US sa Cagayan Valley nitong taon, nakababahala ang sunod-sunod na ulat ng pambobomba sa kanayunan ng rehiyon. Maging ang mga pagtatangka ng mga progresibong grupo upang mag-imbestiga at mag-ulat sa mga nasabing kaganapan ay pilit na sinusupil ng militar at media blackout. Karimarimarim ang represyong ito ng gobyerno sapagkat nitong nakaraang taon, sa ilalim ng United Nations, pinirmahan pa ng bansa ang pulitikal na deklarasyon laban sa paggamit ng mga nakapipinsalang armas sa mga komunidad.
Makailang ulit nang isinantabi ng pamahalaan ang batas, ang pambansang soberanya, upang magbigay-daan sa mga imperyal na bansang nais magtayo ng teritoryo sa Pilipinas. Taong 2019, nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang Commision of Audit (COA) sa Kaliwa Dam na pinondohan ng Tsina upang maipatayo. Ayon sa COA, maaaring higit na pumabor sa Tsina ang proyekto, lalo na sa tumitinding pang-aangkin ng dayuhang bansa sa West Philippine Sea. At nitong 2022, sa kabila ng pang-uusig ng mga residente at dalubhasa sa kalikasan na ipatigil ang konstruksyon ng Kaliwa Dam, malinaw na nanatiling kimi ang pangulo.
Sa kasalukuyan, 22 porsyento na ang natatapos sa konstruksyon ng Kaliwa Dam, ayon sa Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS). Ngunit habang hindi pa natatapos ang proyekto, mahalagang paulit-ulit na ungkatin ang mga deklarasyon ng pagtutol ng katutubong Dumagat sa proyekto, dagdag pa ang kwestyonableng pagkuha ng MWSS ng Free Prior Informed Consent (FPIC) sa komunidad upang ituloy ang Kaliwa Dam.
Sa gayon, hindi maikakailang maging mga batas na ipinasa para sa mga katutubo ay prente lamang upang umano’y pumabor sa sektor, sapagkat maging ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ay kinakasangkapan na rin ng pamahalaan upang supilin ang mga progresibong pangkat ng mga katutubo. Sapat nang patotoo rito ang nakaraang taon pang-re-red-tag kay Eufemia Cullamat, ikalawang babaeng Manobo na nanungkulan sa kongreso, ng nasabing ahensya sa pamumuno ni Allen Capuyan.
Sa kabila nito, bagaman bigong makamit ang pangunahing layunin na makausap ang pangulo, may nalikom namang suporta mula sa malawak na hanay ng taumbayan ang mga katutubo. Maging mga lokal na opisyal ng gobyerno sa Infanta, Quezon, at dating opisyal ng NCIP, ay nakiisa sa sama-samang paglaban ng mga katutubo. Bihira ang tagpong ito sa mukha ng pulitika sa bansa, lalo’t panukala ng isang nakatataas na organo ng gobyerno ang binabaka ng kampanya ng mga katutubo.
At sa muling pagbabalik sa lungsod ng nina Calzado at ng mga kasamang lider-kababaihan na Dumagat, pinabulaanan ng mga katutubo ang inilabas na pahayag ng NCIP ukol sa ganap nitong pagkatanggap ng pahintulot mula sa Dumagat-Remontado. Higit pa, ipinahayag din ng mga katutubo at ng mga kasamang tagasuporta ang ilulunsad nilang kampanya laban sa Kaliwa Dam sa mga simbahan at paaralan.
Nitong ika-14 ng Marso, kasamang kumatawan sina Wilma Quierrez at Kakai Tolentino, mga lider Dumagat ng NO to Kaliwa-Kanan-Laban Dam, sa pagsusumite ng Makabayan Bloc sa kongreso ng House Resolution no. 858—isang resolusyong naglalayong imbestigahan ang mga komunidad na maaaring maapektuhan ng itinatayong Kaliwa Dam sa Sierra Madre.
Tatagos at tatagos sa ating mga isip na makatwiran ang laban ng mga katutubo. Ano pa’t alintana rin natin ang kanilang paghihirap: sistematikong kagutuman, binuburang kultura at kasaysayan, at kawalan ng seguridad para sa maunlad na kinabukasan. Kaya sa muling pagbawi ng kababaihang Dumagat sa mga espasyong pilit binubura ang kanilang sariling ahensya at naratibo, ang pangangailangan para sa kagyat nating pakiisa at pagkilos.
Hindi magagapi ng kahit sino mang dayuhan ang kababaihang katutubong daangtaon nang inuukit ang kanilang pagkakakilanlan sa bansa. Ito ang kasaysayang matagal nang itinuturo sa mga alamat: na ang pagyabong ng kagubatang Sierra Madre ay nagmula sa pakikipagtunggali ng isang ina sa bugsong higit na mas makapangyarihan sa kanya. At hindi nananatiling nananaghoy ang isang babaeng katutubo sa gitna ng unos. Buong loob nilang haharapin ito, lapat na itatapak ang mga paa sa lupa, at kapit-bisig na makikipagtuos sa mga bugsong nais gumambala sa buhay na kanilang kinakalinga.