Halos pumipintig na naman ang sentido ni Mang Fred. Dalawang araw na siyang hindi makahinga nang maayos bunsod ng baradong ilong. Hindi na nga dapat siya mangingisda ngunit wala naman siyang pagpipilian ‘pagkat buhay ng pamilya niya ang nakasalalay.
Yamot na yamot si Mang Fred sa kanyang sarili. Sa lahat ba naman ng araw na magkakasakit siya, sa Semana Santa pa, kung kailan inaasahan ang kanyang lakas sa pagbaybay sa dagat. Lalo na ngayong Biyernes Santo, mabenta ang gulay at isda, tiyak na malaki ang kanyang kita.
Tirik na ang araw nang lumabas si Mang Fred. Mag-a-alas tres na nang hapon nang maghanda siya sa kanyang pag-alis. Hindi kasi siya nagising kaninang madaling araw dahil sa bigat ng ulo at katawan. Pero ayos lang, isip-isip ni Mang Fred. Magbabakasali na lang siyang pumalaot sa parte ng dagat na malapit sa kabilang bayan—lugar na madalang puntahan ng mga namamalakay dahil sa sabi-sabi.
Tila may sariling buhay raw ang katubigan doon, sabi ng kwento ng matatanda. Hindi mo mamamalayan, unti-unti nang lumalaki ang mga along kanila lang ay tahimik. At sa pagdaluyong ng malalakas na alon, tumataob kahit ang matitibay na bangka. Kwento pa ng iba, bigla-bigla na lang daw nahahati sa gitna ang mga bangkang pumapalaot doon. Pero nakamamatay man ang bahaging iyon ng dagat, buhay na buhay naman ito sa lamang-dagat. Kaya gaano man kapeligroso, marami pa ring sumusubok mangisda rito.
Napagdesisyunan ni Mang Fred na dito manghuli ngayon dahil desperado na siya. Ilang araw nang kakarampot ang huli niya, gayong sa linggong ‘to nga dapat kumikita siya nang malaki. Wala na nga siyang masyadong nauuwing huli sa pamilya niya, nagkasakit pa siya. Nahawaan pa niya nga ata ang bunso niya. Pero mayroon mang iniindang sakit, susuungin ni Mang Fred ang dagat dahil hindi na kaya ng konsensiya niyang makita ang pamilya niyang kumakalam ang tiyan.
Nang pumalaot na si Mang Fred, pinakiramdaman niya ang tubig. Tahimik at mahinahon ang mga alon. Sa halip na malakas na hangin, init–nakapapasong init–ang tumama sa kanyang balat sa ilalim ng tirik na araw. Pero hindi ito ininda ni Mang Fred, sanay na siya sa mga sakripisyong kalakip ng pangingisda.
“Kumusta ang huli mo ngayon?” tanong ng nasa bangkang katabi niya.
Halos malaglag sa karagatan ang puso ni Mang Fred. Napaatras siya sa kinauupan niya sa gulat sa nakita niya. Mayroon pala siyang kasabay na mangingisda pero pakiramdam niya unang beses lang nito sa dagat. Batid niya na matanda na ang kumakausap sa kanya pero tila di laging nasisikatan ng araw ang balat niyang napakaputi, at walang kalyo at paltos mula sa paggamit ng lambat ang mga kamay niya.
Sinubukan ni Mang Fred na pakalmahin ang sarili mula sa pagkakabigla. “Hindi pa rin gaano karami e, pero sapat na para mabuhay hanggang Linggo siguro, kung magtitipid talaga,” sabi ni Mang Fred sabay kamot sa ulo. “Marami-rami na rin naman ang taong mapapakain nito. Siguradong sawa na ang mga ‘yon sa gulay.”
Hindi na niya narinig ang tugon ng matanda dahil naramdaman niyang unti-unting tumataas ang kanyang bangka. Nanginig sa takot si Mang Fred. Kalmado naman ang dagat kani-kanina lang pero biglang nagkaroon ng mga along palaki nang palaki at palakas nang palakas.
Halos mabaklas na ang bangka niya, pero inalala niya pa rin ang mga isdang nahuli niya. Hindi niya na rin matanaw kung saan dinala ng alon ang mamang nasa tabi lang ng kanyang bangka kanina. Nagkumahog si Mang Fred na takpan ang timba na may laman ng kanyang huli. Kailangang may maisalba siya kahit kaunti. Pero nawalan din ito ng saysay nang umangat ang mga alon, dahan-dahang bumuo ng malalaking braso, at nilunod siya sa dilim at lalim nito.
Hindi makahinga si Mang Fred. Bigla niyang naisip ang naging buhay niya sa mundo. Ganito pala ang nangyayari ‘pag nalalapit ka na sa katapusan. May saysay ba ang naging buhay niya? Kailangan pa siya ng pamilya niya, oo, pero ubos-lakas niya na rin silang binuhay. Marami rin naman siyang napakain sa bayan dala ng kanyang mga isda. Napawi naman kahit papaano ang gutom nila, sa isip niya. Siguro, sapat na iyon.
Gumagaan ang ulo ni Mang Fred habang palalim siya nang palalim sa dagat. Handa na ata siyang pumanaw, sa palagay niya. Ngunit may maputi at makinis na kamay siyang naaninag na tumagos sa dagat. Pilit niya itong inabot at nang mahawakan niya ito, agad siyang nilamon ng liwanag.
Mula sa liwanag na iyon, nagising si Mang Fred sa pampang kung saan siya nanggaling. Payapang nasa daungan ang bangka, ni walang gasgas o kahit anong tanda ng sinapit nito sa hagupit ng alon. Kakaiba ang katahimikan ng dagat. Kakaiba rin ang tirik ng araw. Likha lang ba ng pagod at sakit niya ang makatotohanang bangungot?
Naalala ni Mang Fred ang mga nahuli niyang isda. Dali-dali siyang tumakbo sa bangka, magaan ang paggalaw at pakiramdam niya. Pero ang laki ng gulat niya nang inangat niya ang takip ng timba. Nag-uumapaw ito ng sari-sari ng uri ng isda. May galunggong at dating bibihirang huli ng sapsap. May tulingan din at—hindi siya makapaniwala—dilis.
Naalala niya ang lalaking kasama niyang mangisda. Nais sana ni Mang Fred na ibahagi ang malahimala niyang huli pero tulad ng biglaan nitong pagpapakita, naglaho rin siya nang parang bula. ●