Masigla at abot tenga ang ngiti ni Marilyn Magpatoc, 40, noong sinalubong niya ako sa pagbisita ko sa Correctional Institution for Women (CIW). Dala ang kanyang gitara, nagtanghal siya kasama ng ibang bilanggong pulitikal para sa inihanda nilang programa para sa aming mga bisita.
Ngunit di maiwasan ang pagtulo ng kanyang mga luha noong magbahagi sila ng mga karanasan nila sa kulungan. Hindi dahil sa kalugmukan sa buhay na ipinataw sa kanila ng estado, bagkus sa galak na marami pa rin sa labas ng piitan ang sumusuporta sa kanila.
“May mga pagkakataong nabuburyo rin kami [sa loob ng kulungan]. Pero kayo at lahat ng nandito, pinapalakas niyo kami,” ani Ate Marilyn.
Kasabay ng mga tawanan at kwentuhan, kita ang sikhay ni Ate Marilyn sa patuloy niyang paglaban upang makalaya at ganap nang makasama ang kanyang pamilya't apat na anak. Higit rito, ang patuloy na paglaban para sa kalayaan ng mga Pilipino sa ilalim ng lipunang nagpapahirap sa kanila.
Taong 2014 noong hulihin si Ate Marilyn sa Davao Occidental matapos siyang madamay sa isang engkwentro sa pagitan ng New People’s Army (NPA) at ng mga militar. Ayon kay Ate Marilyn, inimbitahan siya sa isang kasal noong araw na iyon at nasangkot lamang siya sa naganap na engkwentro. Bagaman walang dalang baril o kahit anong armas, pinaratangan siya ng kasong illegal possession of firearms and explosives at inakusahang miyembro ng NPA—isang madalas na taktika ng kapulisan sa mga pagkakataong may dinadakip silang aktibista. Hinatulan siya noong 2014 ng 19 hanggang 21 taong pagkakakulong.
Taliwas sa akusasyon ng kapulisan, hindi miyembro ng NPA si Ate Marilyn. Mula sa pamilya ng mga magsasaka at magtotroso, maaga siyang namulat sa mga panlipunang isyu tulad ng kawalan ng mga magsasaka ng sariling lupa at pagkasira ng kalikasan dahil sa pagmimina. Ito ang nagtulak sa kanya para maging isang aktibista.
Mas lalong naintindihan ni Ate Marilyn ang mga isyung ito noong imbitahan siya ng organisasyong Unyon ng Magsasaka (UMA) sa isang welga laban sa pang-aangkin ng mga mayayaman sa lupa ng mga pesante sa Agusan del Norte. Hindi nagtagal ay sumali na rin si Ate Marilyn sa UMA. Miyembro rin siya ng Gabriela Women’s Party kung saan madalas silang mag-ikot sa kanilang komunidad sa Butuan City para kumustahin ang kalagayan ng kababaihan at turuan sila sa pangangalaga ng kanilang kalusugan.
Ang karanasang ito ang nagtulak kay Ate Marilyn na hikayatin ang kababaihang lumahok sa mga isyung panlipunan. Para kay Ate Marilyn, higit pa sa panganganak at pag-aalaga ng mga bata sa bahay ang gampanin ng kababaihan sa lipunan.
“Dapat lumabas [tayong kababaihan] sa apat na sulok ng bahay. Hindi mo pwedeng ihiwalay ang mga isyung panlipunan sa pagiging ina,” ani Ate Marilyn.
Kahit nasa loob siya ng kulungan, patuloy ang pagtulong ni Ate Marilyn sa kapwa niya kababaihan. Kasalukuyan siyang estudyante at bise presidente ng student council ng alternative learning system sa CIW. Upang makatulong sa mga kasamahang kababaihan sa bilangguan, inilulunsad niya ang programang pagtuturo ng crocheting at paggawa ng mga pulseras, headband, at iba pa upang magkaroon sila ng pagkakakitaan at panggastos.
Bagaman nahatulan na si Ate Marilyn sa kanyang kaso, pursigido pa rin siyang makalaya nang mas maaga nang makabalik sa dati niyang buhay. Taong 2019 nang huli siyang bisitahin ng kanyang mga anak sa Maa City Jail sa Davao bago siya tuluyang mahatulan ng korte at mailipat sa CIW. Ngayong apat na taon na ang nakalilipas, walang araw na hindi inisip ni Ate Marilyn ang kalagayan ng naiwan niyang pamilya.
Sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa ilalim ng Republic Act 10592, maaaring umikli ang sentensya ng isang bilanggo batay sa kanyang mabuting asal at pakikilahok sa mga programa sa loob ng kulungan tulad ng pag-aaral. Ayon kay Ate Marilyn, higit na makatutulong sa kanya ang batas na ito dahil malaking bagay ang pagkalaya niya nang mas maaga upang makapiling muli ang kanyang mga anak at ipagpatuloy ang naudlot niyang pagsali sa mga kilusan sa labas ng kulungan. Dahil sa GCTA, umaasa siyang makakalaya na siya sa susunod na tatlong taon.
Ngunit hindi na sana kailangang umasa ng mga bilanggo sa GCTA kung sa una pa lamang ay pumapabor na ang hustisya sa mga tulad niyang inosente, at hindi sana nasasayang ang ilang taong kapiling niya sana ang kanyang pamilya.
Habang kinukumpleto ang sentensya sa krimeng hindi niya ginawa, patuloy na tumutulong at nanghihikayat ng kapwa niya kababaihan si Ate Marilyn upang umalpas sa ipinipintang imahe ng lipunan sa mga tulad niyang ina at babae. Nasa loob man o labas ng piitan, walang anumang rehas o pangmamaliit ang makakapigil kay Ate Marilyn upang baklasin ang mga maling heneralisasyon sa kababaihan. ●