Naghain ng petisyon ang Junk SIM Registration Network sa Korte Suprema upang ideklara na labag sa Saligang Batas ang SIM Registration Act dahil sa paghamak nito sa mga batayang karapatan, Lunes, siyam na araw bago ang palugit para sa pagpaparehistro ng SIM card sa bansa.
Pinangunahan ng mga mamamahayag ang sa petisyon kasama ang LGBTQIA+, katutubo, manggagawa, magbubukid, mangingisda, at sektor ng information technology at serbisyong legal. Sila umano ang mga grupong pinakaapektado sa pagpapatupad ng batas, saad sa petisyon.
Haharap sa korte ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology, National Privacy Commission, Department of Trade and Industry, Department of the Interior and Local Government, Department of Education at mga telecommunication companies na inatasang ipatupad ang SIM registration.
Inaasahang hindi bababa sa 100 milyon SIM card sa bansa ang made-deactivate sa Miyerkules sa pagtatapos ng palugit para sa SIM card registration, ayon sa petisyon. Matatandaan na Oktubre noong nakaraang taon, pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang SIM registration. Nitong Disyembre 27 opisyal na nagsimula ang pagpaparehistro, inaasahan ang pagtatapos ng pagpaparehistro sa loob ng apat na araw.
“At present, access to communication is directly tied to the freedom of speech, especially as more and more of our lives are migrating to digital space. Requiring registration will heavily restrict this fundamental freedom for many Filipinos who are unable to register due to logistical or privacy concerns,” ani Maded Batara III, tagapagsalita ng grupo, sa isang pahayag.
Labag sa karapatang pantao ang SIM registration sa batayang pinapakipot nito ang kalayaan sa pagpapahayag sa pamamagitan ng sapilitang pagsusumite ng mga personal na impormasyon, ayon sa mga naghain ng petisyon.
Minamandato ng batas na ibigay ng mga SIM user ang kanilang personal at sensitibong datos tulad ng pangalan, petsa ng kaarawan, at valid ID sa gobyerno at telcos. Magreresulta sa pagputol ng akses sa mga serbisyong pangkomunikasyon o deactivation ang hindi pagpaparehistro ng kanilang SIM.
Inalmahan din ng mga mamamahayag ang SIM registration dahil maaari itong magresulta sa censorship. Mag-aalinlangan ang mga source at whistleblower sa pagkontak sa mga mamamahayag sa oras na buong maipatupad ang batas dahil sa pagkawala ng anonymity, ani Ronalyn Olea, punong patnugot ng Bulatlat, sa petisyon.
Ibinahagi rin ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), kabilang sa mga nanguna sa petisyon, na mapapahamak din ang mga kasapi nito.
“[NUJP] members stand to be systematically injured through either prior restraint or compelled disclosure of identity not just of themselves but also their sources,” saad sa petisyon.
Sa ngayon, hinihiling ng network na magbaba ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) habang dinidinig ang kaso. Kapag ibinababa ng korte ang TRO, pansamantalang ihihinto ang pagpapatupad ng batas hanggang walang pinal na desisyon ang mahistrado tungkol sa kaso.
“These constitutional issues are being raised in the earliest possible opportunity in this direct filing before the Honorable Court. No other plain, speedy, or adequate remedy exists that settle these constitutional issues given the circumstances,” saad sa petisyon. ●