Minsan, nasa taong nakakasalamuha natin ang sining–ang tattoo. Kaya sa tuwing nahahagip ng paningin natin ang litaw na litaw na tinta ng itim sa kayumangging balat, laging nagkakaroon ng pagbubutbot, ng isang interogasyon. Masakit ba ang pagkakalagay nito? Suportado ba ito ng pamilya o hindi? Ano ang kahulugan at halaga nito para sa taong nagpa-tattoo?
Simboliko para kay Amanda Echanis, isang bilanggong pulitikal at organisador ng mga pesante, ang imaheng kanyang ipapa-tattoo oras na makalaya sa bilangguan. Aniya, ang dibuho ng ilalathala niyang libro ang nais niyang ipa-tattoo, koleksyon ng mga akdang isinulat niyang nakasandig sa kanyang pananaw bilang aktibista.
Tulad ng paggamit ni Amanda sa sining bilang paraan ng pag-oorganisa, kapasyahan din ng mga tattoo artist sa bansa na gamitin ang kanilang kahusayan sa pag-ta-tattoo upang sumama sa kampanya upang mapalaya si Amanda. Inilunsad ng Free Amanda Echanis Network (FAEN) noong Abril ang Tatuan Para sa Kalayaan (TPK) sa layong makalikom ng tulong para sa mga pagdinig ng kaso ni Amanda.
Mula sa simpleng pag-iimbita sa mga kakilala, lumawak na sa ibang rehiyon at labas ng bansa ang bilang ng mga artistang lumahok sa proyekto. Gamit ang masining na paraan, nais ng proyekto na maipamulat sa nakararami ang kalagayan ng mga bilanggong pulitikal sa bansa, at himukin na sila’y makilahok sa pagbalikwas sa kaayusang gumagapos at nagkukulong ng mga inosente.
Laylayan ng Kultura
Nakakulong pa rin sa negatibong kaisipan ng karamihan ang pagkakaroon ng tattoo, bagay na nagmula sa pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas. Nang dumating ang mga Kastila bitbit ang sarili nilang relihiyon, nakita nila ang gawaing ito bilang pagano. Ngunit ang totoo, nakaugat sa pagpapahalaga sa komunidad ang pag-ta-tattoo ng mga katutubo. Ang bawat disenyo at pwesto nito ay may katumbas na kahulugan para sa kanilang araw-araw na buhay at pananampalataya, ayon kay Lorenz Lasco, isang mananaliksik sa UP Diliman.
Sa paglaon ng panahon hindi na lamang paglabag sa utos ng Bibliya ang iginuhit na pagtingin sa tattoo, tanda na rin ito ng paglabag sa batas. Bilang palatandaan sa pagkakasalang ginawa sa kanyang komunidad, ipinalaganap noon sa Japan ang paglalagay ng marka sa mukha at braso ng mga bilanggo. Gayundin ang pagkakauso sa Pilipinas ng paglalagay ng tattoo bilang marka na kasapi ng isang kriminal na grupo.
Masasabing sa kontemporaryong panahon pa lang nakikita ang bukas na pagtanggap sa tattoo. Sa isang panayam, itinuro ni Ricky Sta. Ana, isa sa mga nagtatag ng Philippine Tattoo Artists Guild at Dutdutan Festival, ang papel ng social media upang mailapit sa maraming tao ang tattoo bilang isang porma ng sining. Lipas na rin ang paniniwalang nakapaloob lamang para sa mga kalalakihan ang pag-ta-tattoo, ani Sta. Ana.
Ngayon, laganap na rin ang art collective, o bukluran ng mga tattoo artist mula sa isang lugar o grupo. Walang pagtatangi sa mga ganitong pagtitipon, kahit sinong dedikado matuto at nais pasukin ang sining bilang propesyon ay maaaring makibahagi. Nakatuon sa pagpapalago ng kahusayan ng bawat artista ang mga kolektib, pati na rin ang pagbibigay espasyo upang makilala ang mga nag-uumpisa pa lang na tattoo artist.
Gayong paumpisa pa lang ang karera ng maraming tattoo artist sa bansa, kinilala ni China De Vera, miyembro ng FAEN at matalik na kaibigan ni Amanda, ang katapangan ng mga tattoo artist na lumahok sa proyekto. Aniya, higit sa ilalaang oras, materyal, kita at trabaho, ay ang pagtanggap na maidikit ang kanilang sining sa usapin ng mga bilanggong pulitikal sa bansa.
“Ito ay politikal na statement rin [nila], na pwede maging counter doon sa [stigma]. Nakikita ng tao ang tattoo, bagaman hindi hayag yung mensahe. Pero malalaman mo kapag nakakwentuhan mo na yung tao,” ani China.
Matagal ang ginugol na panahon bago tanggapin ang tattoo bilang porma ng sining at paggiit ng kalayaan sa sariling katawan. Ngunit kasama sa pagtatama ng maling kaisipan ang proseso ng patuloy na pagpapaliwanag, isang bagay na hindi naman ipinagdadamot sa sining ng pag-ta-tattoo.
Laylayan ng Sining
Maging sa larang ng sining ay nasa laylayan ang tattoo. Bagaman nasa kategorya ng “body art” ang tattoo, mababa pa rin ang pagtingin dito bilang porma ng sining. Ito’y dahil sa kahirapan na maipreserba ang tattoo kumpara sa mga tinaguriang fine art, o porma ng sining na pasok sa high culture.
Madalas na pananda na mataas na uri ang isang sining kapag napapabilang ito sa mga museo, art gallery, at kamay ng ilang tao. Dahil hindi madaling i-preserba upang ilagay sa mga museo, gayong imposibleng ring ikahon sa galeriya ang isang tao, mahirap para sa mga institusyong pang-sining na markahan ng halaga ang isang tattoo. Bukod pa rito, manipis ang kasasayang pang-sining ng tattoo dahil malayang nakakagala sa mundo ang isang tattoo.
Hindi nag-iisa ang tattoo sa iba pang porma ng sining na patuloy na di kinikilala ng mga institusyong pang-sining. Sa mga pampublikong espasyo mahahanap ang street art na kadalasang may pulitikal na mensahe. Gayundin ang sining at panitikan ng mga rebolusyonaryo, na bagaman may ginagampanang papel sa panlipunang pagkilos, patuloy na hinahamon ng mga iskolar na iginigiit na hiwalay ang pulitika sa sining.
Ngunit dahil walang tao o institusyong pumapagitna sa tattoo artist at kanyang kliyente, malayang naitutulay ng porma na ito ang diskurso sa sining, at maging diskurso sa materyal na mundo. Dahil maaaring personal na magkaroon ng koneksyon ang artista at makatatanggap ng sining, nabubuo rin ang pagkakataon upang sila ay malayang makapagpalitan ng pagpapalagay sa halaga, simbolo, at katuturan ng sining.
Ito ang nakitang kalakasan ni China nang iminungkahi niya ang TPK, “Hindi rin naman kasi nasa bubble itong mga artist na ito, alam nila yung nangyayari [sa lipunan] … Accessible yung art form at accessible silang kausap. Hindi sila nananahan sa mga museum, sa mga exhibition hallways, sila ay nasa studio nila na madaling mapuntahan,” ani China.
Makapangyarihang biswal na wika ang tattoo. Hindi natatapos sa paglapat ng karayom at pagsirit ng tinta sa loob ng balat ang pagpapasa ng mensahe. Maaaring humalagpos ang mensaheng nais iparating ng tattoo artist sa kliyente nito, at tumagos sa iba pang makakakita at mag-uudyok na alamin ang storya sa likod ng tattoo.
Paglaya sa Laylayan
Hindi itinago ni China sa mga tattoo artist ang pulitikal na layunin ng proyekto. Bagaman sa umpisa ng pag-oorganisa ay may ilang tumanggi, batid ni China na isang proseso ng mahabang pagkukumbinsi at pagpapamulat sa mga tao ang inisyatiba ng kanilang pagkilos.
“Maraming pwede i-exhaust e, pero kapasyahan pa rin siya ng artist. Eventually mamumulat din sila hindi lang sa krisis ng pulitikal, kundi [kadikit nitong] ekonomik at kultural. Kung paanong binabalahaw ng neoliberal na lipunan ang mga artist,” ani China.
Sa sining natin hinahanap ang pagsipat sa kasalukuyang takbo ng lipunan, tulad nito, sa konkretong mukha ng lipunan din natin inaangat ang magiging porma at nilalaman ng ating sining. Sa tulak ng lumalalang kalidad ng buhay at kabi-kabilang krisis, lalong lumalaganap ang paggamit sa sining bilang pagbibigay komentaryo sa lipunan, ayon sa art critic na si Ben Davis sa kanyang librong Art in the After-Culture: Capitalist Crisis and Cultural Strategy.
Gayunpaman, kasabay ng ganitong abanteng pagtingin sa sining ay ang malawakang disimpormasyon at polarisasyon tungkol sa mga isyung panlipunan. Kaya mahalagang napapanatili ng sining na magluluwal ito ng mga matalas na diskusyon tungkol sa mundo, ayon kay Davis. At higit na mahalaga rin ay ang pagpapa-unlad kung papaano mapapalawak ang espasyo ng sining upang mas maraming tao ang makatamasa at makatanaw.
Kaya sa mga batayang sektor natin madalas nakakasalamuha ang progresibo at makamasang sining. Ibinabandera ng mga kababaihang pesante sa mga sakahan ang mga telang hinabi bitbit ang panawagan sa reporma sa lupa, ginagamit ng mga mangingisda ang mga telang panlayag bilang sining at protesta laban sa reklamasyon ng mga karagatan; at ngayon, ang tattoo bilang kampanya sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.
Madalas, dulot ng nananatiling negatibong pananaw at pangku-kwestyon sa katuturan, madali nating makaligtaan ang halaga ng sining sa lipunan. Pero nasa mga taong tulad ni Amanda, mga artistang nagnanais ng makabuluhang pagbabago sa lipunan, matutunton ang patuloy na paggiit sa kakayahan ng sining upang umalalay sa tanaw na pag-usad. Mananatili itong mag-aanyaya sa publiko na malaya silang makibahagi sa paglikha, at maaaring magmula rin sa kanila ang pagbabago sa paglikha. ●
Maaaring magpadala ng mensahe sa Facebook page ng Free Amanda Echanis Network para sa mga nais lumahok sa Tatuan Para sa Kalayaan. Bukas din ang organisasyon sa mga nais tumulong sa kampanya para sa pagpapalaya kay Amanda Echanis at iba pang bilanggong pulitikal sa bansa.