Ang pagharap sa pananagutan ang magpapatunay ng kahandaan at kapasyahan sa pagwawasto. Wala nang ibang mahalaga ngayon kundi ang matiyak na makakamit ng mga biktima ang hustisya mula sa pang-aabuso. Gayundin, marapat na ang pagtakwil sa lahat ng uri ng pananamantala, pagpapahintulot sa kawalang-pananagutan dahil lang sa ambag sa organisasyon.
Dumaluhong sa kasagsagan ng halalan para sa konseho ng mga estudyante ang mga kaso ng pang-aabuso sa loob ng partidong Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (STAND UP). Tumugon naman ang STAND UP rito at nangako ang organisasyong isasaayos nito ang pagtataguyod ng ligtas na espasyo at pagbibigay-hustisya sa mga biktima.
Ang bulok na paggana ng paghahatid-hustisya ng STAND UP ang nagtulak sa mga biktima na maglakas-loob na isiwalat sa publiko ang mga pang-aabusong natamo nila mula sa mga kasamahan sa grupo. Dagdag na pandarahas ang pagpilit na sumailalim sa internal na pagsasaayos ang mga biktima, lalo kung bigo ang mga prosesong ito na mapanagot ang mga maysala.
Anumang panghuhumiyaw ng mga abanteng ideya ay nababaog kung hindi naisasapraktika sa kilos at gawa. Ano pa’t ito ang madalas na ibinabandila ng mga lider-estudyante sa pagpapakilos nila sa mga estudyante—ang buong-lakas na pagbaka sa lahat ng uri ng panghahamak sa iba.
Mahalaga sa anumang proseso ng pagbibigay-hustisya ang pagkiling sa interes ng biktima–ang pagpaparamdam na ligtas sila sa loob ng espasyo ng samahan, at na maibabalik ang kanilang dignidad. Hindi nagtutunggali ang interes ng biktima sa interes ng kilusan. Sa paninigurong pumapanig sa biktima ang organisasyon nakukuha ang tiwala sa mga kapwa-estudyanteng na sumuporta, maging ang kanilang paglahok sa pagkilos laban sa mas malaki at sistematikong pang-aabuso sa taumbayan.
Sa pagpapataw ng parusa sa nagkasala, hindi makatarungan na mas tinitimbang ang ginampanan niyang papel sa pagkilos. Ang ganitong katwiran nga ang nagbigay-daan sa mga kapatiran sa UP na nasangkot sa karahasan na makaiwas sa anumang parusa. Ang makailang-ulit na paggamit sa nakaraang ambag bilang rason ng kapatawaran ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay walang pagpapanibagong-hubog na nakikita sa mga may-sala. Bagkus, kampante pa silang kumikilos at malayang nakakaiwas sa pananagot sa mga kaso ng pang-aabuso at pandarahas.
Marapat na parusahan ang mga maysala, gayundin ang mga miyembro na nagpapahintulot na manatili sa parehong espasyo ng mga biktima ang mga nanamantala nang walang hinaharap na kabayaran. Suri ang pagtatasa sa maling pamamalakad na pinag-uugatan ng mga baluktot na praktika sa organisyasyon upang makakuha ng kaukulang parusa sa mga salarin. Mula rito, nagsisimula ang tunay na pagbagtas sa pagpapanibagong-hubog.
Esensyal sa hakbang ng pagpapanagot at pagwawasto ang kolektibo dahil hindi buong pananagutan ang tanging paglagot lamang ng ugnayan sa STAND UP. Sapagkat parte ng pagpapanagot ang mahigpit na pagbabantay na naitatama ang mga pagkakamali, hindi na muling mauulit ang pang-aabuso.
Tulad ng pagpapahayag ng pagkondena ng ilang lokal na balangay ng STAND UP, responsibilidad ng mga naging parte ng organisasyon na makibahagi sa proseso ng pagsasaayos, at kung hinihingi, ang manguna sa proseso nito. Ngayon mahalaga ang pakikiisa ng lahat na bigyang halaga ang pananaw ng mga biktima, siguruhing tumatalima sa marapat na pananagutan ang nagkasala, at agaran ang pagpupuna sa mga kamaliang sagka sa pag-unlad.
Mahalaga rin sa proseso ang mga opisina’t institusyon sa UP na sana’y nagsisiguro ding nareresolba ang mga kaso ng pambabastos, pangha-haras, at panggagahasa; pangunahin na rito ang konseho at mga opisina sa UP. Ipinapakita ng kasalukuyang isyu ang kakulangan ng kapasidad ng mga organisasyong internal na ayusin ang mga kaso. Karimarimarim kung sa pamantasang nangangako ng ligtas na espasyo para sa lahat, matagal at pahirapan pang matugunan ang mga kaso ng pambubusabos sa karapatan at kaligtasan ng mga estudyante.
Hindi maipagkakaila ang progresibo at makabayang layunin ng pagkatatag ng organisasyon. Ngunit matatag na nakatatayo lamang ang organisasyon kung nakasandig ito sa integridad ng pagtangan ng kanilang mga prinsipyo, buong tiwala ng komunidad sa kakayahan nitong magsulong ng pagbabago.
Hindi hiwalay sa sala-salabid na suliranin sa loob at labas ng pamantasan ang pagsambulat sa kaso ng mga pang-aabuso. Nasa kalagitnaan tayo ng tumitinding ligalig—kung saan kasabay ng sunod-sunod na mga krisis sa bansa ang lalong paghigpit ng mga tanikalang lumalagot sa asam nating maginhawang buhay. Kaya kung nais palakasin ng mga lider-estudyante ang pagkilos ng kabataan laban sa kapabayaan ng pamahalaan sa mga panlipunang krisis, kailangan din nilang maipakita sa mga estudyante ang maprinsipyong pagtatama sa sariling mga kamalian at kakulangan.
Mahalaga ngayon na bigyang bigat ang ganap na pagwawasto ng mga organisasyon sa UP; dito lamang mag-uumpisa ang nais na pagpapalakas sa partisipasyon ng mga estudyante sa mga kampanya at pagkilos sa loob at labas ng pamantasan. Dahil sa patuloy na pagharap sa mas malawak na panlipunang suliranin, mahalagang pangunahan—higit, mahigpit na tanganan—ang pagsisikap na makabuo ng kolektibong marunong at tapat na kumakalinga sa bawat isa. ●