HIRAM NA SANSAGLIT
Palagi akong active sa selpon;
Bukas ang chathead buong maghapon
Upang abangan iyong taginting
Ng minsang tawag sa blangkong iskrin.
“Kumusta?” unang bati ni Mama
Sa video call. Hindi ko kita
Ang ngiti sa face mask niyang suot.
“Okey lang!” aking agarang sagot
Nang aming linya’y biglang naputol—
Naging istatik kahit pa tutol
Akong huminto. “Balik-trabaho,
Anak,” ang kanyang reply, pirasong
Puso ang sunod. Saka nawala
ang kanyang mukha, ang aking tuwa.
EHERSISYO SA PANANABIK
Madalang kaming magpang-abot
sa bahay ng aking Nanay.
Ang aking umagang gayak
sa eskwela,
kanyang tinanghaling labas
sa opisina.
Madalas kaming magkasalisi
maski sa aking dapithapong uwi:
isang patintero ng pangungulila
kung saan pareho kaming taya.
Matatapos lamang ang laro
sa bingit ng linggo;
pagpatak ng hatinggabi’t
lumangitngit na ang lumang pinto.
Nariyang kakatok ang Nanay
ngunit hindi ako kikibo.
Magpapanggap akong tulog
kahit napapabungisngis
sa sariling galing sa pandaraya ng antok.
At oras na ikumot niya na
ang kanyang balisang braso
sa kakabog-kabog kong dibdib,
kagyat ko siyang susurpresahin
ng hagalpak at halik—
mumunting premyo ko sa araw-gabing
pag-aabang sa lambing
ng pinakamamahal na magulang.
Isang magdamagang pahinga
sa kapaguran
at kalungkutan
sa bisig ng aking natatanging Nanay.
PAGTATAPAT NG ISANG ANAK
Ang aking ina ay hindi lamang aking ina.
Hindi tali ang kanyang pusod
sa lugod at iyak ng iisang anak.
Kada patak ng kanyang luha
ay butil ng malasakit
sa lahat ng inulila ng hustisya.
Hinehele ang mga batang
binuwal ng gabi—awit ang hikbi
at galit sa kanilang dinahas ng dilim.
Pangahas mang ituring, walang pinipiling
kapiling ang kanyang kalinga.
Tahanan maski ang lansangan
sa kanyang binalo ng bigwas ng estado.
Tangan sa puso ang lingap na higit
sa pikit-matang pangingimi sa mapagmalupit.
Sapagkat ang aking ina ay hindi lamang aking ina.
May kirot mang kipkip sa dibdib
ang aking hinagap sa kanyang mga yakap,
siya pa rin ang sandalang balikat,
sandigang lakas sa pakikibaka.
At kalakip ng aking sakit
ang pananalig sa kanyang pag-ibig. ●