Iginigiya ng pamahalaan patungo sa landas ng digmaan ang bansa. Sa sumisidhing banggaan sa pagitan ng Estados Unidos (US) at Tsina, ang pagbaklas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga tagibang na kasunduan sa mga dayuhang bansa ang magsasalba sa Pilipinas mula sa kapahamakan.
Lalong tumitindi ang tensyon sa pagitan ng dalawang imperyo sa pagpayag ng administrasyong Marcos na magdagdag ng apat na base-militar ang US sa bansa, sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Sinubukan namang aluin ng ating pangulo ang pagkayamot ng Tsina sa pagpapahayag na hindi gagamitin ang mga bagong base-militar bilang opensiba. Aniya, gagamitin ang mga estasyon upang mas mapabilis ang pagresponde sa oras ng mga sakuna, at palakasin ang lokal na ekonomiya ng mga probinsya.
Ngunit hindi na maitatago ni Marcos Jr. ang tunay na rason sa pagpapalakas sa EDCA. Tauhan na rin niya ang naglaglag sa tunay na intensyon ng administrasyon. Halos isang linggo makaraan ng pahayag ng pangulo, inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Medel Aguilar na gagamitin ng US at AFP ang mga base-militar sa oras na pumutok ang sigalot sa pagitan ng US at Tsina. Dahil ang totoo, inihahanda na ng pambansang pamahalaan ang Pilipinas upang maging lunsaran ng digmaang proxy.
Liban sa malayang paggalaw ng US sa teritoryo ng bansa at kakayahan nitong maglunsad ng anumang nais nitong aktibidad, natatali rin ang Pilipinas sa pagsunod sa utos ng dayuhang bansa. Kabilang sa maaaring ipag-utos ng US ang paggamit sa teritoryo at pwersang militar ng Pilipinas laban sa sino mang kikilalaning banta sa kanilang interes.
Kinakasangkapan lamang ng US ang Pilipinas bilang instrumento sa ikakasa nitong digmaan laban sa Tsina. Sa lumalakas na kapangyarihan ng Tsina, kaakibat nito ang banta sa pinapanatiling kapangyarihan ng US sa mundo. Ngunit hindi dapat tayo naiipit sa banggaan ng mga bansang ito. Hindi na dapat tayo naiipit sa banggaan ng mga bansang ito. Ngunit patuloy tayong kinakaladlad sa kapahamakan ni Marcos Jr. sa pagnanais niyang luminta sa suhol ng mga imperyal na bansa makuha lamang ang katapatan ng gobyerno sa kanilang panig.
Sa ilang beses na pakikipagpulong ni Marcos Jr. sa US, makailang-ulit ding nagbanta ng pandarahas ang Tsina sa mga Pilipino, partikular sa mga Overseas Filipino Workers sa Taiwan at sa mga lokal na mangingisda sa Spratly Islands. Ngunit imbes na depensahan ang mga manggagawa, mismong ang pamahalaan pa ang nag-aabsuwelto sa kaso ng pananakot ng Tsina.
Hindi na maitatago ni Marcos Jr. ang tumataas na tensyon sa pagitan ng US at Tsina. Di na rin nagiging epektibo ang pagsubok niyang mamanginoon sa dalawang imperyo. Sa huli, tiyak na mamamayang Pilipino ang pangunahing tatamaan ng sigwa ng giyera.
Kapag lalo pang sumidhi ang tensyon sa pagitan ng US at Tsina, lalo kung walang isasagawang pagkilos ang pamahalaan, maaaring matulad ang bansa sa bayan ng Ukraine—siyang kalunos-lunos na biktima ng digmaang proxy ng US at Russia. Sa gantong tipo ng mga giyera, ang mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas ang unang napipinsala sa tunggalian ng mga bansang dominante. Sa posibilidad ng pagputok ng giyera sa pagitan ng US at Tsina, kasangkapan ang Pilipinas bilang lunsaran ng kanilang sigalot, habang malayang makapaghuhugas-kamay ang dalawang bansa mula sa kahihinatnang resulta ng sakuna.
Ang pagpanig sa interes ng Pilipinas ang dapat na iginigiit ng pangulo sa dalawang dayuhan—isang matapang na pagtindig na hindi maaaring gamitin ang ating bansa sa digmaang proxy ng US at China. Lalo pa’t ang pagpapaunlad sa kalidad ng buhay ng mga Pilipino ang dapat na inaatupad ng pamahalaan, imbes na padalos-dalos na makisangkot sa gayong gitgitan ng mga banyagang interes.
Kung nanaisin, may kapangyarihan ang pamahalaan na maialis sa landas ng kapahamakan ang Pilipinas. Sa kritikal na puntong kinasasadlakan ng bansa, kinakailangan na ang kagyat na pagkabig sa estado na lumayo sa delubyo sa pamamagitan ng pagsulong ng sariling interes ng bayan. Nasa Konstitusyon ang mandato na kinakailangang mapagbuklod ang kapwa panloob at panlabas na polisiya para sa interes ng bayan. Sa ilalim nito, iginigiit ang kapasyahan na humiwalay sa ano mang alyansa, habang pinapanatili ang maayos na pakikipagrelasyon sa iba pang bansa.
Marahil matagal pa ang panahon bago makamit ang gayong mapagbuklod na polisiya, ngunit dapat itong tandaan ng pangulo bilang kasalukuyang miyembro ng Non-Aligned Movement (NAM) ang Pilipinas. Sa gayon, may kakayahan ang pamahalaan na igiit ang policy of non-alignment o ang kalayaang hindi madawit ang Pilipinas sa sigalot ng mga makakapangyarihang bansa. Pagsuko sa soberanya ang ideyang kailangang kumabig ng Pilipinas sa malalaking pamahalaan upang manatiling ligtas at malaya sa pang-aapi ng mga naghahari-hariang bayan.
Walang pangangailangan ang Pilipinas na makisali sa labanan ng mga naghahari-hariang bansa. Ang marapat na tugon sa pagsubok na mang-agaw ng teritoryo o sa pangingialam sa pulitika’t ekonomiya ng bayan ay ang matibay na pagtindig para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino. Ngunit sa bawat nagdaraang araw, lalong lumilinaw na bukod sa hindi na napanghahawakan ang pangakong maginhawang pagbabago ni Marcos Jr., siya na rin mismo ang nagtutulak sa atin patungo sa landas ng pagkawasak. ●