Ang bawat galaw ng mga kamay ng orasan ay hudyat sa papalapit na pagtatapos ng klase. Makakaalis na sa silid-aralan ang mga estudyante, ngunit ang mga guro ay mananatili rito—minsan ay dadalhin pa ang trabaho sa kani-kanilang bahay.
Hindi natatapos ang trabaho ni Ruby Bernardo sa pagtuturo ng Filipino sa Sta. Lucia High School. “Siguro, lahat na ng trabaho ng mga ahensya ay ibinibigay na sa amin. Yung 4Ps ng Department of Social Welfare and Development, kami yung nagre-report; pati pagiging Disaster Risk Reduction and Management coordinator, canteen manager. Kahit yung deworming sa mga bata, kami ang gumagawa,” ani Bernardo.
Para kay Bernardo, malaking bahagi sa pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ang malubhang kundisyon ng mga guro. Bukod sa patong-patong na responsibilidad, ang kakulangan sa kagamitan sa klase ay sinusubukang pagkasyahin ng kaguruan gamit ng kakarampot nilang sweldo.
“Ngayon, yung projector ko hindi pa bayad. Yung laptop ko, home credit pa. Kumbaga, totoo naman talagang yung aming ginagastos sa kailangan namin ay galing sa sariling naming bulsa,” ani Bernardo. Bilang Teacher II, nakatatanggap ng P29,165 si Bernado, habang P27,000 naman ang natatanggap ng isang Teacher I.
Sa pagkakataong nasa krisis ang mismong kaguruan na nagpapagana sa mga paaralan, nababawasan ang kanilang kakayahan na mahusay na makapagturo—at higit na naaapektuhan ang kabataan.
Nakaw na Oras
Lantad ang pagkabulok ng estado ng edukasyon sa bansa mula pa noong 2018 nang malamang huli sa 79 na bansa ang Pilipinas pagdating sa pagbasa at matematika, ayon sa Programme for International Student Assessment. Samantala, batay sa pagtataya ng World Bank, siyam sa 10 estudyante sa ikatlong baitang ang hirap na magbasa noong nakaraang taon.
Ngunit kung paanong pinahirapan ng distance learning ang kalakhang mag-aaral, gayundin ang kaguruan na mas nadagdagan ng responsibilidad at nawalan ng oras—hindi lamang sa personal, kundi pati sa paninigurong maayos ang kanilang pagtuturo.
Sa pagsasara ng mga paaralan at sa pagsisimula ng paggamit ng mga modyul, ang kaguruan ang pumasan sa gampanin ng paggawa, pag-print, at paghatid ng materyales sa pag-aaral sa mga estudyante.
Marami sa mga guro ang nagkaroon ng COVID dahil sa karagdagang gawaing ito, ngunit wala silang panahong magpahinga dala ng kawalan ng sick leave, ani Bernardo. Kinakaltas sa sweldo ang mga araw na hindi sila nakakapasok, lalo kung ubos na ang kanilang service credit. At sa bisa ng Proportional Vacation Pay, maaari ring maapektuhan ang sweldong natatanggap nila sa mga buwan ng bakasyon dahil nakabatay ito sa bilang ng araw na pumasok sila sa trabaho.
Kaya napipilitan ang mga guro na tiisin ang sakit at pumasok, gaya ng karanasan ng kapwa-guro ni Bernardo na nagkaroon ng cancer. “Sinabi nu’ng doktor sa kanya na kailangan niyang mag leave for six months, at yung six months na yun, without pay. Ibig sabihin, may sakit na nga siya at kailangan niyang magpahinga … makakaltasan pa siya at walang siyang sasahurin,” ani Bernardo.
Pakikipagtunggali sa Kasalukuyan
Esensyal ang pagkalinga sa kapakanan ng kaguruan upang igpawan ng bansa ang krisis sa edukasyon. “Kung ang puso ng komunidad ay yung eskwela, ang puso rin naman ng eskwela ay yung teacher. Kasi paano niya maibibigay yung quality education kung ang iniisip niya ay ang pagkakasya ng tirang sahod araw-araw?” ani Bernardo.
Kaakibat ng mababang sweldo, umaasa sa pagtanggap ng mga benepisyo tulad ng Performance Based Bonus (PBB) ang mga guro. Isa sa basehan ng pagbibigay ng PBB at pagsukat ng kalidad ng pagtuturo ay ang bilang ng dropout sa hinahawakang klase ng guro. Maaaring nagkakaroon ng maling motibasyon sa layong zero-dropout ang ganitong sistema dahil itinutulak nito ang mass promotion, o ang pagpasa sa mga estudyante kahit hindi pa sila handa sa susunod na baitang, ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS).
Malaking salik din sa pagbaba ng kalidad ng edukasyon ang karagdagang gawain sa kaguruan tulad ng paggawa ng mga ulat sa seminar at pagtulong sa mga programa ng mga ahensya sa bansa, ayon sa PIDS. Nasasayang ang oras na iginugugol ng mga guro para sa mga gawaing ito, imbes na matuon sana sa pagtuturo at paggabay sa mga estudyante.
Hindi ngayon buong masisisi ang mga guro sa kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas, ani Raymond Basilio, secretary general ng Alliance of Concerned Teachers (ACT). “Naiipit sa gitna [ng krisis] yung ating teachers na, every now and then, [kapag] bumababa yung mga ratings natin sa examination, palaging sinasabing teachers’ factor,” ani Basilio.
Mauugat ang krisis na ito sa kakulangan ng pondo sa edukasyon, ayon kay Basilio. Dahil hindi sapat ang pondong inilalaan para sa DepEd, hirap makakuha ng non-teaching personnel na maaaring sumalo sa karagdagang gawain ng mga guro.
Ayon sa Department of Budget and Management, nasa tatlong porsyento lamang ng gross domestic product (GDP) ang nakalaan na badyet para sa DepEd ngayong taon. Bagaman nananatiling pinakamataas ang pondo para sa edukasyon kumpara sa ibang sektor ng bansa, kulang ang pondong ito, ani Basilio. Iminumungkahi ng ACT ang paglaan ng anim na prosyento ng GDP ng bansa upang matugunan ang mga problema sa imprastraktura, pagpapasahod, at benepisyo ng mga guro.
Kulang na sa pondo, nananatili ring problema ang paraan ng paggastos dito. Umani ng kontrobersya ang proyektong Laptop for Teachers ng DepEd noong 2021 dahil sumobra ng P979 milyon ang gastos para sa pagbili ng mga kompyuter para sa mga guro sa pampublikong paaralan. “Halos hindi na rin magamit [yung laptop] kasi yung binigay sa amin na laptop hindi ubra dun sa pangangailangan ng standard na laptop. At least, sana, yung kayang makapagsagawa ng online classes. Pero dahil dispalinghado yung mga laptop, ibinalik din namin,” ani Bernardo.
Malinaw ang koneksyon ng mga guro sa kinakaharap na krisis sa edukasyon: hindi lamang nakabatay ang kalidad ng pagtuturo sa indibidwal na kakayahan, kundi maging sa suporta at pagkalinga ng gobyerno sa kaguruan upang itaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Panahon ng Pagbabago
Matapos ang mga pagbabago sa pagkatuto dulot ng pandemya, lalong nagiging mahalaga ang pangangailangang maitaguyod ang isang sistema ng edukasyon na nakaayon sa kahingian ng mga guro at estudyante.
Upang tugunan ang lumalalang krisis sa edukasyon, ipinatupad ng gobyerno ang Republic Act (RA) 11713, o Excellence in Teacher Education Act, noong 2022 upang palakasin ang kasanayan ng mga guro, ngunit wala pa itong nagiging ganap na epekto sa sistema ng edukasyon.
Sinundan ito ng pagpasa ng RA 11899 na bumuo sa Educational Commission 2 (EDCOM 2) sa parehong taon. Layunin ng EDCOM 2 na suriin ang mga kinakaharap na isyu ng edukasyon sa bansa at makapagbigay ng kongkretong solusyon upang matugunan ang krisis.
Ngunit higit sa mga batas na ito, patuloy na nananawagan ang ACT sa pagsusulong ng RA 4670, o Magna Carta for Public School Teachers, upang bigyan ng karampatang benepisya, nakabubuhay na sahod, at karapatang mag-unyon ang mga guro. Layunin ng ACT na maging Salary Grade 15 ang mga Teacher I kung saan makakatanggap sila ng P36,000 kada buwan.
Kahingian ngayon ang mabilisang pagtugon sa problema ng mga guro at estudyante, gayong habang lalong tumatagal na sadlak sa krisis ang edukasyon, lalong magkakaroon ng kahirapan ang bansang bumawi mula rito. ●