Sa muling pagkakataong madidismaya ka na naman sa mga nababalitaan mong ginagawa ko ngayon sa kolehiyo, ang manalamin ang isasagot ko sa lagi mong tanong kung kanino ba ako nagmana. Dahil totoo naman–anumang pag-ako ko sa mga sariling pasya sa buhay mula nang pumasok sa UP, nasa kaibuturan pa rin ng mga desisyong ito ang mga aral na nakuha ko sa inyo, Pa.
Lagi mong sinasabi sa akin na iwasan ang pagiging gala lalo na’t ako ang bunso mong babae at hindi ka kampanteng nag-iisa ako sa Maynila. Pero ipinabatid mo naman na hindi dahil sa mahina ako kaya mo laging sinasabi ito. Tulad mo, nang piliin mong umalis nang walang paalam kay Nanay para magtrabaho sa Maynila, mahirap akong pigilan kapag desidido na. Kaya sa mga paalalang mag-ingat sa bawat araw, bakas ko ang madiin mong paalala na huwag sumama kung kani-kanino, huwag sumali kung saan-saan.
Alam mo namang desidido na ako sa kung anong tinatahak ko ngayon. Hindi mo na inaasahang uuwi ako kada Sabado tulad noong freshie pa ako. Liban sa may klase pa rin ako sa araw na iyon, hindi na rin kinakaya ng pagod ko at saíd kong allowance ang halos apat na oras na biyahe. Kaya tantyado mo na rin kung kailan tatawag—madalas tuwing gabi, at kung ikaw naman ang pinapagal sa trabaho o sadyang walang signal sa laot, mag-cha-chat kang huwag na masaydong magpuyat.
Tantyado mo na rin kung kailan tatawag sa mga araw na inaasahan mong nasa lansangan na naman ako. “Asan ka?” ang lagi mong bungad sa akin sa halip na alamin kung kumusta ako. At kung ano ang hindi ko ikinukwento ay idinadaan mo sa pagbabasa ng mga inilalabas ng pahayagan. May makuha ka mang sagot sa pagtatanong mo o wala, tanging ang mag-ingat ang lagi mong sambit—wala ka ng mga paalala, tanging tiwala at hiling na lang na makauwi ako nang matiwasay.
Mabilis at mabagal kung lumipas ang panahon habang magkalayo tayo, Pa. Sa bilis ng mga araw ko sa unibersidad, nakakaligtaan kong buwan nga ang itinatagal ng pagkalayo mo sa amin habang kung saan-saang karagatan ka nadedestino. Hindi na rin ako marunong mangumusta dahil lagi akong abala, pagtatampo mo. Sa limitadong oras ng pahinga sa iyong trabaho, at ako naman sa siksik na klase at iba pang gawain, lumilipas ang mga araw na hindi manlang tayo nakakapag-usap.
Kapag nakakapag-usap naman, laman ng mga kwento natin ang ibang mga tao. Sa mga pangungumusta ko sa iyo, hindi mo nakakalimutang ipakilala ang mga katrabaho mong napalapit na sa iyo. Lagi mong sinasabi sa akin na kumpara sa buhay natin, mas malubha ang kanila. At kasabay ng hangad mo para sa ating pamilya, nais mong umangat din ang kalagayan nila sa buhay. Kung tutuusin nga, hindi naman nagkakaiba ang mga kwento ko sa iyo tungkol sa buhay ng mga taong lagi kong nakakahalubilo sa tuwing may trabaho.
Ang pagsuway ko at pangangatwiran ang madalas mo na ring ikinakainis sa akin. Nakakatawa na lang na sa tuwing nayayamot ka, ipinapasa mo kay Mama ang sisi sa kung sino ako ngayon. Sino ba raw ang kamukha, turo mo.
Totoo namang nakakainis ako kung minsan, hindi ka na makahirit ng kantyaw kapag may bago akong piercing at iba na naman ang kulay ng buhok dahil nasasangga ko na sila ng biro. Tuloy, ikaw lang din ang napipikon. Bilang pambawi, agad ko namang tinatanggal ang mga hikaw ko kapag naaasiwa ka na sa itsura ko. Itim at mahaba nang muli ang buhok ko, pasasalamat mo sa Diyos.
Pero paumanhin, Pa, dahil hindi kasintimbang ng mga bagay na ito ang hinihingi mo sa akin na huwag nang bigyang pansin ang nararanasang hirap ng bansa ngayon. Hindi na dapat kataka-taka sa iyo kung bakit isang linggo akong nagpabalik-balik sa kampuhan sa Liwasang Bonifacio noong matapos ang eleksyon—ano pa’t ikaw rin ang nagturo sa akin na magkaroon ng pagpapahalaga sa mga tao sa aking paligid.
Dahil sa mga pinipili kong gawin sa kolehiyo, lagi na rin akong galit at nag-aalala, puna mo. Nasaan na ang bunsong makulit at laging nakangiti, minsan mong sabi. Paano nga ba ako makakangiti kung nitong nakaraan lamang ay inamin mo sa aking natatakot kang humingi ng umento sa sahod kahit doble na ang ipinapagawa sa iyo. Sinong anak nga ba ang hindi tatangis kapag sariling magulang na niya ang pinagkakaitan ng disente at makataong kondisyon sa paggawa.
Sana intindihin mo na lang, Pa, kung bakit ako na ngayon ang nagbibigay sermon kapag muli ka na namang nahihiyang magtanong tungkol sa tamang benepisyo, o kung paano nga ba igiit ang karapatan mo bilang empleyado. Hayaan mong ibahagi ko naman sayo kung ano ang natutuhan ko sa pagiging gala, sa pagiging galit, sa pagiging makatwiran.
Hindi kasayangan ang inilaan mong pagod at hirap sa pagpapalaki sa akin, sa palagay ko. Huwag kang mag-alala, kasama ka pa rin naman sa mga pangarap ko—ang mamuhay tayong lahat nang payak at mapayapa, malayo sa kung anong klase ng buhay ang mayroon ngayon.
Huwag ka na sanang madismaya, Pa. Bagkus, dumating sana ang araw na makikita mong malaki ang ipinagpapasalamat ko sa iyo sa kung sino man ako ngayon. Aminin mo man o hindi, sa dulo ng mga paniniwala at pagpapasyang bitbit ko ngayon sa buhay, mababakas ang klase ng pagmamahal na tanging ikaw ang nagturo at nagparanas sa akin. ●