Ang pangakong dedepensahan ang karapatang pantao ang bitbit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa simula ng kanyang termino noong nakaraang taon. Titiyakin ng kanyang administrasyon ang pagpapanagot sa mga kaso ng pananamantala at paglabag sa karapatan, aniya. Ngunit isang taon makalipas, nagpatuloy lamang ang karahasan at kawalang pananagutan sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Sa bansang kasalukuyang nakikipagtuos sa mga latak ng karahasang iniwan ng dating administrasyong Duterte, dapat na magmula sa kasalukuyang administrasyon ang aktibong pagtugon sa isyu ng mga paglabag sa karapatang pantao. Ngunit ano pa’ng ibang maaasahan natin mula sa pangulong kilala sa paggamit ng panlilinlang kundi tanging mga hungkag na pagkilos at pananalita.
Isang taon sa kanyang panunungkulan, hindi na nakagugulat ang kapalpakan ng administrasyong Marcos sa pagtugon sa mga atake sa karapatang pantao–mula sa kanyang pagtalikod sa pagpapanagot sa mga kaso ng karahasan sa ilalim ng diktadurya ng kanyang ama at ni Duterte, hanggang sa kawalan ng tugon sa tuwirang panunupil sa mga bulnerableng sektor.
Hindi na mapagtatakpan pa ng mga pagpapanggap ni Marcos ang kawalang pagpagpapahalaga niya sa karapatang pantao. Pinili niyang ipagpatuloy ang marahas na giyera kontra droga na kumitil sa 336 katao mula nang siya’y maupo sa pwesto, ayon sa huling tala ng Dahas Project ng UP Third World Studies Center. Isinagawa niya ito sa kabila ng pangakong magiging komprehensibo at ligtas ang kanyang bersyon ng kampanya kontra droga. Indikasyon din ng lumalalang pandarahas sa mamamayan na sa kanyang unang taon pa lamang ay nahigitan na ni Marcos ang karahasan ng rehimeng Duterte na pumaslang ng 302 katao noong huling taon sa pwesto.
Ang kultura ng karahasang kumikitil sa mga taong mapanuri sa pamahalaan ang isa ring minana at pinapanatili ni Marcos mula sa administrasyon ni Duterte. Sinabi niyang kaisa ang kanyang gobyerno sa magsisigurong poprotektahan ang malayang pamamahayag. Ngunit malayo sa pagrespeto sa kalayaan sa pamamahayag ang ibinabandila ni Marcos sa patuloy na pag-iral ng karahasan at kawalang pananagutan sa mga pagpaslang sa mga peryodista.
Nananatiling mailap ang katarungan para sa mga kaanak ni Percy Lapid, isang mamamahayag at kritiko ni Duterte. Ang umanong pagkasangkot ng dating Bureau of Corrections Chief Gerald Bantag sa pagpaslang kay Lapid ay patunay lamang na nagmumula mismo sa estado ang karahasan. Umabot na sa 75 kaso ng mga atake sa midya ang naitala mula nang maupo si Marcos sa pagkapangulo, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines at Center for Media Freedom and Responsibility. Nalampasan din nito ang bilang na 41 kaso bawat taon na naitala sa ilalim ng dating administrasyon.
Pinasisinungalingan ng mga numerong ito ang postura ni Marcos na pinapahalagahan ng kanyang administrasyon ang karapatang pantao. Walang bago sa karahasang umiral noon at ngayon–tanging porma lamang ng pagpapatahimik ang nagbagong-anyo.
Kung noon ay maririnig sa mismong bibig ng pangulo at mga opisyal ng gobyerno ang walang habas na pangre-red-tag sa mga pumupuna sa gobyerno, palihim ang paggalaw ng administrasyong Marcos ngayon. Pinahihintulutan ng kanyang katahimikan ang atake sa mga batayang karapatan ng mamamayang Pilipino.
Naging talamak sa unang taon ni Marcos ang malayang pagpapakalat ng kasinungalingan at pangre-red-tag ng SMNI, vloggers at influencers ng gobyerno sa mga kilalang kritiko ng pamahalaan. Mismong kalihim ng edukasyon at pangalawang pangulo na si Sara Duterte ang nagpaparatang sa mga kasapi ng Alliance of Concerned Teachers na may kaugnayan sila sa mga rebeldeng grupo. Sa administrasyong ito, dahas ang naging tugon sa mga lehitimong panawagan ng mga sektor.
Daan-daang mamamayan na rin ang kinulong, tinortyur, winala, at pinatay bunsod ng pangre-red-tag ng gobyerno. Mula nang maupo si Marcos, nasa 21 kaso na ng pagdukot sa mga aktibista ang naitala ng Student Christian Movement of the Philippines. Kabilang na rito ang dalawang buwan nang nawawala na UP alumni at indigenous rights defenders na sina Dexter Capuyan at Gene Roz “Bazoo” De Jesus.
Ang gayong pagkikibit-balikat ni Marcos ang nagpapahintulot sa mga pwersa ng estado na pumaslang. Hunyo 12 ngayong taon nang walang-awang minasaker ng 94th Infantry Batallion ng Armed Forces of the Philippines ang pamilya Fausto sa Negros Occidental. Sinapit nila ito matapos ang ilang taong paniniktik at panre-red-tag ng militar sa pamilya ng magsasaka.
Kung may indikasyon man ang patuloy na patayan, pagdukot, at paglabag sa karapatang pantao sa unang taon ni Marcos, ito ay ang administrasyon ang pangunahing lumalabag sa karapatang pantao ng mamamayan at nangunguna sa pagtakas mula sa pananagutan at katarungan. Sa kanyang pamamahala, wala tayong maaaninag na tunay na pagbabago para sa ating mga karapatan.
Kaya hindi nakapagtataka ang kawalan ng interes ni Marcos na isulong ang mga hakbang na titibag sa mga kondisyong nagpapanatili ng paglabag sa karapatang pantao. Sapagkat pinapanatili ng mga kondisyong ito ang kanyang kapit sa kapangyarihan at nagsisilbing proteksyon ng administrasyon mula sa pananagutan. Kaya ganoon na lamang ang pag-iwas niyang makapaghatid ng ganap na solusyon sa umiiral na suliranin ng bansa at makapagpatupad ng mabilis at maayos na sistema ng paglutas ng mga kaso ng karahasan.
Isang pag-asa kung maituturing ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng International Criminal Court sa mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng giyera kontra droga ni Duterte. Pagpapanumbalik ito sa posibilidad na makakamit ng mga naulilang pamilya ang hustisyang matagal nang inaasam—at ang matiyak ang pagpapanagot sa mga dapat na managot.
Kung tunay na may pagpapahalaga si Marcos sa buhay ng bawat Pilipino, malinaw dapat ang kanyang aksyon upang kondenahin ang lahat ng porma ng pang-aabusong nararanasan ng mamamayan. Ngunit ngayong unang taon ng kanyang pamamahala, tanging pagtaliwas sa mga pangako at mismong pagharang sa progresibong mamamayan na nagtutulak ng pagbabago ang kanyang isinagawa. Ngayon, nag-iisang tiyak na magmumula lamang sa laksa-laksang mamamayan ang paglaban sa mga pang-aabuso, anumang pagtatangka ni Marcos upang pigilan ito.
Masisipat sa unang taon ng administrasyon ang magiging kalagayan ng bansa sa susunod na mga taon. Ang estado ng karapatang pantao ngayon ay tiyak na bubulusok pa sa paglaon ng kanyang rehimen. Hamon ngayon ang masigasig na pakikisangkot ng mamamayan sa pagbabantay at pagmamatyag sa nalalabi pang mga taon ng administrasyong Marcos. Higit na kinakailangan ngayon ang pagpapanagot. ●