Litaw ang malalalim at malalaking itim at pulang titik sa dyaryong ipinamimigay sa estasyon ng tren. Sa kada hakbang papalapit ng komyuter, malamang ay agad na matanaw ang pambungad na larawan sa peryodiko: mukha ng pangulong nagtatalumpati at ulat ng tagumpay na nakaimprenta sa papel. Ito ang kadalasang laman ng The Philippine Gazette, ang libreng pahayagan ng Malacañang.
Laging bida si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa The Philippine Gazette tabloid na unang inilabas ng Malacañang nitong ika-25 ng Mayo. Bilang publikasyon ng mga programa’t proyektong pinamamahalan ng pangulo, masasabing hindi ito mailalayo sa makinarya ng disimpormasyong lumaganap sa social media.
At katulad ng kapasidad ng disimpormasyong ilatag ang daan sa pagkakaluklok ni Marcos Jr., nananatiling layunin ng estado ang pagpapalawak ng naaabot ng kanilang ipinapaketeng balita; ang ilusyon ng pag-unlad sa kabila ng tumitinding kalagayan ng lipunan sa ilalim ng kanyang pamahalaan.
Daluyan ng Ideya
Maparaan ang paggamit ni Marcos sa tabloid bilang daluyan ng ideya. Kilala ang tabloid sa pag-uulat ng mga showbiz tsismis at mas mababaw na paksa ng balita. Bagaman mababa ang pagtingin sa tabloid, mas kilala at tinatangkilik ito ng ng publiko dala ng makaagaw-pansing porma nito. Ngunit kung babalikan ang kasaysayan, taliwas sa gayong klase ng pakituring, umusbong ang imprenta ng tabloid bilang tugon sa pangangailangan na mailapit ang pamamahayag sa komunidad.
Taong 1903 nang pinasimulan ni Alfred Harmsworth, tanyag na tagalathala sa Inglatera, ang kauna-unahang tabloid na The Daily Mirror. Taliwas sa karaniwang paraan ng pamamahayag, tinutukan nito ang mga lokal na balita ng komunidad, isports, at maging mga palaisipan at crossword. Ibinalita rin ang isyu ng mga manggagawa at kilusan ng kababaihan sa mapang-enganyong kaparaanan.
Gayunman, kaiba sa intensyon na maglathala ng mga pangyayaring lapat sa komunidad, nabahiran sa paglaon ng panahon ang pag-iral ng tabloid dahil sa pribadong interes ng mga tagapaglathala nito.
Sa nakitang potensyal upang lalong pagkakitaan ang tabloid, mas iginiya sa pabor ng kita ang limbagan tulad ng paglalaan ng espasyo para sa advertisement. Mahalaga rin ang naging pagkontrol sa nilalaman ng pahayagan batay sa mithi ng naghaharing-uri sa bayan. Sa Pilipinas, mayayamang pamilya ang maiuugnay sa mga establisyementong pang-media: Yap sa Manila Bulletin, Pangilinan at Belmonte sa The Philippine Star, at Ang at Pangilinan ulit sa Philippine Daily Inquirer. Dagdag pa ang koneksyong pampulitika ng mga nasabing pamilya, hindi na kataka-kataka ang kawalan ng ulat ukol sa pananamantala ng pamahalaan sa mga nailalathalang balita.
Sa naturang gampanin at impluwensya ng pahayagan, tiyak nitong hinuhulma ang paniwala ng mambabasa. Nagsisilbi itong daluyan ng impormasyon na siya namang may kakayahan magpakilos o hindi magpakilos sa tao, paliwanag ni Louis Althusser, isang Marxista at pilosopong Pranses. Mas epektibo, mabilis, at espesipikong daluyan ng ideya ang tabloid—dahilan upang maging instrumento ito ng naghaharing-uri sa paghubog ng kamalayang pampulitikal ng mambabasa ukol sa lipunan.
Patok sa Masa
Sinasamantala ni Marcos ang naging tatak at impluwensiya ng tabloid sa paglalathala ng mga kasinungalingan nakapakete bilang balita—mga balitang magpapabango sa kanyang administrasyon at magtatago sa palpak na pagtugon ng pamahalaan sa krisis ng bansa. Dito, mas lalong pinapaigting ang umano’y kariwasaan ng “Golden Era” ng rehimen.
Madaling kinakasangkapan ng estado ang tabloid dahil sa mga katangian nitong patok sa masa–wikang payak at gagap ng mayorya, murang halaga, at madaling aksesibilidad sa mga espasyong madalas nating ginagalawan. Sa mga bangketa, tipikal itong namamataan, at minsa’y libreng ipinapamahagi sa mga istasyon ng tren at terminal ng mga bus—lugar na karaniwang daluyan ng mga manggagawa at estudyante sa araw-araw nilang buhay.
Hanggang ngayon, inihahandog pa rin ng tabloid ang aliw sa mambabasa—mga balitang ating kinukonsumo upang panandaliang makalingat mula sa mahirap na kalagayan ng bansa. Ngunit ang ganitong pagbaling ng aliw at pagpapagaan sa balita ay mapanghamak sa kamalayan ng mamamayan sa kanyang paligid. Ito’y dahil iginigiya ng ganitong uri ng pagbabalita ang mambabasa upang talikdan ang malalim na pagsusuri sa suliraning panlipunan.
Sa impormasyong nagmumula sa estado, maging sa social media man o tabloid, pinananatili nito ang pasibong paraan ng pagtingin sa lipunan. Sa pasibong paraan ng pagsipat sa lipunan, tinitingnan na likas ang paghihirap at tila wala nang puwang para sa pagbabago at pagtutunggali para maisulong ito. Dito, nangingibaw ang hungkag na kaginhawaan dahil bukod sa pilit na ibinabaon ang kalubhaan ng krisis sa bansa, itinatanim din sa kaisipan ng taumbayan ang kawalan ng posibilidad para sa pagbabago sa lipunan.
Namamayani at Natatangi
Ang iba’t-ibang porma ng midya ay kinakasangkapan ng estado upang magpalaganap ng mga mapanghamak na pampublikong opinyon. Sa gayon, nahuhubog ang diskursong umuusbong sa midya, ayon kay Jürgen Habermas, isang pilosopong Aleman. Paliwanag ni Habermas sa kanyang teorya ukol sa Public Sphere, ang sama-samang pagpapahayag ng mga tao sa kanilang pagtingin ukol sa isang usapin ay ang titindig na pampublikong opinyon. At ang mabubuong pampublikong opinyon ay mapanghamak kung mula ang pundasyon nito sa disimpormasyong luwal mismo sa estado.
Makikita ang tinutukoy ni Habermas sa kinahinatnang pagpapapakalat ng trolls ng disimpormasyon. Sa pagdumog ng fake news sa internet at pagsakop maging sa araw-araw na diskusyon, itinulak ang pagkilos ng kalakhan—tulad ng malawakang pagboto sa panunumbalik ng isa na namang Marcos sa kapangyarihan. Dito, makikita na estado pa rin nagpapanatali sa istruktura ng lipunan, at nagnanais na walang magbago mula rito.
Gayunman, hindi ibig sabihin nito na wala nang porma ng pamamahayag na tumutunggali sa lantarang disimpormasyon gamit ang matalas na pagbabalita. Dito pumapasok ang mas malalalim na pamamahayag—ang pagbibigay-suri sa mga isyu, pagtalima sa etika ng pamamahayag, pagdiriin ng mga naratibong isinasantabi sa lipunan, at higit, pagsusulong ng mga alternatibong solusyon sa mga problema ng bansa.
Isa na rito ang alternatibong pamamahayag na tinatampok ng Bulatlat at Pinoy Weekly. Sa mga ganitong klase ng midya nabibigyan ng mas malalalim na pagtingin ang kinalalagyan ng mga batayang sektor at pangyayari sa lipunan—pagpapakilos at pagprotesta ng mga sektor sa katiwalian ng pamahalaan. Sa ganitong paraan rin mas nailalapit sa publiko ang realidad upang himuking makibahagi sa diskusyon at pagbabago.
Naipapakita ng alternatibong pamamahayag ang pwersa ng limbagan kung ipipihit ito patungo sa kritikal na pagbabalita para sa mamamayan. Ngayong pinaglalaruan ng makapangyarihan ang impormasyon, hinihiling ng panahon ang aktibong pakikilahok ng pamamahayag, ang paglampas mula sa iskrin at papel, at masusing pagsisiyasat sa tunay na kalagayan ng bansa upang lamanin ang danas ng madla. ●