Sumisirkulo ang bali-balita ng pagbabago sa madla—mula sa radyong ngarag sa lansangan hanggang sa dyaryong lako sa eskinita. Maski telebisyong istatiko sa kabahayan, bukambibig ang panata ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na ibangon ang kabuhayan ng lahat. Hitik sa pananabik, umalingawngaw ang mga kataga sa talumpati, “Dumating na po ang Bagong Pilipinas!”
Sa karamihang tagasubaybay, sadyang litaw ang kaibhan sa pagpapahayag ng kasalukuyang termino kumpara sa nakaraang pamumuno: kalmado imbes na agresibo, diplomatiko imbes na macho. Isang bokabularyo na limitado sa “pag-unlad,” “progreso,” at “pagkakaisa.”
Subalit lampas sa ganoong gawi ng pananalita, katahimikan ang tugon ng mga awtoridad sa kaapihan. Sapagkat nagsagawa man ng pagpapanibagong-tono sa diskurso, nananatiling mapanlinlang ang wika ng estado upang kitilin ang kritikal na boses ng publiko.
Bagong Pilipinas
Malay ang pamunuan sa kapasidad ng mga salitang hubugin ang pambansang memorya. Sa pagbabalik-tanaw sa dekada ‘70, makailang ulit na binigyang-hulma ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang alaala sa pagtukoy lamang sa panahong ito bilang “Ginintuang Panahon ng Imprastruktura.”
Kaltas ang sandamakmak na ulat ng karahasan at korapsyon sa lipunan, hinubog ang salaysay alinsunod sa balangkas ng sanlibong gusali, daan, at pasilidad—isang monumento sa mito ng progreso ni dating diktador Ferdinand Marcos Sr.
Ibinunga ng mitong ito ang palatuntunan na “Build, Build, Build” ng rehimeng Rodrigo Duterte, na nirebisa ngayon ni Marcos Jr. sa katawagang “Build, Better, More” o “BBM.” Kapansin-pansin na tusong inilakip ni Marcos Jr. ang sariling pangalan upang palawigin ang reputasyon ng kanyang administrasyon, lalo’t sinasabing solusyon ang konstruksyon ng mga engrandeng estruktura sa sumisirit na presyo ng pagkain, langis, at iba pang bilihin sa bansa.
Sa kaparehong malas, inilunsad ang “Masagana Rice Program” sa layunin umanong palakasin ang produksyon sa kanayunan. Hango ang patakaran sa “Masagana 99” ni Marcos Sr., kung saan nalubog sa utang ang mga magbubukid matapos manghiram ng kagamitan sa mga rural na bangko. Saad ang laki ng pondo’t sakop ng plataporma, ipinangalandakan ng gobyerno ang huwad na kaunlaran gamit ng sandamakmak na datos, bagaman salungat ito sa tindig ng mga magsasaka hinggil sa isyu ng kaunlaran sa agrikultura’t reporma sa lupa.
Ang lantarang pagsasantabi ngayon sa hinaing ng maralita’y indikatibo sa motibo ng liderato: kontrolin ang diyalogo sa tereno ng dominanteng midya. Sa ganitong tipo ng pakikipagtalastasan, ipinapalaganap ang “katotohanan” ng administrasyon nang walang kwestyon, batay sa Discourse Theory ni Michel Foucault, isang Pranses na kritiko. Sa gayon, mainam na napagtatakpan ang kakulangan at kasalanan ng mga pulitiko.
Takda ang kalakaran alinsunod sa dikta ng naghaharing-uri, iniupo muli ng namamayaning naratibo sa kapangyarihan ang pamilyang Marcos. At ito ang tunay na kalikasan ng "Bagong Pilipinas" sa usapin ng pangkalahatang transpormasyon ng mga sektor.
Retorika ng Pantasya
Bukod sa pagkasentimental, kadalasan ding mayroong pagkadramatiko ang ikinakasang direktiba ni Marcos Jr. Kasabay ng ika-50 anibersaryo ng Department of Tourism (DOT), ibinida ang ambisyosong plano na gawing “tourism powerhouse” ang arkipelago sa loob ng limang taon. Noon inilahad ni DOT Secretary Christina Garcia-Frasco ang P49 milyong tatak na “Love the Philippines.” Aniya, paanyaya ito sa mundo na tuklasin ang katutubong kultura, lalo na ang kagandahang-loob ng mga butihing sibilyan.
Gayunman, malaon nang taktika ng opisina na itago sa likod ng mabubulaklak na kataga ang kaliwa't kanang pang-aabuso ng gobyerno. Halimbawa rito ang kampanyang panturismo na “Where Asia Wears a Smile,” kung saan ipinakilala ang mga Pilipino bilang masiyahin sa ilalim ng militaristikong propaganda ng “Bagong Lipunan."
Kung tutuosin, mababakas pa ang gayong pakana sa nirepormang disenyo ng mga kurso ng Department of Education (DepEd). Binansagang “MATATAG Curriculum,” panukalang isiksik sa sampung taon ang pag-aaral upang ihanda kaagad ang mga estudyante na sumabak sa trabaho.
Subalit mas nakababahala ang labis na pagpapahalaga ng ahensya sa “peace competencies,” kung saan sinalangguhitan ang “mapayapang” pagresolba ng hidwa, gayong kaiba sa pakitungo, dahas ang tugon ng estado sa kritisismo. Patotoo rito ang makailang ulit nang panre-red-tag ni DepEd Secretary Sara Duterte sa Alliance of Concerned Teachers, bagaman panawagan lamang ng samahan na magkaroon ng makataong kundisyon sa pagtuturo.
Katuwang ng mga panlipunang institusyon tulad ng midya’t eskwela, malinaw na pinapanatili ng pamahalaan ang suporta ng mayorya sa panig nito, paliwanag sa librong “Manufacturing Consent” nina Noam Chomsky and Edward Herman, mga Amerikanong manunulat. Sa ganitong sistema ng pagsesensura't pagbabanta, pinagtitibay ng mga nakaupo ang estabilidad ng mga pwersa. Sa gayon, pumapabor lamang ang komunikasyong pangmadla sa interes ng administrasyon, sa halip na tumuon sa puna ng mga progresibong grupo.
Kontra-Diskurso
Sa kabila ng pagtatangkang patahimikin ang pampublikong opinyon, nararapat idiin na hindi umiiral ang wika nang hiwalay sa inusbungan nitong kalagayan. Sa katunayan, iniluwal ang mga arbitaryong simbolo nito dala ng mithi ng tao na makipagsalamuha. Instrumento itong patuloy na hinuhubog alinsunod sa pangangailangan ng buong komunidad.
Kaya ganoon na lamang din ang potensyal ng alternatibong diskusyon na bakahin ang isinusulat na realidad ng mga nasa katungkulan, hapag ni Foucault. Bilang mula sa laylayan ng lipunan, nagsisilbi itong aktibong tagasala imbes na pasibong tagatanggap ng impormasyon.
Tahasan mang ituring, nakatuntong ang kontra-diskurso sa kasaysayan ng tunggaliang-uri, kumpara sa kasinungalingang katha ng mga mapagsamantala. Sapagkat sa panahong pilit na binabaog ng “Bagong Pilipinas” ang malayang protesta’t pamamahayag, lunsaran ng kamulatan ang pag-oorganisa ng sambayanan. Dito, bukas ang direksyon ng pagpupulong, sa halip na hawak ng iilang piling indibidwal—dahilan upang maging mapagpalaya ang daluyan ng kaalaman.
Higit pa, inilalapit ng kritikal na talakayan ang panawagan ng samut-saring pangkat sa kaparaanang pamilyar—isang pagmumulat sa opresibong sitwasyon ng bansa, lalo’t hindi solusyon ang pagpapanibagong-bihis ng mga programa ni Marcos Jr. sa lugmok na ekonomiya. Bagkus, kanser na nagnananak sa kahirapan ng nakararaming bulnerable sa pangakong kariwasaan. At ang tanging panabla sa gayong ilusyon ng mga salita’y sama-samang pagkundena sa mga hungkag na polisiya.
Mahalaga ngayon ang puspusang interogasyon upang ugatin ang layunin ni Marcos Jr. sa pagkaluklok sa pwesto: burahin sa bokabularyo ng madla ang dahas na kanilang sinapit at patuloy na sinasapit sa ilalim ng pangangasiwa ng isang Marcos. Sa pamamagitan ng pangangasangkapan ng retorikang gagap ng mamamayan, ipinopook niya ang sarili bilang katulong, kaibigan, at kasama ng populasyon, habang kinikitil ang mapanuring pagtatasa na nagmumula mismo sa mamamayan.
Gayunman, hindi ganoon kadali maapula ang galit ng taumbayan, lalo’t nanalaytay sa diwa ng kanilang pakikibaka ang pagnanais na maabot ang makabuluhang pagbabago—isang bagay na kailanma’y hindi mapapasinungalingan ng mapanlinlang na mga salita’t gawa. ●