Mabilis na mapukaw ang atensyon ng mga estudyante sa pinagpipitagang dekorasyon ni Teacher Rita. Kiliti sa kanilang mga mata ang dekorasyong kanyang personal na dinisenyo. Mapaglaro niya itong gagamitin bilang mga aral, o clue sa paminsan niyang recitation bilang pang-engganyo. Ngunit sa isang iglap, ang dati sanang kaagapay sa pag-aaral na silid ay napalitan na lamang ng mga blangkong pader.
Tradisyunal nang ikinakabit ang mga visual aid at likhang-sining sa mga dingding at bahagi ng mga silid-aralan bilang pantulong sa pagkatuto ng mga estudyante. Ngunit dagliang ipinataw ng bise presidente at kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na si Sara Duterte noong Agosto 16 ang pagpapatanggal ng mga aniya’y “sagabal na dekorasyon” sa silid upang maging maayos ang pagkatuto ng mga mag-aaral.
Sa lumalalang krisis sa edukasyon, lalo lamang nagpapahirap sa mga kaguruan at estudyante ang mga polisiyang walang konkretong pagsusuri mula sa kanilang perspektiba.
Espasyong Tagapaghulma
Walang iisang paraan ng pagkatuto ang mga mag-aaral. Isa ang mga visual aids sa nakatutulong sa paghubog ng edukasyon ng mga bata, at pagpapanatili ng mga kaalaman na kanilang napupulot mula sa eskwelahan. Sa mga nakapaskil na visual aid na madalas nilang nasisipat sa tuwing nasa loob ng klase, nakapagdudulot ng istimulasyon sa isipan ng mga bata at napauunlad nito ang kanilang pagkatuto.
Ipinakita sa mga pag-aaral na ang biswal na kapaligiran ay maaaring makaapekto sa atensyon, pagkatuto, at pagganap ng mga bata sa kanilang mga gawain sa paaralan. Sa mga pag-aaral na ito, hindi iminumungkahi ang pagbabaklas ng dekorasyon sa mga silid. Sa halip, nakatutulong gawing balanse ang paglalagay ng disenyo sa mga silid-aralan upang makabuo ng espasyong magiging komportable at maaliwalas para sa buong klase.
Sa kulturang Pilipino, madalas ikinakawing ang paaralan bilang ikalawang tahanan. Kaya maihahalintulad ang mga klasrum sa kung paano gamitin ng mga Pilipino ang espasyo sa kanilang mga tahanan. Kaugnay nito ang pag-aaral hinggil sa pagiging likas na “maximalist” ng mga Pilipino, ayon kay Felipe De Leon Jr., isang propesor sa kultura ng mga Pilipino.
Kumakatawan ang kulturang ito sa mapanlahok na katangian ng mga Pilipino na lumikha ng kolektibong diwa sa komunidad. Sa pagpunan sa mga espasyo gamit ang mga bagay na sila mismo ang lumikha—mga sentimental at mahalagang gamit para sa kanila—ay espasyong maaaring puntahan at makipag-ugnayan ang komunidad.
Taliwas sa kolektibong diwa ng pagkatuto at pakikipag-ugnayan ang mungkahi ni Duterte na ipatanggal ang mga dekorasyon sa ngalan ng kaayusan at kalinisan. Higit, kung may humahadlang sa asam na kaayusan ng mga estudyante upang matuto ay ang malawakang kasalatan sa maayos na mga klasrum.
Ngayong taon, naitala ng DepEd ang 165,000 kulang na klasrum sa mga pampublikong paaralan ngayong pasukan. Dagdag dito, naiulat din ngayong taon ang 189,324 bilang ng silid-aralang kinakailangan ng major at minor repairs dahil sa kalumaan at kalamidad. Ngunit sa parehong ulat, 1,628 classroom lamang ang paglalaanan ng pondo gobyerno na maitayo sa susunod na taon.
Hindi lamang sapat ang mga dekorasyon at likhang-sining upang lalong mapagyaman ang edukasyon sa isang klasrum. Nagkakaroon ng lalong kaginhawaan ang mga estudyante kapag sila ay nasa isang maayos at ligtas na paaralan—yaong espasyong malaya silang natututo at nagbabahagi ng kaalaman.
Liban sa pag-angkop sa iba-ibang estilo ng pagkatuto ng mga estudyante, iginigiya rin dapat ang edukasyon sa personal at panlipunang pagbabago, ayon sa konsepto ng Problem-posing Education na pinaunlad ni Paulo Freire, isang guro at pilosopo sa Brazil. Layunin ng metodong ito na mapaunlad ang abilidad ng bawat estudyante na maging kritikal sa pansariling ahensya at pagpapabuti ng bayang kinabibilangan.
Sa pagpapaunlad ng kritikal na isipan, makapangyarihang instrumento sa pagkatuto ang visual aids katulad ng mga kasabihang itinuturo ang kabutihang loob sa lahat ng kapwa, o larawan ng mga himagsikan ng mamamayang Pilipino na lumaban para sa kalayaan. Kasabay ng pagpapaunlad ng espasyo sa pamamagitan ng mga visual aid at iba-ibang porma ng pagkatuto, mahalaga ring nasisigurong epektibo sa pagpapatalas ng nabubuong diskusyon sa loob ng silid-aralan ang nilalaman ng mga ito.
Tagahawan ng Landas
Laging ibinibilin ng ating mga magulang na pagsikapan makapagtapos ng pag-aaral dahil ito raw ang maglalayo at mag-aahon sa atin mula sa kahirapan. Ngunit dahil sistematiko ang pagpapahirap sa kalakhan, lumalampas na sa pawang pansariling pagpapabuti ang layunin ng isang mapagpalayang edukasyon. Sa ganitong oryentasyon, ninanais na armasan ng kamulatan ang bawat mamamayan sa kanilang kakayahan na magsulong ng lipunang patas at may hustisya para sa lahat.
Dispalinghado ang pag-aaral sa sistema ng edukasyong walang pagtuon sa pagpapaunlad sa kritikal na pagsipat sa sarili at sa lipunan. Kaya hindi kataka-takang sa hubog ng edukasyon, umiigting lamang ang neutral na pagtingin sa kapaligiran–mailap mula sa mga araling huhubog ng kanilang suri, at makapagpapayabong ng makabayang tindig sa lipunan.
Ngunit walang neutral na edukasyon. Batay sa teorya ni Freire, nananatili ang tunggalian ng dalawang pagtingin sa edukasyon: ang edukasyong tumitindig at nagpapairal sa mala-kolonyal na pag-iisip ng mamamayan, at ang edukasyon bilang proseso ng pagpapalaya sa pamamagitan ng siyentipikong pag-aaral sa lipunan.
Madaling kinasasangkapan ng pamahalaan ang edukasyon sa ganansya nito. May kakayahan itong humulma at magpataw ng mga patakarang susupil sa kalayaang pang-akademiko sa ngalan ng pansariling interes. Hindi man lantaran, kumokontrol ang patakarang pagpapatanggal ng visual aids sa isipan ng kabataan dahil kinukulong sila mula sa posibilidad na mag-isip lagpas sa mga itinuturo.
Masasalamin ang pasibong katangian na ito sa mga aralin sa kasaysayan, agham, at agham-panlipunan na inilalayo ang direktang ugnayan ng lipunan sa pulitika. Lalo na ang pagtutulak ng DepEd sa Matatag Curriculum kung saan babawasan ng 70 porsyento ang learning areas ng kasalukuyang kurikulum. Ilan lamang ito sa nagpapasidhi sa pagtanaw sa edukasyon bilang kompetisyon sa pag-angat ng pansariling kapakanan at magsilbing murang lakas-paggawa sa ibang bansa.
Pagpihit sa Oryentasyon
Magsisilbing kulungan lamang ang silid-aralan kung nakatuon lamang ang mag-aaral na makapagtapos upang makapagtrabaho, at ang hindi na makapag-isip nang kritikal para sa kanilang mga sarili at bayan.
Nakikilatis ang hungkag na kaayusan at disiplinang ipinapataw ng administrasyon dahil sa hindi pagtugon sa mga suliraning kinahaharap ng kaguruan at mga mag-aaral. Sadya nitong binubura ang edukasyong nagtataguyod ng pagpapahalaga sa matalas na paggamit at pagsiyasat sa wika, kultura, at lipunan upang makatulong sa pagsusulong ng pambansang kaunlaran.
Hindi matatamasa ang makamasa at siyentipikong edukasyon kung hindi sila hahayaang magtanong, makapag-isip, at mamulat sa iba-ibang ideya at kaisipan upang lumahok sa mga makahulugang diskusyon. Kailangan ng edukasyong hindi lamang iilan ang dumidikta kung ano ang tama at mali; mga ideya at patakarang pilit pinapasunod sa atin sa takot na maparusahan.
Marapat lamang na linangin ng mga paaralan ang ligtas at partisipatoryong edukasyong kikilatis sa iniinugan nating bayan. Sa ganang ito, matitiyak lamang ang lipunang may espasyo ang katuwiran at boses ng karamihan.Higit sa usapin ng maayos na silid-aralan at maayos na mga patakaran, nangangailangan na ng pagpapanibagong-oryentasyon sa sistema ng edukasyon–yaong hindi mapanupil at mapangsikil, bagkus ay mapagpalaya at umaakap sa pagkakaiba-iba ng bawat isa. ●