Sa alinmang bahagi ng buhay sa UP, kasama ang paghahanap ng pinakasulit at pinakamasarap na pagkain. Pagkain ang nagpapasigla sa atin tuwing hell week, ito rin ang tinatanaw nating reward pagkatapos mapagtagumpayan ang mga klase.
Bago pa man ang mix and match ng mga fast food, sikat na sa mga kiosk at stall sa loob ng UP ang combo meal. Kombinasyon ito ng pancit canton at iba pang pagkain gaya ng dynamite, fishball, at kwek-kwek o kung hindi naman ay burger sandwich na may kasamang fries, siomai, at palamig. Kung noon ay sapat na ang P30 para sa isang combo meal, P50 na sa kasalukuyan ang pinakamababang halaga nito.
Maliban sa mga kiosk, bukas din ang hilera ng Area 2 para sa mga gutom na iskolar. Ang mahabang listahan ng pagpipilian at pagiging budget-friendly nito ang dahilan kung bakit ito pa rin ang pinakasikat na puntahan sa buong campus.
Ngunit buhat ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin, tumaas na rin ang presyo na dinatnan ng mga estudyante pagbalik sa UP. Kung dati ay kaya nang makabili ang 50 pesos ng ulam at kanin, ngayon ay hindi na sapat ang halagang ito para magkaroon ng masustansyang pagkain.
Kasabay ng pagbalik ng mga estudyante sa pamantasan ang pag-usbong ng mga bagong kainan. Isa na rito ang Gyud Food na matatagpuan sa E. Jacinto St. sa tapat ng Fine Arts. Gayunpaman, pangamba ng mga maliit na manininda sa kampus ang patuloy na paglamon ng espasyo ng mga komersyalisadong gusali gaya nito.
Ipinahayag ngayong taon ng Samahang Manininda sa UP Campus ang dismaya sa hindi pagtupad ng administrasyong UP sa pangako nitong espasyo para sa mga manininda sa Gyud Food. Bukod pa rito, hindi rin abot-kaya ang renta sa loob ng mga komersyalisadong gusali na hawak ng third-party concessionaires.
Bukod sa Gyud Food, kasalukuyan na rin tinatapos ang pagpapatayo sa DiliMall, planong bilihan ng mga pagkain at iba pang serbisyo sa komunidad ng UP malapit sa Area 2. Ngunit pangamba ng mga manininda na magreresulta lamang ito sa tuluyang pagkawala ng kanilang negosyo sa loob ng UP at lalong pagtaas ng presyo ng mga pagkain.
Ang tunguhing makapagbigay ng serbisyo sa mga estudyante ng UP ay hindi dapat banta sa kabuhayan ng mga maninindang una nang naghain nito. Kaya marapat lamang na bilang isang komunidad, itaguyod nating mag-aaral ang karapatan ng mga manininda na makapaghanapbuhay sa loob ng pamantasan.●