Masarap mag-aral nang may kasama. Bukod sa mayroon kang napagtatanungan kung tama pa ba ang mga isinusulat ng bolpen mo, may kasama ka rin mamahinga kung sa tingin mo ay dapat nang ipagpabukas ang mga gawain.
Hindi na bago ang mga group study o study sessions para sa mga iskolar ng bayan. Magkakaklase man sa isang kurso, kaibigan sa kolehiyo o ka-org, nakagisnan na ng mga isko ang mag-aral nang magkakasama, lalo na kapag hell week.
Sa lawak ng unibersidad, kahit saang lugar ay tiyak na may mapupwestuhan para mag-aral. Pinakasikat noon ang Palma Hall, o mas kilala bilang AS. Palaging puno ng mga mag-aaral ang bulwagang Palma; mga subsob sa pag-aaral, malayang nakahilata sa sahig upang magpahinga, o di kaya'y nagpapalipas ng oras sa pakikipagkwentuhan.
Dahil bukas ang espasyo para sa lahat, malaya rin ang mga estudyanteng magsagawa ng iba-ibang diskusyon na magpapalawak sa kanilang kaalaman tungkol sa napapanahong isyu ng kanilang henerasyon, pakikipagtalastasan na lampas sa natututuhan nila sa apat na sulok ng silid-aralan.
Nang muling magbukas ang pamantasan, naging puntahan ang silid-aklatan ng College of Science dahil sa 24/7 nitong serbisyo. Nanunumbalik na rin ang Kapihan sa Student Union Building (SUB) kung saan may libreng kape at pagkain sa mga estudyanteng nais mag-aral buong magdamag. Sa mga Kapihan din nagkakaroon ng tutor sessions sa mga kursong may kahirapan tulad ng Chemistry, Physics, at Math.
Bagaman may silid-aklatan at bulwagan pa rin ngayon, marami na ang pinagbago ng mga espasyong ito. Sa matagal na pagkaburo sa mga sariling bahay dahil sa pandemya, hindi na pamilyar ang kalakhan sa mga silid-aklatan sa pamantasan. At bagaman tatlong taon na ang nakalilipas, hindi pa rin natatapos ang pagkukumpuni sa Univeristy Library o Main Library ng pamantansan, silid-aklatan na dati’y kumpleto sa kagamitan at aksesible para sa lahat ng estudyante.
Bukod sa mga saradong silid-aklatan, limitado na rin ang mga espasyong maaaring puntahan, maging ang maayos na kagamitang pang-estudyante. Isang suliranin ang hindi aksesibleng internet sa buong SUB at kahirapan sa pagreserba ng mga silid dahil sa dagdag na kahingian at singil na fee. Kung kaya,madalas nang makita ang mga isko na nag-sa-study session sa labas ng unibersidad–mga espasyong hamak na mas magastos at malayo.
Naging kahiligan na puntahan ng mga estudyante ang mga coffee shop sa UP Town Center (UPTC). Ang UPTC ay ang dating gusali ng UP Integrated School na ipinarenta ng UP sa pribadong sektor bilang dagdag panustos ng pamantasan. Bagaman isang alternatibo ang UPTC sa mga estudyante, hindi pa rin ito sustenable dahil hindi abot-kaya sa lahat ang paglalagi rito–katunayan sa patuloy na pagliit ng mga espasyong pang-estudyante dulot ng komersyalisasyon.
Ngayong kinikilala at tinutuklas ng mga bagong iskolar ng bayan ang mga espasyo ng UP, mahalagang makilahok ang lahat ng iskolar sa pagkakaroon ng bukas at ligtas na espasyo—nang sa gayon ay wala nang maiwang mag-aaral. ●