Nanggagalaiting pinatay ni Nanay ang telebisyon matapos ang anunsyo ng gobyerno hinggil sa tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. “Practice social distancing,” ika nila, dahil sa ganitong paraan, mababawasan ang posibilidad ng pagkalat ng nakahahawang sakit. At dahil hindi naman namin pag-aari ang lupang kinatitirikan ng aming bahay, iisa lang ang sala, kainan, at aming tulugan.
“Dapat tuluy-tuloy din ang tulong ng gobyerno. Walang kakainin ang tao, lalo rito sa atin na puro nasa kalsada ang kabuhayan,” sabi ni Nanay.
Hindi madali para sa aming nakaasa sa kakarampot na arawang sahod ni Tatay ang mga nakaraang linggo. Unti-unti naming naramdaman ang kumpas ng lockdown sa unti-unting pagkaubos ng aming pagkain. At kung dati, nagagawa pa naming magkakapitbahay na magbahagian ng ulam, kanin, at iba pang pagkain, ngayo’y takot ang lahat kahit sa simpleng hawak lamang.
“Gusto nila sa bahay lang tayo, e gutom naman aabutin natin kapag hindi tayo kumayod,” naulinagan kong kwentuhan ni nanay at kapitbahay naming si Aling Delia, na nabubuhay sa paglalako ng gulay at iba pang paninda, habang nagsasampay ng nilabhang damit.
Lumipas ang ilang araw, said na said na ang pera namin. Hindi na mapakali si Nanay at Tatay kung saan kukuha ng susunod naming kakainin. Hindi naman kami makautang sa mga tindahan malapit sa amin, dahil malaki-laki pa ang utang namin sa kanila. Inuulcer na rin ang asawa ni Aling Delia na si Mang Deo, ngunit dahil hindi siya makapaninda, wala rin siyang perang pambili ng gamot.
“Paano tayo ngayon,” tanong ng nakababata kong kapatid. Kibit-balikat at buntong-hininga lang ang naisagot ng mga magulang namin. Nagpaskil na rin kami ng kung anu-anong panawagan namin sa gobyerno, sa pag-asang mapapansin ito ng barangay o ng kung sinumang politikong nadaraan sa aming kalsada.
Kinabukasan, maagang kumatok si Aling Delia sa amin. “Nariyan na raw yung bigay ni Mayor, pumunta raw tayo sa barangay.” Agad-agad kaming nagbihis at tumungo sa barangay.
Ngunit pagdating namin, wala kaming nadatnang bigas, de lata, o anumang pagkaing nakapakete. Ang tanging naroon ay mga tanod, kasama ng mga nakaunipormeng pulis at militar na may bitbit na baril. Maya-maya, pinagbabato kami’t pinababalik sa aming tahanan, dahil ipinagbabawal daw lumabas ng bahay ngayong lockdown.
“Gutom na kami, maawa naman kayo!” sigaw ng isa, na kalaunan ay naging sigaw na rin ng lahat. “Susunod naman kami sa utos niyo kung may makakain lang kami!”
Ilang sandali, dumating si Kapitan sa bulto, dala-dala ang balitang paparating na raw ang tulong. Isa-isa na kaming bumalik sa aming mga tahanan, sa pag-asang makakapaghapunan na rin kami ng disenteng pagkain.
“Salamat sa Diyos,” sabay na naibulalas ni Nanay at Tatay nang dumating ang tulong sa amin. Sa wakas, hindi na kakalam ang sikmura namin at payapa kaming makatutulog ngayong gabi. ●
Basahin ang pangalawang parte.
Unang inilathala ang artikulong ito noong Abril 8, 2020.