Paglilinis at paglelehitimisa sa administrasyon at diktadurya ng pamilyang Marcos ang maaaring dahilan ng pagbuo nila ng relasyon at pagbibigay ng donasyon sa mga prestihiyosong institusyon tulad ng Harvard University, ayon sa mga akademiko.
Ito, matapos maiulat ang donasyon ni House Speaker Rep. Ferdinand Martin Romualdez, pamangkin ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ng USD1 milyon para sa pagbubukas ng kurso sa wikang Filipino sa Harvard.
“[The donation is beneficial only] to Harvard in terms of money and to the Marcos-Romualdez clan in terms of whitewashing its crimes,” ani Ramon Guillermo, direktor ng UP Center for International Studies, sa isang email sa Kulê.
Unang inilathala ng Inquirer.net ang balita ng donasyon ngunit binura rin matapos ang ilang oras. Nagbitiw naman noong Setyembre 1 ang US bureau chief ng Inquirer.net matapos ang pagkakatanggal ng balita, ayon sa ulat ng Rappler noong Martes. Hipag ni Romualdez ang chief executive officer ng Inquirer Group of Companies na si Sandy Prieto-Romualdez.
"Perhaps Harvard was aware that a donation from the Marcos-Romualdez clan would be controversial, hence the secrecy," dagdag ni Guillermo.
Walo sa mga naging pangulo ng Estados Unidos at maraming Nobel Prize winners ang nakapagtapos sa prestihiyosong Harvard University.
Filipino ang ikaapat sa pangkaraniwang wika sa US. Ito ang unang beses na magbubukas ang unibersidad ng kurso sa Filipino, ayon sa Harvard Crimson, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Harvard. Ibinalita at kinumpirma rin ng pahayagan ang naging donasyon ni Romualdez. Ayon din sa Crimson, USD2 milyon ang naging donasyon ni Romualdez.
"Having Filipino being taught in Harvard is certainly a good thing," ani Karlo Mongaya, propesor ng Philippine Studies sa UP Diliman. “[But] accepting donations from unrepentant families of corrupt dictators, is certainly questionable, regardless
of the benevolent purpose of their gifts.”
Hanggang ngayon, hindi pa rin itinatanggi o kinukumpirma ni Romualdez ang donasyon sapagkat nirerespeto umano niya ang gift policy ng institusyon, ayon sa isang press release noong Linggo.
Sa pabatid ng nag-donate, maaaring itago ang kanilang pagkakakilanlan, ayon sa polisiya ng Harvard. Gayunpaman, dadaan pa rin sa pagsusuri ng Gift Policy Committee ang anumang pagtanggap ng anonymous na donasyon.
Sa mga nagdaang taon, nakitaan ng iba-ibang donasyon at pagtangkilik sa kultura ang pamilyang Marcos. Noong 2019, namataan si Irene Marcos, kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na dumalo sa UP upang suportahan ang direktor ng dulang “The House of Bernarda Alba.” Sa parehong taon, nagpadala rin ang Ateneo ng imbitasyon kay Irene sa pagbubukas ng outdoor art installation ng Areté.
Maging noong rehimeng Marcos Sr., nakitaan na ng pagdami ng pagtayo ng mga kultural na gusali at programa sa bansa tulad ng Cultural Center of the Philippines, Manila Film Center, at Metro Manila Film Festival.
“History is replete with examples of powerful elites acting as patrons of legitimate cultural endeavor,” ani Mongaya. “We need look no further than the example of the Marcos dictatorship, which became a lavish patron of the arts as a way to shore up its image and impart legitimacy to dictatorial rule.” ●