Maraming bawal sa UP. Bawal ang overstaying, bawal ang mga delingkwente—honor and excellence raw kasi. Pero sa higit apat na taon ko sa unibersidad, hindi ko inakalang mayroon ding mga bawal na kursong kunin. Nakapagtataka ito lalo pa’t ibinabandera ng UP ang kalayaang pang-akademiko: ang kalayaang pumili ng mga asignaturang pag-aaralan at magpasya ng mga klaseng kukunin.
Tinatapos ko na lang ang thesis ko, kung kaya kumuha ako ng iba-ibang mga kursong di-kabilang sa programang BS Physics. Pumayag ang aking research adviser, ngunit nauwi ang lahat sa wala nang harangin ng college secretary ang aking enlistment. Anila, hindi maaari ang pagkuha ng noncredit subjects sa ilalim ng Free Tuition Law. Kung gusto ko raw na makuha ang mga asignatura, kailangan ko nang magbayad—higit P23,000 dahil P1,500 na ang presyo ng bawat yunit sa UP.
Matagal nang usapin ang mga kakulangan ng Free Tuition Law. Sa loob ng UP, mahigpit ang pagpapatupad sa restriksyon ng batas. Hindi na maaaring makatamasa ng libreng matrikula ang mga estudyanteng delayed ng higit isang taon, liban na lang kung umapela sa tsanselor. Sa mga patakarang ito, maaaring may mga mag-aaral na pipiliing tumigil sa kolehiyo kaysa magpatuloy at magbayad ng libu-libong matrikula.
Marahil ito ang hindi naiintindihan ng economic managers ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa suhestyon ni Finance Secretary Benjamin Diokno na alisin ang libreng matrikula. Sa planong ito, posibleng mas lumala ang idinadahilan niyang dropout rates sa state universities and colleges (SUC). Aniya, mas mainam na “targeted” ang stipend at scholarship na ipinamimigay sa mga estudyante ng SUC dahil marami raw ang umaalis matapos ang isang taon sa kolehiyo.
Bagaman marami pang pagkukulang ang batas, isang hakbang pasulong ang Free Tuition Law sa pagkamit ng ating karapatan sa aksesible, libre, at dekalidad na edukasyon. Matagal nang tutol sa Free Tuition Law ang mga katulad ni Diokno dahil sa malaking pondong kinakailangan taon-taon para bayaran ang matrikula sa mga SUC. Para sa mga ekonomista ni Marcos—at kahit sa administrasyon ni Duterte noong 2016–return-of-investment ang edukasyon, hindi karapatan.
Pagpapabaya ng estado ang pagbawi sa Free Tuition Law dahil tumatagos sa usapin ng ekonomiya at fiscal policy ang anumang tangkang paglusaw rito. Responsibilidad ng pamahalaang maglaan ng sapat na pondo upang isulong ang karapatan sa edukasyon. Ang pagbawi sa Free Tuition Law, o anumang pagbawas sa badyet ng edukasyon, ay maituturing na pagbawi rin ng karapatang ito.
Sa halip na lusawin ang Free Tuition Law, marapat na lalo pang palawakin ng administrasyon ang batas. Maaaring bigyang pansin ang nakabinbin pa rin na panukala ng Makabayan Bloc sa tulad ng pagbabawal sa “no permit, no exam” policy sa mga pribadong kolehiyo, at ang pagpapahinto ng mga tuition and other fees increase sa lahat ng paaralan at pamantasan. Dito rin mahalaga ang EDCOM 2, isang multisectoral na komite ng Kongresong nagre-rebyu ng sektor ng edukasyon, upang pag-aralan at magmungkahi ng mga polisiya upang mapalawak ang Free Tuition Law.
Kailanman ay hindi solusyon ang pag-urong sa Free Tuition Law sa mga problema ng sektor ng edukasyon. Kung totoo ang hangarin ng administrasyong paunlarin ang edukasyon sa bansa, hindi lang matrikula ang kailangang bigyang subsidiyo. Sa UP, nangangahulugan ito ng mas mataas na pondo para sa hiring at benepisyo ng mga guro at kawani, kagamitan sa edukasyon, at serbisyo sa mga mag-aaral tulad ng tirahan.
Maraming bawal sa UP—lalo na ang pagkitil sa benepisyong ating tinatamasa buhat ng deka-dekada nating paggiit ng karapatan sa edukasyon. Katulad ng deka-dekada nating paglaban para sa Free Tuition Law, hindi tayo mag-aatubiling tunggaliin ang ano mang tangka ng pagbawi rito–sa Kongreso man o sa kalsada. ●