Hindi kayang tugunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hinaing ng taumbayan. Lipas na ang panahon ng mga pangako—lalo kung bigo ang mga katiyakang ito na pahupain ang pagtaas ng bilihin at pagtindi ng kahirapan sa bansa. Iginigiya na lamang ng administrasyon ang ubos-lakas nitong pagpupumilit na panatilihin ang imahe ng kontrol ni Marcos Jr., sa kabila ng tumitinding pagkadismaya ng mamamayan sa palpak nitong pangangasiwa sa agrikultura at ekonomiya.
Nitong Setyembre, nagpatupad si Marcos Jr. ng price ceiling sa presyo ng bigas sa bisa ng Executive Order 39 bilang tugon umano sa pagtaas ng bilihin ng mga produkto. Isa mang pagtatangka, higit lamang mapanghamak ang EO 39 gayong hindi nito direktang binibigyang solusyon ang umiigting na krisis sa agrikultura.
Hindi maipagkakailang nakatutulong ang mga price cap upang panandaliang pahintuin ang pagtaas ng presyo ng bilihin nitong mga nakaraang buwan. Ngunit huli na noong ipinatupad ito ng gobyerno sapagkat labis na ang itinaas ng mga bilihin dulot ng pinsalang tinamo ng sektor ng agrikultura sa mga nagdaang bagyo.
Buwan ng Agosto pa lamang, ipinanawagan na ng mga magsasaka ang pagpataw ng mas murang presyo sa bigas at subsidyo para sa mga magsasaka. Ngunit huli na nang kumilos ang gobyerno kung kailan umabot na sa halos P60 bawat kilo ang bigas kasabay ng paglobo ng presyo ng pagkain.
Hindi na rin maikukubli ng gobyerno ang ilusyong nais nitong ipakita sa mamamayan: magmistulang gagap ang kalagayan ng bansa at manipulahin ang taumbayan na kumapit na lamang sa mga hungkag nitong aksyon. Taliwas sa pangakong pag-unlad, lalong itinutulak ng administrasyon sa krisis ang sektor ng agrikultura sa padaskul-daskol nitong pagkilos.
Siya ring nagpapahirap sa mamamayan ang kawalang-aksyon ng gobyerno sa pag-iimbestiga sa mga iligal na cartel at negosyanteng nag-iimbak ng bigas na siyang tinuturo nito sa pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado. Sa pananatiling kimi ng Kagawaran ng Agrikultura, dagdag pa ng pagkatanggal sa tungkulin ng National Food Authority na pangasiwaan ang presyo ng bigas, napapahintulutan lamang ang paglabag ng mga cartel sa anumang pagpataw ng kontrol ng gobyerno.
Kung kaya, hindi maaasahang tutugunan ng mga nakaupo sa pwesto ang kinakaharap na krisis gayong sila mismo ang nagbibigay-daan sa pag-iral nito.
Sa pagpapatuloy ni Marcos Jr. sa Rice Liberalization Law at pag-aangkat ng mga produkto nang walang pagpapalakas sa lokal na produksyon, aasahang tataas lamang ang presyo ng bigas at ibang bilihin. Gayundin, lalong mahihirapang makipagsabayan ang mga magsasaka sa merkado bunsod ng mga free trade agreement tulad ng Regional Comprehensive Economic Partnership.
Indikasyon ang mga polisiya tulad ng EO 39 sa kawalang pananagutan ng gobyerno sa mga paghihirap na idinudulot ng mga mapanghamak na batas na sila rin ang nagpapairal. Ang totoo’y isa lamang itong huwad na aksyon upang pagtakpan ang kapabayaan nilang tugunan ang pangangailangan ng taumbayan.
Kung pananatilihin ng gobyerno ang mga mapanghamak na polisiya sa ordinaryong mamamayan, at kung hindi nito igigiya ang interes ng pamamahala sa kapakanan ng mga magsasaka at agrikultura, patuloy na mag-aanak ng krisis ang bansa.
Hindi na maikukubli ang kapabayaan ng administrasyon: walang interes si Marcos Jr. na wakasan ang mga krisis ng bansa. Di magtatagal, taumbayan na mismo ang babawi sa kontrol at kapangyarihan mula sa mga nakaupo sa pwesto. Nang sa ganon, gumiya sa kaunlaran ang binabagtas na kahihinatnan ng bansa—lampas sa mga pangako, at palayo sa mga ilusyon ng bigong pangulo. ●