Apat na buwan matapos ang pagkapanalo ng abstention sa University Student Council (USC) elections noong Mayo, magkakasa ng espesyal na halalan bukas hanggang Huwebes ang unibersidad upang mapunan ang mga bakanteng posisyon ng chairperson, vice chairperson, at apat na councilor.
Ngunit hanggang di nareresolba ang mga isyung nagtulak sa mga estudyante na mag-abstain noong halalan, di malayong mananatili ang siwang sa representasyon ng mga mag-aaral sa pamantasan.
Sa konteksto ng tumitinding atake ng administrasyong Marcos sa karapatang pantao–tahasang pandarahas at pandurukot sa mamamayan–natatangi ang mga hamong sasalubong sa susunod na mga lider-estudyante. Haharapin din ng bagong konseho ang mga di naresolba at nagsasanga-sangang isyu ng mga nagdaang taon.
Mula sa kawalan ng kongkretong aksyon hinggil sa mga kaso ng fraternity-related violence, hanggang sa pagkasangkot ng mga pormasyon at lider sa maling paghawak sa mga kaso ng sexual harassment, malaki ang hakbang na lulundagin ng mga susunod na lider-estudyante sa pagpapanumbalik ng panatag at tiwala ng mga mag-aaral sa institusyong inaasahang mangunguna sa pagsulong ng kampanya para sa ligtas na espasyo.
Ang pagiging maagap sa pagkilos ang gayunding hinihingi sa susunod na konseho. Maraming pangangailangan ng mga mag-aaral ang hindi natutugunan buhat ng paulit-ulit nang problema sa kawalan ng mabilisang aksyon. Kabilang dito ang kabagalan sa paggaod ng mga kampanya tulad ng Diliman Student Agenda noong president at chancellor selection. Huli na rin ang pagkilos para suportahan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng murang matutuluyan.
Nagtutulak sa mga mag-aaral ang kakulangan ng pagkilos at pag-uugnay na umasa na lamang sa sariling kakayahan na matugunan ang sariling kahingian. Lumilikha ang ganitong problema ng isang klima ng pagsasarili na siyang humahamak sa diwa ng UP bilang komunidad.
Hindi sintomas ng humihinang pakikisangkot ng mga mag-aaral sa mga isyu ang pagbaba ng voter turnout sa mga nakaraang halalan. Bagkus, manipestasyon ito ng lumulubhang disposisyon ng mga mag-aaral na pinapanatili pa ng krisis sa edukasyon at ekonomiyang nilikha ng estado.
Kung gayon, mabigat ang papel ng mga lider-estudyante upang umugnay sa mga mag-aaral at mabatid ang koneksyon ng kanilang kalagayan sa mga isyu. Esensyal ang patuloy na pakikipag-usap, pagpupulong, at konsultasyon sa mga mag-aaral upang mapanatili ang pagbibigkis ng bawat isa sa mas malawak na komunidad. Kahingian ito sa lahat ng mga lider, gayundin sa mga lokal na konseho, tungo sa pagpapaunawa sa mga mag-aaral, higit lalo sa mga bagong Iskolar na lalahok sa pagboto, sa kanilang papel sa pagkilos.
Bukas, pipili ang mga mag-aaral ng kanilang mga lider-estudyante na kakatawan sa kanilang mga panawagan at magsusulong sa mga kampanya. Maaaring mababa pa rin ang voter turnout at maaaring mananalo muli ang abstention. Gayunman, anumang magiging resulta ngayong Huwebes, pagkakataon ito para sa mga kasalukuyang lider na magwasto at magbago sa kanilang pagkilos at pakikitungo sa mga mag-aaral.
Lalo ngayong lakas-loob na nanghihimasok ang pwersa ng militar at kapulisan sa ating mga kampus, higit na kinakailangan ang nagkakaisang pagkilos ng mga mag-aaral na tutumbas at tutunggali sa mga atake. Magiging posible lamang ito sa presenya ng isang matatag at militanteng institusyon ng mga lider-estudyante–institusyong dapat na pinatatatag ng kakayahan nitong magpanagot at mag-ako ng pananagutan, kumilatis at magtanggap ng kilatis, at kumilos at magpakilos.
Sapagkat walang ibang mainam na solusyon upang punan ang siwang ng tunay na representasyon ng mga mag-aaral kundi ang mismong pagpapanday ng mga lider-estudyante ng kanilang ugnayan sa mga mag-aaral at komunidad. Kahingian ito tungo sa pag-akay sa mga mag-aaral na makisangkot sa mas malawak na mga laban. ●