Di makagalaw sa sakit ng katawan. Mapapaiyak dahil tila binabarena ang ulo. Hinihingal at naninikip ang dibdib. Pero hindi naman ako nilalagnat, sinisipon o inuubo. Hindi pa naman siguro ito ang virus, kumbinsi ko sa sarili dahil hindi ko maisip na ako—bata, malusog, hindi lumalabas—ay magkakasakit dahil sa virus.
May partikular na paraan itong krisis sa pagpapaintindi sa aking mas malapit siya kaysa inaakala ko. Noong nagsisimula pa lang kumalat itong sakit, una nang nadali ang mga kapitbahay ko. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano nang nangyari sa kanila—kung bumalik ba sila sa dati o tuluyan nang nilamon ng sakit.
Mula noong nabalitaan kong dinapuan ng virus ang matanda sa harap, hindi ko na muling binuksan ang mga bintana ko. Nalaman ko ring nahawaan itong katabi ko sa apartment, at naisip kong yung bungisngis niya isang gabi bago ipamalita sa aming may sakit siya ang huli na palang beses na maririnig ko ang kahit anong ingay mula sa kanya.
Nanahimik ang aming kalsada simula noong Marso noong nakaraang taon. Medyo natuwa pa ako noon dahil sa wakas, hindi ko na maririnig ang araw-araw na videoke ng kapitbahay. Wala na ring lasing na biglang sisigaw o mag-aamok sa kalagitnaan ng gabi. Hindi ko aakalaing hahanap-hanapin ko ang sigawan at halakhakan nila. Napagtanto ko sa kawalan ng ingay na bagaman wala akong kasama sa kwarto, hindi ko naramdamang nag-iisa ako. Para akong kasama sa kanilang mga usapan, para nila akong kaibigan.
Naramdaman kong unti-unting bumabagal ang tibok ng puso ko, hindi na rin ako masyadong hinihingal. Pero nariyan pa rin ang pananakit ng ulo at ibang parte ng katawan. Binuksan ko ang cellphone ko—ang natitirang paraan para malaman ko ano na’ng nangyayari sa mundo sa labas ng kwarto ko.
Napakunot ang noo ko sa unang tumambad na post: diskusyon tungkol sa lugaw, kung esensyal ba ito o hindi. Sumunod dito ang isa namang kwento ng anak na namatayan ng tatay dahil hindi agad nakapasok sa ospital. At ang pinakahuli kong binasang post bago pagdesisyunang tigilan na ang social media: mapa ng NCR na hitik sa pulang tuldok, nagpapakita gaano kakapal ang populasyong may sakit. Kaunti na lang at magiging pula na ang kalakhan ng rehiyon.
Pinatay ko ang cellphone ko, hinahabol ko na naman ang paghinga ko. Hindi ko naman naramdaman itong mga sintomas ko noong nagsisimula pa lang ang pagkalat ng virus sa aming komunidad. Sa bawat gabing matutulog ako, iniisip kong papalapit na ako sa araw na muli akong makakalabas; makakasakay ng jeep, makakakain ng street food, makakadalo ng mga libreng showing sa sinehan. Babalik din ang kalye namin sa dati; may araw-araw na karaoke, may maiingay na inuman, may naghahabulang mga bata.
Ngunit napagtanto kong taliwas ang magaganap sa aking inaasam nang lumipas na ang mga buwan, nananatili pa ring tahimik ang kalsada, hindi na muling nakapasada ang mag jeep, wala na’ng mga kart ng fishball, at hindi ko na muling narinig ang malakas na pag-awit ng matanda sa harap. Dito na rin nagsimula ang mga sintomas ko—sa una’y pananakit lang ng ulo, ngunit lumala ito sa puntong hindi na ako makabangon sa kama.
Wala na nga sigurong babalikan pa. Iwinaksi ko na ang pag-iisip ng gagawin kapag natapos itong krisis dahil hindi ko na makita ang bukas. Isang taon na mula nang magkasakit ang mga kapitbahay ko. Sa loob ng panahong iyon, nakagawa na ng bakuna ang mga siyentista laban sa virus. Ngunit sa bansa, nananatiling nakakulong ang mga diskusyon ng mga opisyal sa kung ano nga ba ang depinisyon ng esensyal, kung magpapataw ng curfew, kung dapat bang magsuot ng face shield.
Malayo sa abot ko ang bakuna laban sa virus, at makakuha man nito, sigurado akong hindi nito mapapagaling ang mga sintomas ko na nagsisimula na namang lumala. Marahil itong nararamdaman ko ay isa sa maraming uri ng virus, at bagaman maaari itong maibsan ng mga gamot, hindi pa rin ako tunay na gagaling hanggang hindi bumabalik ang maingay kong paligid, hanggang patuloy tayong nakabulid sa kawalang-katiyakan. ●
Basahin ang unang parte.