Likas sa pesanteng kababaihan ang maging mapamaraan sa pamumuhay. Para sa kanila, mahalagang walang nasasayang. Anumang bagay ay kanilang pauunlarin na tutugon sa iba pang pangangailangan; sumasalamin sa pagpapahalagang kanilang kinagisnan sa paglinang sa lupang kanilang ipinaglalaban.
Nakasulsi ang makukulay na retasong pinagtagpi-tagpi sa puting telang masinop na tinipon ni Zen Soriano, chairperson ng Amihan National Federation of Peasant Women. Tigib ito ng iba-ibang disenyong nagmula sa lumang daster, shorts, at kamisetang hindi na ginagamit at kalauna'y pinira-piraso. Sa mga retasong ito, nakatahi ang kanilang mga panawagan bilang mga magsasaka.
Bahagi ng sustenableng paraan ng protesta ng pesanteng kababaihan ang pagtatahi mula sa mga lumang retaso. Dito, nababanaag ang walang humpay nilang pakikipagtunggali upang angkinin ang kanilang kapangyarihan sa kultural, ekonomiko, at politikal na espasyong kanilang ginagalawan.
Sinulsing Panawagan
Maging sa kasaysayan, nakahabi na ang sining ng pagtatahi ng kababaihan. Isa sa mga halimbawa ang tradisyunal na paghahabi ng T'nalak ng kababaihang T'boli o "dream weavers" mula sa Cotabato. Kolektibo ang paggawa ng T’nalak. Sa bawat likha, nakahabi ang naratibo ng karanasan at alaala ng komunidad, mga aral ng pagpapahalaga sa lupa at kalikasan.
Maging sa kasalukuyan, bitbit ng pesanteng kababaihan ang pagsasapraktika ng kolektibong sining ng pagtatahi. Gayundin, tali sa danas ng kanilang sektor ang mga nakatahing panawagan.
Itinatag ng kababaihang pesante ang Amihan taong 1986 bilang pagsulong para sa tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon, at pagwaksi sa lahat ng makauring pananamantala sa kanayunan. Dito, kinasangkapan ng kababaihan ang pagtatahi na kadalasang ikinakabit bilang gawaing bahay upang ipakita ang kanilang pakikipagbuno laban sa hirap at panggigipit na nararanasan ng uring magsasaka.
Ginagamit din ng pesanteng kababaihan ang sining bilang porma ng pag-oorganisa upang maipagpatuloy ang paglaban para sa lupa. Lakip sa mga malikhaing pag-oorganisa ng pesanteng kababaihan ang crochet at art workshops, pagtatahi, pag-awit, pagsayaw, at pagsusulat ng tula na tumatalakay sa hangarin at danas ng mga pesante.
Nakabatay sa sustenableng paraan ang sining ng pesanteng kababaihan. Masinop nilang ginagamit ang mga rekurso upang hindi masayang. Hango ang kaugaliang ito sa kanilang pagsasapraktika ng kanilang pagsasaka at produksyon sa pagkain; sustenable para sa komunidad at kalikasan, higit, para sa ikabubuti ng kolektibo.
“Yung ibang nanay sumasali [sa kultura na paggawa], pero karamihan ay mga anak nila. Naisasalin sa mga bata yung pangangailangan na maipaglaban itong lupa na napakahalaga at kasiguruhan sa pagkain. Dito naituturo rin yung kung paano pangangalagaan ang kalikasan, para na rin maisulong ang sustainable agriculture,” paliwanag ni Nanay Zen.
Itinuon ng mga organisadong pesanteng kababaihan ang sama-samang paglikha gamit ang mga tela na may lamang panawagan na sumisimbolo sa kanilang hangarin para sa sektor ng mga pesante. Dito, naipapakita ng kababaihan ang ugnayan ng mga magsasaka sa kalikasan at lupa; kung paano tinitingnan at ginagamit ng mga manggagawang bukid ang mga rekurso batay sa kanilang mga pangangailangan.
Hinabing Kapalaran
“Sa atin, kalimitang kababaihan ang nagsusulsi. Dahil sa limited time, lalo na napakamahal ang pagpapagawa ng mga streamers o props materials ay mahal, pag-e-economize na rin yun ng organisasyon dahil wala namang pera,” ani Nanay Zen.
Tali ang pagtatahi sa kababaihan dahil sa patriyarkal na lipunang Pilipino upang ikahon ang kanilang halaga at imahe sa loob lamang ng tahanan. Sa gayong pagkakatali, nalilimitahan ang kalayaan ng pesanteng kababaihan at kapasidad nitong kumilos lampas sa gawain sa tahanan. At sa ganitong kaisipan rin hindi nababatid ng pesanteng kababaihan ang kanilang malaking papel sa agrikultura at sariling ahensya upang lumaban para sa tunay na reporma sa lupa.
Ngunit sa pag-angkin ng mga pesanteng kababaihan sa kultura ng pagtatahi, kanilang iminumulat ang kapwa babae sa mga karapatan at pagkakapantay-pantay na marapat nilang maipaglaban at makamit. Sa sining na ito nakita ng kababaihan ang kanilang kalakasan upang i-angkop sa malikhaing paraan ang kanilang sarili at igiit ang sariling espasyo sa paglikha.
Hibla ng Lipunang Mapagpalaya
Nakatali pa rin sa mabigat na gawain sa bukid, tahanan, at pamilya ang magsasakang kababaihan, at nananatili pa rin ang hamon sa paggawa at pag-oorganisa. Kaya mahalaga ang pakikisangkot ng kilusang peminista para sa economic justice, ayon kay Lola Olufemi, isang peministang organisador sa Inglatera.
Kakabit ng paglaban para sa economic justice, ang paglikha ng bagong lipunan kung saan malaya ang kababaihan mula sa mga panlipunan at pang-ekomikong kondisyon na mapagsamantala, paliwanag ni Olufemi. Sa hanay ng pesanteng kababaihan, tanda ito ng pagkakaroon ng sariling lupang mapagtataniman, pagkamit sa sariling ahensya na paunlarin ang lupang sinasaka, at pagkakaroon ng oras lampas sa pawang paggawa.
Sumusuhay sa mapagpalayang sining na nililikha ng pesanteng kababaihan ang katangian ng proletaryadong sining ayon kay Mao Zedong, isang Tsinong pilosopo at rebolusyonaryo. Sa ganitong sining, nakabatay ang paglikha nito sa tindig ng masang manggagawa at pesante. Gayundin, kalakip nito ang kritikal na pagsusuri sa lipunan, umiiral na tunggalian ng uri, buhay at pakikibaka ng masa.
Ipinapakita ng pagtatahi ng pesanteng kababaihan ang kanilang kapangyarihang magkaisa at mag-organisa, bagay na mahalaga para umalpas sa mga limitasyong itinakda sa kanila ng lipunan. Bunga ito ng layuning makilahok sa pagpapalaya ng lipunang nagkakait ng hustisya at pagkakapantay-pantay sa pesanteng kababaihan.
Hindi maikakahon ang pesanteng kababaihan maging ang kanilang sining sa usapin lamang ng pagiging matipid at mapamaraan. Umaalpas ito tungo sa paglalayong lansagin ang sistema ng kahirapan, pananamantala, at pagkakaila upang tunggaliin ang karahasang matagal nang nagmumutawi sa kanilang uri at kasarian. ●