Akala ko namalikmata lamang ako nang nakita kong may Golf Club na sa UP Diliman. Siguro, dahil ilang araw na akong kulang sa tulog, nag-iimbento ng kung ano-ano ang utak ko sa tuwing nag-iiskrol ako sa Facebook, kaya ipinagpalagay ko na lang na meme lang ito. Pero pagkaraan ng ilang pag-iiskrol, hindi na pala ito biro.
Aaminin ko: tumawa lang ako nang makita ang post nila sa mga komento hinggil sa tila unti-unting pagiging elitista ng demograpiya sa UP. Kung tutuusin, hindi naman talaga maiiwasang maiugnay ang golf sa pagiging marangya. Di biro ang taas ng halaga ng membership fees, equipment, at iba pang gastusin dito. Pinasisinungalingan nito ang giit ng ilan na ang golf ay para sa lahat.
Kaya naintindihan ko ang paglipana ng mga komentong nagiging burgis na raw ang pamantasan. Hindi naman ito maitatanggi. Matagal nang burgis ang UP. Sa estado pa naman ng edukasyon na pumapabor lamang sa may pribilehiyo, ano pa ba ang inaasahan natin kundi ang lalong pagkawala ng oportunidad para sa nakararami na makapag-aral sa mga unibersidad? Kaya galit ako sa limitadong suporta ng pamahalaan sa sektor ng edukasyon na siyang nagkakait sa mahihirap ng pagkakataong makapasok sa UP at pinalilitaw na tayo pa ang nagtutunggali sa isa’t isa.
Dahil sa pangyayaring ito, napagtanto kong lagi tayong nakikipagtuos sa sistemang hindi para sa lahat—sistemang malaon nang tumutugon lamang sa kahingian ng iilan at tinatalikuran ang pangangailangan at karapatan ng nakararami. Ang mga karapatan sa edukasyon, lupa, at trabaho ay tila nananatiling eksklusibo sa mga kayang bilihin ito.
Naalala ko ang kwento ng kaibigan na bumisita noon sa Hacienda Yulo. Kwento niya, patuloy na binabantaan at pilit na pinapalayas ng mga armadong lalaki ang mga magsasaka sa lupang tinitirahan at sinasakahan nila noon pa man. Maging ang buong komunidad ay ilang dekada nang nagbubungkal doon. Kaya malaking inhustisya para sa komunidad ang pandarahas ng korporasyong nang-aagaw ng lupa nila.
Batid nilang planong gawing subdibisyon ng pamilyang nagmamay-ari ng korporasyon ang lupang sakahan. Maging ang ilang bahagi ng hacienda ay pagtatayuan ng ekstensyon ng isang golf course. Ika nga ng kaibigan ko, tila damo lang silang pwedeng hablutin ng mga makapangyarihan upang mapakinabangan ang lupa para sa pansariling interes.
Hindi malayong marami pang ganitong kaso sa iba-ibang bahagi ng bansa. Ilang lupang sakahan at lupang ninuno na ang walang pakundangang ginawang minahan ng mga korporasyon o komersyal na espasyo tulad ng golf courses, subdibisyon at iba pang establisyemento. Ilang karapatan at buhay na rin ang isinangkalan alang-alang sa interes ng iilan. Hindi pa rin para sa lahat ang dapat na karapatan sa edukasyon, lupa at buhay.
Mas maiging ituon ko na ang galit ko sa palyadong sistemang nagpapahintulot ng tagibang na kaayusan at di na mamamalikmata pa sa ilusyong nilalayo ako sa kung ano ang dapat kong gawin: ang makiisa sa laban ng mga sektor para sa isang lipunan kung saan natatamasa ng lahat ang kanilang karapatan, sa edukasyon man iyan o sa lupang binubungkal. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-20 ng Oktubre 2023.