Tapos na ang palabas, pero tingin mo mayroong kulang; kaya maglalaro ka sa mga posibilidad. Ilalagay mo ang storya sa ibang mundo at panahon, pagtatambalin ang bida at kontrabida, o paiibigin ang paborito mong karakter sa iyo. Hindi masamang mangarap, kaya hindi mo itatago ang pantasyang ito sa sarili lang: kakatha ka ng panibagong kwento, ibabahagi pa sa mga kapwa-tagasubaybay.
Dahil walang bawal sa mundo ng pantasya, malaya kang gawing lobo ang mga tauhan, o kahit gawing sekswal ang pambatang libro at palabas. Minsan, kapag mas nakababahala, lalo pang nakakaaliw para sa kapwa mong fans. Dahil ano naman kung magka-relasyon si Dora at ang unggoy niyang si Boots?
Gaano man kakontrobersyal ang tema ay walang bigat sa mundo ng fan fiction. Mistulang nakalutang mula sa realidad, hindi ito nasasakop ng mga problema sa totoong buhay. Ang mahalaga, lumigaya ang manunulat at nakiliti ang imahinasyon ng grupong kinabibilangan niya.
Guni-guni
Kung iisipin ang fan fiction bilang likhang hango sa mga tauhan at kwento ng naunang materyal, maituturing itong halos kasing-tanda ng mga batikang panitikan. Ang kanonikal na akda na Inferno ni Dante Alighieri, halimbawa, ay reinterpretasyon ng pinagsamang Bibliya at Aeneid. At maging ang mga pinagbasehang ito ni Dante ay halaw rin sa mga piyesa ng ibang awtor: ang Bagong Tipan ng Bibliya ay pagpapatuloy ng Lumang Tipan, habang ang Aeneid ay epikong nakabase sa buhay ni Aeneas ng Iliad.
Kahit ang mga dula ni Shakespeare, na patuloy na nagluluwal ng mga modernong bersyon sa kasalukuyan, ay hiram lang din mula sa iba’t ibang teksto. Kung saan sa mga adaptasyon, sequel, remake at iba pang tipo sa ganitong larangan natatagpuan ang fan fiction, ito ay sa pagkakataong nakukulong pa rin sa uniberso ng orihinal na akda ang mga karakter, at higit ang patuloy na pagtangi.
Hindi lang simpleng paggawa ng bago mula sa orihinal ang fan fiction, ito ay bumubuo ng isang komunidad, pinag-iisa ng parehong interes at lenggwaheng sila lang ang nakakaintindi.
Kritikal ang pagkakalikha ng konsepto ng copyright sa pagsibol ng mga fans at fan fiction. Gawa ng pagkilala sa pag-aari ng manunulat sa kanyang likha, nalimitahan ang dating nakagawiang pag-aangkop ng teksto. Pinalabas nitong propesyunal ang mga awtor ng orihinal na akda, habang amateur lamang ang mga fan.
Gayunman, hindi pa rin nito napigilan ang fans na kumatha ng sarili nilang kwento sa paborito nilang karakter. Nariyan ang mga Janeites na nagpatuloy at nagresolba ng mga butas sa istorya ni Jane Austen, ang fans ng Sherlock Holmes na naglalabas ng kanilang fan fiction sa mga zine. Tuluyan pang yumabong ang genre na ito sa mga mambabasa ng science fiction.
Mauugat sa masusugid na tagasubaybay ng palabas na Star Trek ang tipo ng fan fiction na laganap sa internet ngayon. Sila ang nagpasimuno ng slash fic kung saan ang dalawang magkaibigan ay nagiging magkalaguyo, tulad ni Spock at Kirk. Kung hindi erotika, mala-porn—ito na ang naging reputasyon ng fan fiction sa nakararami.
Liban pa sa mga sekswal na nilalaman, maraming malilikhaing akda at manunulat din ang nahubog sa fan fiction. Sa sama-samang pagtatasa ng mga ideya at pagkukulang ng pinagbasehang materyal, napapaunlad ng fans ang sining ng isa’t isa, kasabay na ang pagsusuri sa orihinal na palabas. Ito ang ideyal na kalagayan upang mapagyaman ng isang manunulat ang kanyang galing, sabi ng Amerikanong propesor na si Katie Davis: tinuturuan ang isa’t isa at natututo rin mula sa isa’t isa.
Sa ganitong liberal na kalakaran nakahanap ng lugar ang samu’t-saring kwento at manunulat sa internet. Sa tradisyon ng fan fiction, malayang nauusisa ng fans ang bawat elemento ng paboritong palabas, naitatama ang mga mali, nalilinang pa lalo ang magagandang aspeto ng storya. Subalit sa kawalan din ng hangganan nabubuksan ang pagkakataon para lumaganap ang mga fan fiction na bastos at hindi kanais-nais.
Pantasya
Ipinagmamalaki ng fan fiction ang pagiging bukas nito sa lahat ng likha at ideya. Hindi na bale kung hindi pino ang piyesa, ang mahalaga ay nakaambag ito sa komunidad na umaakap dito.
Sa aktibong paglahok na ito ng fans nakasalig ang pag-iral ng fan fiction, ayon kay Henry Jenkins, isang Amerikanong manananaliksik sa midya. Sa pagpapalitan ng fans ng likhang-sining, nakatataguyod sila ng espasyong malaya silang magpahayag ng sarili.
Dala ng ganitong ugnayan, mas matimbang para sa manunulat ang opinyon ng mga kasama niya sa grupo kaysa sa mga nasa labas. Kaya kung mayroon mang problematikong piyesa, hanggang hindi nito nilalabag ang pamantanyan ng grupo, tatanggapin pa rin ito, kadalasan susuhayan pa.
Ito ang nangyari sa pambatang palabas na My Little Pony, gawa ng fans nitong matatandang lalaki na kilala bilang bronies. Binulabog nila ang espasyong dapat para sa mga bata sa pagpapasok ng mga sekswal na joke, karahasan, at racism sa fan art at fiction. Bukod pa sa salat na moderasyon, sumisibol ang kontrobersyal na obra dahil sa halip na kundenahin, pinagtatanggol pa ito ng mga miyembro.
Bahagi rin ng paglaganap ng mga ganitong obra ang pagkahumaling ng fiction para sa mga likhang tinutulak ang hangganan ng isipan. Dinadakila tuloy bilang pagkalas mula sa normal ang pagsusulat tungkol sa rape, incest, at pedophilia sa fan fiction.
Walang masama sa pagsusulat tungkol sa mga suliranin sa lipunan, ang problema ay niroromantisa ito—pinipinta bilang normal, kung hindi man makulay at maligaya. Tulad na lang ng Fifty Shades of Grey na nagsimula bilang fan fiction ng libro at pelikulang Twilight.
Iniwan nito ang bampirang tema at pinalitan ng sekswal na relasyon sa pagitan ng isang bilyonaryo at estudyante. Nang pinalabas ito sa sinehan, bumuhos ang mga kritisismo sa paglalahad nito ng karahasan sa sex at mistulang mapang-abusong relasyon kung saan dehado ang babae.
Gaano man kalaki ang ambag ng fan fiction sa pagpapa-unlad ng materyal at manunulat, lalabas at lalabas ang ganitong uri ng piyesa dahil may binibitbit na ideolohiya ang sining, ayon kay Louis Althusser, isang Pranses na teorista. Hanggang namamayani sa lipunan ang ideolohiya ng pang-aabuso, lalagos ito sa sining. Subalit sa kabila ng pagiging talamak ng problematikong fan fiction, ang depensa naman ng fans: walang kapangyarihan ang kathang-isip apektuhan ang realidad.
Realidad
Mula man ito sa imahinasyon, hindi pa rin makukubli ng fan fiction ang sarili mula sa realidad kung saan ganap na nangyayari ang mga ito, at marami itong iniiwang biktima.
Walang ideyang basta-bastang nahuhugot lang sa hangin; kahit ang imahinasyon ay nakabase sa materyal na mundo. Nagpapantasya tayo dahil hindi tayo kuntento sa mundong ginagalawan, nais natin ng higit pa. Malalapat ang fan fiction sa lupa kung kikilalanin nito na ang mga suliranin sa totoong buhay ay hindi lang laman ng pantasya, ito ay totoo at dapat lutasin.
Kinikilala ni Jenkins ang likas na potensyal sa paglikha ng fans ng sariling sining upang talakayin ang mga paksang kalimitan lang binibigyang-tuon ng mainstream na midya. Sa halip na pasibong tinatanggap lang ang kinokonsumong midya, nangunguna sila sa pag-intindi at pagpuna nito. Sapagkat ito naman talaga ang tunay na diwa ng fan fiction: nahahasa rito ang talento ng manunulat at nahahamon ang mga ideyang nakalakip sa isang storya.
Kung gayon, ang kailangan harapin ngayon ng fan fiction ay ang pagpapayabong ng komunidad base sa ikahuhusay nang nakararami, at hindi sa pagkamuhi sa isang lahi o pagsakay sa karahasan sa kababaihan at iba pa.
Totoong pinakakawalan tayo ng imahinasyon mula sa nangyayari sa araw-araw. Ngunit sa pagdalumat ng mas magandang mundo, napapabatid sa atin na marami pang dapat baguhin sa mundong kinagagalawan natin. Dahil para saan pa tayo nangangarap kung hindi tayo kikilos para makamit ito. ●
Unang inilimbag ang artikulong ito noong Setyembre 18, 2020.