“Fur parents” ang tawag sa mag-asawang may alagang hayop—parang sanggol na rin kasi ang turing nila sa kanilang aso o pusa. Pero para sa mga Kristyano, sila raw mismo ang gumagawa ng sarili nilang bata, taong may mga “eternal soul” at maituturing na totoong pamilya.
Nagbabago na ang panahon at nagbabago na rin ang binubuong pamilya ng mga tao. Tampok ngayon ang Dual Income, No Kids (DINK) na mag-asawa. Tumataliwas ang DINK sa nakagisnang konsepto ng pagpapamilya kung saan katumbas ng pagkakaroon ng asawa ang pagkakaroon din ng anak. Umani ito ng pambabatikos mula sa mga relihiyoso, na siya namang humantong sa pagka-viral ng usapin.
Mababakas ang pagpapasya ng mga mag-asawa na huwag mag-anak sa bumababang birth rate sa bansa. Mula sa 2.7 na fertility rate noong 2017, bumaba ito sa 1.9 noong 2022, ayon kay Lisa Grace Bersales, executive director ng Commission on Population. Maiuugnay ang mga numerong ito sa pagbabago ng pagtingin ng mga Pilipino sa pagpapamilya. Mas napahahalagahan na ngayon ang pagtatrabaho ng mga babae, kaya naisasantabi na muna ang pagkakaroon ng anak.
Bagaman tampok ang konsepto ng DINK sa millennials at Generation Z ngayon, una nang nagamit ang mga katagang ito sa Estados Unidos noong 1980s, panahon kung kailan nalugmok ang ekonomiya dahil sa recession at tumaas ang gastusin sa pagpapalaki ng bata. Hindi nalalayo sa pinagmulang ito ang dahilan ng pagiging tampok ng DINK sa kabataang nagsisimula nang bumukod mula sa nakagisnang pamilya. Tinutulak ng nananaig na 6 na porsyento ng inflation nitong 2023 at pagnanais sa komportableng buhay ang pagyakap sa uri ng pagpapamilya na walang inaalagaang bata.
Mataas na kahilingan sa pagbubuo ng pamilya ang kahandaang pampinansya ngunit mahirap itong matamo sa naghihirap na estado ng bansa. Sa patuloy na paglala ng panlipunang krisis, mismong nalulugmok na kondisyong panlipunan na ang humahadlang sa tao na magparami.
Kahit pagsamahin ang kinikita ng mag-asawa, maituturing lamang itong sapat sa 6.7 porsyentong pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngayon. Pagkat hindi mahagilap ang magandang kinabukasan para sa magiging anak, lalong natutulak ang mga mag-asawa na tumalikod na lamang sa pagpapalaki ng bata. Taliwas sa pagtingin na sila ay yaman ng pamilya, naituturing ang pag-aanak ngayon bilang pasan, lalo na kung walang kakayahan ang mga magulang na buhayin sila nang matiwasay, ayon kay Gertrudes Libang, nagtapos ng sikolohiya sa UP at advocate ng women’s rights.
Bukod sa kahandaang pampinansya, isinasaalang-alang din ng mga mag-asawang DINK ang kahandaan pagdating sa emosyonal at mental na aspeto ng pagkakaroon ng bata. Nagmumula ito sa naranasang generational trauma, mga di kanais-nais na kinagawian sa pamilya habang lumalaki.
Mas tinutulak ng ganitong danas ang mag-asawa tungo sa pangako na kalayaan at komportableng buhay—may sarili silang kapasyahan at madaling natatamo ang kanilang mga kagustuhan. Sapagkat walang batang inaalala, napupunta sa sarili ang oras ng mag-asawa. Malaya silang magdiskubre sapagkat malay sila sa kakayahan at potensyal bilang tao, taliwas sa pagkakatali sa mga nakagisnang gampanin ng babae at lalaki sa isang pamilya noon.
Ngunit limitado lamang sa iilan ang panibagong pagtingin na ito sa pagpapamilya. Kadalasan, ang mga taong nagpapasyang ipagpaliban muna ang pagpapakasal at pagkakaroon ng anak ay nagmumula sa panggitnang uri o mga taong may akses sa edukasyon at nakatira sa mga siyudad at lungsod, ayon kay Amaryllis Torres, professor emeritus sa College of Social Work and Community Development.
Bagaman tumataliwas sa nakagisnang depinisyon ng pamilya, hindi ibig sabihin na mali ang uri ng pamumuhay na DINK. Nakapulupot pa rin ito sa marahas na kondisyon ng ginagalawan nating lipunan. Sa kabila nito, mahalagang alalahanin na nagmumula pa rin sa mag-asawa ang pagpapakahulugan ng pamilya. Sapagkat sila ang magkasama habang buhay, desisyon itong sakop ang kagustuhan at kahandaan ng taong magsasama. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-22 ng Marso 2024.