Patuloy na nagsagawa ng face-to-face classes ang ilang mga propesor ng UP Diliman (UPD) sa kabila ng rekomendasyon ng unibersidad hinggil sa matinding init ng panahon na nararanasan sa buong bansa.
Matatandaang pinadalhan ng University Student Council (USC) si Chancellor Edgardo Carlo Vistan II ng liham noong Abril 6 at pinakiusapang ilipat ang mga nakatakdang face-to-face classes sa Abril 11 hanggang 13 patungong online at asynchronous.
“The USC humbly requests to temporarily suspend all face-to-face classes for next week, starting from April 11 to April 13, to mitigate any health risks that the heat may bring to both students and faculty members,” saad sa ipinadalang liham ng USC sa Opisina ng Tsanselor.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pumalo sa 41 degrees Celcius ang heat index sa Metro Manila noong Abril 11 at 12. Nakapailalim sa “danger” classification ng PAGASA ang 41 hanggang 54 degrees Celcius na heat index na posibleng magdulot ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.
Heat index ang sukat ng temperaturang nararamdaman ng isang tao kapag nagsama ang relative humidity at ang air temperature. Iba ang heat index sa aktwal na air temperature.
Apat na araw ang lumipas bago tumugon si Vistan sa USC.
“In view of the concerns raised by the UPD University Student Council regarding extreme heat in Metro Manila in the coming days, faculty members whose class activities may be done online are requested to consider shifting to remote and/or asynchronous modes of learning during extreme heat conditions,” saad sa pahayag ng Opisina ng Tsanselor noong Abril 10.
Ibinahagi ng first-year community nutrition student na si Mercijo Macadangdang na isa ang propesor niya sa Soc Sci 1, na nagkaklase sa CSSP Wellness Center, sa mga nag-require pa rin ng face-to-face classes noong Abril 11.
“Di talaga ako umasa masyado na mag-o-online lahat ng classes kasi ‘pag ‘recommendation’ lang sinasabi sa announcements, [mayroon pa ring] mga instructors na nagpapa-F2F talaga,” ani Macadangdang sa panayam ng Collegian.
Ilan sa mga silid-aralan sa UPD, gaya sa Palma Hall sa ikaapat na palapag, ay hindi air-conditioned.
Nauna nang maglipat ang Polytechnic University of the Philippines mula face-to-face patungong online at asynchronous classes noong Abril 12 hanggang sa katapusan ng buwan.
Nagpatupad rin ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila na suspendihin at bawasan ang oras ng pasok ng mga estudyante sa hapon para maiwasan ang matinding init.
Nagbabala naman si PAGASA Weather Specialist Benison Estareja na mas titindi pa ang mararanasang init sa kalagitnaan ng Mayo sa buong bansa.
“Hinihikayat ang lahat na uminom ng maraming tubig at manatili sa loob ng tahanan kung kinakailangan upang makaiwas sa sakit na dala ng sobrang init,” saad sa heat advisory ng UP Diliman Office of the Vice Chancellor for Community Affairs. ●