May kasabihan sa Bahasa Indonesia na kapag maganda ang kalidad ng peryodismo, maganda rin ang kalagayan ng lipunan: “Makin bermutu jurnalisme, makin bermutu masyarakat,” anila. Ngunit hindi pa rin nakakamit ng Indonesia ang malayang lipunan gayong umiigting ang pang-aatake sa kanilang mga mamamahayag.
Nitong Mayo 22, isinulong ng mga mambabatas sa Indonesia ang isang panukalang batas na nagbabawal sa investigative journalism at LGBTQ+ content sa mga broadcast station. Layon nitong ipagbawal ang mga istasyon na may mga “exclusive investigative journalism,” pati na rin ang pagpapakita ng mga LGBTQ+ personalities sa mga palabas nito.
Di tunay na malaya at demokratiko ang bayan ng Indonesia kung nananatiling laganap ang diskriminasyon sa mamamayan at paninikil sa mga mamamahayag nito. Noong Mayo 2023, inaresto ang 29 na babae at 28 lalaki dahil inakusahan sila bilang “LGBT couples.” Pwersahan ding napatigil ang pagtitipon ng mga progresibong grupo ng LGBTQ+ dahil sa patuloy na banta sa kanilang seguridad noong Hulyo 2023.
Sa kasalukuyang termino ni Pangulong Joko Widodo nakita ang pagtaas ng mga digital na atake sa mga peryodista at aktibista. Isang halimbawa rito ang cyberattack noong 2022 laban sa Konde.co, isang media outlet matapos maglabas ng artikulo na naglantad ng mga sekswal na abuso sa loob ng Ministry of Cooperatives and Small Medium Enterprises.
Sakaling mapasa, lalo lang sasaktan ng batas ang sugatang kalagayan ng pamamahayag sa Indonesia. Malaki ang ibinagsak ng Indonesia sa worldwide press freedom ranking, mula ika-57 sa 138 bansa noong 2002, ika-111 sa 180 bansa na lamang ito ngayon.
Nitong huling taon nagkaroon ng 89 na atake sa midya, ang pinakamataas sa nakaraang dekada, na binubuo ng mga pisikal at digital na atake, pananakot, at sekwsal na pang-aabuso ayon sa Aliansi Jurnalis Independen, isang alyansa ng mga independent na peryodista ng Indonesia.
Maaaring maging instrumento rin ni Prabowo Subianto, ang papasok na pangulo ng Indonesia, ang taktika ng pang-aatake sa midya upang maglaganap ng takot sa sinumang kritikal na mag-uulat laban sa pamahalaan. Nanguna si Subianto sa pagpapadakip at pagpaslang ng mga kritiko ng gobyerno noong 1998. Kailanman ay hindi nasampahan ng kaso si Subianto, bagkus, naiupo pang pangulo dahil sa matinding suporta ni Widodo sa kampanya nito.
Kapares din ng bansa ang Indonesia maging sa mga danas nito sa mga atake laban sa malayang pamamahayag. Nananatiling walang natatamong hustisya para kay Gerry Ortega, isang environmental journalist sa Palawan, na nagsiwalat sa korapsyon ng dating gobernador ng Palawan na si Joel Reyes, bago ito pinatay nung 2011.
Hindi nalalayo ang bansa sa Indonesia dahil parehas itong pinupuntirya ng mga imperyalista. Tulad sa Pilipinas, sinusubukan ding kontrolin ng Estados Unidos ang Indonesia dahil itinuturing nila itong isang “global swing state.” Ang Indonesia ang pinakamalaking eksporter ng coal at maraming imbak ng nikel, isang importanteng sangkap sa paggawa ng baterya ng mga sasakyan.
Ang kasalukuyang danas ng pagbubusal ng mga peryodista sa Indonesia at Pilipinas, ang siya ring salarin sa baog na pag-unlad ng dalawang bansa patungo sa isang progresibong lipunan. Patunay lang ito na sa panahon natin ngayon, kagyat na pangangailangan ang kritikal na pagbabalita. ●