Magbabago kaya kung anong mayroon tayo kapag nagkita na tayo?
Iba ka kasi sa mga dati kong nakausap. Ikaw yung tipong nagpapagaan ng pakiramdam ko tuwing nagkaka-chat tayo. Sa pangungumusta pa nga lang, halos napapatili na ako dahil pakiramdam ko ang ganda-ganda ko sa mga segundong yon. Minsan nga, pakiramdam ko daig ko pa ang blush on ni Sassa Gurl sa tuwing magkausap tayo, kalmahan mo naman kasi yang mga makamandag mong mga banat.
Hindi ko na nga ikinakabahala na sa tagal nating nag-uusap, yang blangkong profile picture mo ang kinakikiligan ko. Basta ikaw lang ang nakakaalam na kinahihiligan ko hanggang ngayon ang mga kanta ni Yeng Constantino, habang sa 'yo naman si Nadine Lustre. At kahit i-chat pa ako ni Andres Muhlach, hindi pa rin nito madadaig yung bilis ng reply ko tuwing ikaw ang kausap. Umabot man ng mga ilang araw ang pagitan ng balikan ng mga mensahe natin, hindi ko pa rin maiwasan na tumiklop tuwing tinatanong mo kung kumain na ba ako.
Tumatak ka na kasi sakin sa simula pa lang. Sanay na kasi ako sa mga taong ang panimulang tanong palagi ay tungkol sa aking “Age, Sex, Location.” Halos naging manhid na nga ako sa tanong na ito kasi alam kong hindi naman ako kabilang sa mga hinahanap nilang piling tao.
Simple lang naman ang hinahanap ng mga nakakausap ko dati: yung hindi ako. Yung tipong halos sisiw lang kung buhatin ang isang barbel na 100 kilos. Plus points kung higit na mataas ang katayuan sa buhay para masustentuhan ang ganitong pamumuhay nila. At higit sa lahat, panlalaki dapat ang postura sa sarili.
Kaya kapag napansin nila ang pagiging “halata” mo, mahahalata mo na rin na patapos na ang inyong panahon na magkasama. Kung hindi man masasakit na salita ang matatanggap mo, antabayan mo na lang ang pang-gho-ghost nila na parang mga pumuputok na bula sa bilis. Kaya ang hirap hindi damdamin na parang hindi ako ganap na kabilang sa komunidad na akala ko ay kinabibilangan ko rin.
Pero iba ka. Sa lahat ng pwedeng pansinin sa katawan at mukha ko, yung nunal ko sa may bahagdang noo pa talaga ang nabanggit mo sa simula ng ating usapan. Sabi mo, may dalang swerte kasi ito kahit isa itong bahagi ng mukha ko na pipiliin kong baguhin kung pagbibigyan man.
Mahirap aminin kasi baka akalain mo sa 'yo lang umiikot ang mundo ko. Pero dahil sa 'yo, ramdam kong nawawala yung personal na bigat sa hinaharap na diskriminasyon ng mga tulad kong effeminate. Sa liit ng komunidad na kinabibilangan natin, ikaw lang ang nagparamdam na mas higit pa pala ako sa mga kategoryang napapaloob sa 'kin pagdating sa hulma ng pisikal na anyo ko.
Kaya, sana walang magbago kung sakaling magkita man tayo ngayong paparating na Pride March.
Sa iyo ko lang kasi nalaman kung ano ba talaga dapat ang hinahanap ko sa isang tao. Simple lang naman: tipong may pagmamahal na nakabatay higit pa sa hitsura at katawan ng tao, kundi sa kabutihang nakapaloob sa kanya. Isang taong mas matimbang ang “sino” kaysa sa kung “paano” ang mga tao. ●
*Paumanhin kay Regine Velasquez.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-19 ng Hunyo 2024