Humihingi ng hustisya ang unyong Kilusang Mayo Uno (KMU) sa mga kinauukulan ukol sa kapabayaan ng SM Baguio sa pagkamatay ng isang manggagawa nito, at maging ang iba pang mga insidente ng labor negligence sa buong bansa.
Nagtamo ng samot-saring pinsala sa katawan at kalauna’y idineklarang patay si Robin Esguerra, 45, na isang janitor sa SM Baguio, matapos itong mahulog sa bukas na service elevator shaft ng ikatlong palapag ng naturang mall, Nobyembre 2.
“Dapat imbestigahan ang pagkamatay ni Robin Esguerra nang maparusahan ang mga maysala sa management ng SM,” batay sa opisyal na pahayag ng KMU sa Facebook.
Kinakalampag din ng unyon ang gobyerno upang amyendahan ang kasalukuyang Occupational Safety and Health (OSH) Law na naisabatas noong 2009 pa, gayong marami pa ring mga kumpanya ang hindi sumusunod sa mga nakasaad dito at marami pa ring manggagawa ang nailalagay sa bingit ng kamatayan sa kabila ng pagpasa sa naturang batas.
Batay sa OSH Law, nararapat na magkaroon ng sapat na health at safety measures ang mga kumpanya para sa kanilang mga manggagawa, kasama ang pagkakaloob ng payapa at ligtas na mga pasilidad kung saan sila magtatrabaho.
Gayunpaman, ayon sa datos ng International Labour Organization (ILO), umaabot sa 2 milyong manggagawang Pilipino ang namamatay taon-taon dahil sa kawalan ng kaligtasan sa kanilang mga trabaho.
Umalingawngaw din ang isyu ng hindi epektibong pagpapatupad sa OSH Law nang nasawi ang dalawang construction worker sa Bataan dahil sa pagsabog ng makina sa loob ng kanilang pinagtatrabahuhang pabrika noong Abril.
Ayon naman sa pahayag ng KMU Cordillera, nararapat na matigil na ang kontraktwalisasyon sa SM Baguio dahil nakapagdadala lamang ito ng hindi tamang pagtrato sa mga manggagawa lalo na sa usaping kaligtasan na nagreresulta sa “anti-worker practices” ng naturang mall.
Isa si Esguerra sa mga manggagawang kontraktwal ng kumpanya, kung saan hindi permanente ang kanyang kasalukuyang trabaho bilang janitorial lead, at matatapos din ito batay sa itinakdang oras sa kanyang kontrata.
Mas mataas ang tyansang humantong sa isang work-related accident ang mga manggagawang kontraktwal kaysa sa mga regular dahil mas kaunti ang kanilang pinagdadaanang training at natatanggap na protective equipment, ayon sa nakaraang pag-aaral ng National Institute for Occupational Safety and Health sa US.
Sumegunda naman sa insidente si Baguio City Councilor Mylen Yaranon, at sinabing dapat tugunan ng SM Baguio ang kanilang naging kasalanan nang bukas sa publiko at walang itinatago.
“Accountability matters, and the community deserves reassurance that every possible safety protocol was considered and that this family receives the justice and support they need,” ani Yaranon sa kanyang official Facebook account.
Nilinaw naman ng pamunuan ng SM Baguio sa kanilang opisyal na pahayag, na nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya ng biktima ukol sa mga pangangailangan nito.
Gayunpaman, marami pa ring manggagawang Pilipino ang nakararanas ng hindi magandang pagtrato at pangangalaga mula sa kanilang pinagtatrabahuhan, kahit humingi na ng depensa ang pamunuan ng establisyemento sa naganap. “Pinapatunayan din nito ang pagbabalewala ng gobyernong Marcos sa kaligtasan ng mga manggagawa,” dagdag pa ng KMU. ●