Pabatid: Maaaring maglaman ng mga spoiler hinggil sa pelikula ang artikulong ito.
Muling nagbabalik ang tambalang Marvin at Jolina. Sa mahigit dalawangpung taon matapos ang huling pagsasama sa proyekto, bida ngayon ng MarJo sa tinaguriang closure film nilang “Ex Ex Lovers.” Labas sa tipikal na pormula ng romantic comedy o romcom, prinesenta ng pelikula ang mga danas ng kababaihan na nananatiling nakatali sa isang bigong kasal at sa pagsusumikap na makalaya rito.
Isanalang ng pelikula sa direksyon ni JP Habac ang MarJo sa pagsasabuhay sa papel ng dalawang mag-asawa, malayo sa nakasanayan nila noong 90’s na mas sumesentro sa teenage romance. Sa pelikula, pinuntahan ni Joy (Magdangal) ang kanyang ex-partner na si Ced (Agustin) sa Malta para pilitin itong pakasalan siya at tuparin ang hiling ng amang maihatid siya sa altar. Sa pagkikita nila muli, naungkat ang mga problemang naging sanhi ng tuluyan nilang paghihiwalay, na inakalang binaon na sa limot ng panahon.
Namayani man ang kilig para sa karamihan mula sa mga senaryong pagtatangka ni Ced na ayusin ang relasyon nila, hindi nito sinapawan ang pagpapalitaw ng usaping annulment at divorce—kung saan isinusulong ng pelikula na hindi lamang limitado sa pisikal na abuso ang maaaring danas ng isang tao upang magresulta ito sa mariing panawagan ng pakikipaghiwalay sa kaniyang partner.
Ang Third Space na Nabuo ng MarJo
Nagulat ang fans ng MarJo sa muli nilang pagsasama sa pelikula. Matagal na rin kasi ang kanilang huling pelikula at walang naging chismis sa social media tungkol sa proyekto. Pero kahit dalawang dekada na silang hindi nagtambal, naging malakas pa rin ang kanilang relasyon off-screen—rason kung bakit may natural chemistry pa rin sila on-screen. Nakatulong ang relasyong ito sa pagiging kumportable nila sa mga role na ginagampanan at sa pag-ma-market ng kanilang mga bagong proyekto.
Pangunahing layunin ng “Ex Ex Lovers” na magbigay ng nostalgia para sa mga manonood, lalo na sa mga babae nitong audience. Nagiging tagpuan ang sinehan ng diskurso ng parehong orihinal at bagong fans tungkol sa kanilang nagustuhan at hindi nagustuhan sa pelikula. Bumubuo ito ng third space, na ayon kay Edward Soja ay isang espasyong nagbubuklod sa mga kababaihan upang magpalitan ng kani-kanilang kuro-kuro.
Hindi kinaligtaan ang tipikal na mga sangkap na nilalaman ng mga pelikula nina Marvin at Jolina noong dekada 90 tulad ng mga panuyo, palayaw, nakasanayang gawi, at ang pagsasama ng mga pamilyar na mga kapwa artista upang patibayin ang nostalgic effect na hatid ng pelikula.
Pagbaklas sa Malabnaw na Tingin sa Romcom
Kung titingnan ang fans ng loveteams noon at ngayon, madalas kababaihan ang tumatangkilik sa mga pelikulang romcom. Mas relatable ito sa kanila dahil kasama sa pormulang romcom ang pagdikta ng usong pananamit, hairstyle at make-up na pambabae. Dinidikta din ng pormula ang mga trope tulad ng pakipot na babae at mapilit na lalake, na kitang-kita sa mga pelikula ng MarJo noong dekada 90.
Hindi nawawala sa romcom ang mga eksenang nagpapakita ng damdamin ang babae, tulad noong pagkalumbay ni Joy noong siya ay nagdadalawang-isip kung marapat bang magkaroon ulit sila ng connection sa Facebook ng kaniyang ex-partner sa “Ex Ex Lovers.” Pero sinabi ni Caroline Lowe sa artikulong “In Defense of the Rom-Com” na nakakaligtaan ang mga detalyeng sana’y magpapalalim sa babaeng karakter. Ipinapalagay kasi ng patriyarka na sayang sa oras kung isesentro sa babae ang kwento ng romcom.
Ngunit kahit sa pahapyaw na pagkwekwento, nakaangkla pa rin daw ng mga romcom sa tunay na emosyon at danas ng mga kababaihan. Sa “Ex Ex Lovers,” halimbawa, mapagpalaya ang desisyon ni Joy na hiwalayan si Ced para makamit ang “healing” at “personal growth.” Mapagpalaya ang mga desisyon niya sa pagpapalaki sa kaniyang babaeng anak. At mapagpalaya rin ang kaniyang desisyong harapin nang buong-loob ang kanyang ex-partner. Malayo ito sa tradisyonal na ideyang kailangang magtiis ang mag-asawa sa isang palpak na pagsasama upang manatiling buo ang isang pamilya.
Pagbibigay-Lunan sa mga Progresibong Usapin
Inilatag sa “Ex Ex Lovers” ang usapin ng divorce at annulment, na napanghawakan hanggang sa dulo ng pelikula. Naipakita nito ang katotohanan na may mga relasyong humahantong sa hiwalayan dahil hindi lang talaga sila para sa isa’t isa.
Ngunit bitin ang pelikula sa pagsasalaysay kung gaano kahirap makipaghiwalay sa Pilipinas. Hinayaan na lamang nitong dumaloy ang ideyang nakapagbibigay-ginhawa ang pagkakaroon ng sibil na relasyon ng dating mag-asawa upang mabawasan ang kumplikasyon ng annulment, na nagiging pribilehiyo sa bansa dahil sa malaking perang kinakailangan sa proseso.
Sa kabila nito, pinanindigan ng pelikula ang pagbibigay ng boses kay Joy, at hindi isinantabi ang plano niyang mag-file ng annulment. Sa pagpasok ng nosyon ukol sa reflective nostalgia ni Svetlana Boym, isang uri ng pagbabalik-tanaw na hindi lamang sumesentro sa isang partikular na kaganapan sa piling yugto ng buhay, binigyan ng panahon ang bidang babae na sariwain ang ala-ala kasama ang asawa noon na hahantong sa pagkatuto niya upang makabuo ng solidong desisyon sa kasalukuyan. Sa kabila ng pagsusumikap ni Ced na makuha muli ang loob ni Joy habang kinikilatis din nila ang mapapangasawa ng anak nilang babae, hindi napigilan nito ang pag-alala ni Joy sa mga pagkakataong higit pa sa sama ng loob ang naipadama sa kaniya ng dating partner, lalo na noong naglaho itong parang bula.
Iniladlad rin ang isa sa mga di matakasang senaryo na nakapaloob sa isang failed marriage: ang co-parenting na hindi rin naisasakatuparan dahil sa kapabayaan ng isang panig. Makikita sa paghahabol ni Joy sa kanyang ex-partner na madalas hindi pantay ang pagtugon sa inaakong responsibilidad ng mga magulang sa kanilang anak. Sa pagpayag ni Ced na gawin ang pabor ng anak, makikita ang simulang pagtatangka nitong bumawi sa anak at sa masalimuot niyang naging pagtrato sa asawa. May pagsusumikap man, may katotohanan na hindi agad mapupunan sa madaling panahon ang kaniyang pagkukulang.
Naging matagumpay ang pelikula sa pagbabalik-tanaw ng mga ala-alang dala-dala ng dekada 90 nang hindi hinahadlangan ang nakaambang pag-usad sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng pagpapanatili sa kulay ng nakagisnang loveteam noon, hindi isinantabi ang oportunidad na hubugin ang identidad nila batay sa pagsasalamin ng mas progresibong ideya kaugnay sa takbo ng bansa ngayon. Higit na nagtagumpay ito sa paggamit ng reflective nostalgia bilang makinarya ng pagkatuto ng mga manonood na umabante sa mga nakasanayang mentalidad, at sa paghubog sa karakter ni Joy na isaisip ang mga aral ng nakaraan at salain kung alin ang makabubuting bitbitin pa sa kasalukuyan. ●