Ni SANNY BOY D. AFABLE
Kahit ang mga pader sa loob ng unibersidad ay may ipinaglalaban at may isinisigaw: UP not for sale. Nagmimistulang mga pampublikong eksibit ang mga makukulay na obrang nakapinta sa canvas na yero o semento.
Walang pangalan ang makata o pintor, ngunit sinusubukan ng ilang dumaraan na unawain ang sining at ang nag-iisang taludtod ng bawat tula. Ngunit para sa iba, dumi lamang ito sa dapat sana’y malinis at blangkong espasyo.
Noong nakaraang mga linggo, sa kulungan sinalubong ng manunulat at aktibistang si Angelo Suarez ang kaniyang kaarawan matapos siyang pagbintangang sumulat ng ‘MRT Bulok’ sa pinto ng Metro Rail Transit (MRT). Hindi rin nagustuhan ng iba nang hagisan ng pulang pintura ang bahagi ng matayog at maputing pader ng Quezon Hall, kasabay ng kilos-protesta ng mga mag-aaral sa pagpupulong ng UP Board of Regents (BOR).
Umani man ng pagtutol, iisa ang layunin ng vandalism: markahan ang bawal markahan, at iguhit ang ‘di kanais-nais iguhit.
Pagguhit sa Bawal
Likas na sa tao ang sumulat at mag-iwan ng marka sa materyal niyang mundo. Unang nasaksihan sa kasaysayan ang sining at imahinasyon ng tao nang iguhit niya sa mga kuweba ang kalikasan. Nang maglaon, sinusubukan pa rin niyang ipahayag ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng spray paint at marker na imamarka niya sa mga blangkong espasyo tulad ng malalawak na pader. Ngunit tinawag itong vandalism—marumi at ipinagbabawal.
Unang ginamit ang salitang ‘vandalisme’ noong ika-17 siglo upang ilarawan ang walang habas na pagsira sa mga makasaysayang istruktura at likhang-sining noong kasagsagan ng French Revolution. Hinango ang terminong ito mula sa mga Vandals, isang tribong Aleman na tanyag dahil sa pagnanakaw at paninira ng mga ari-arian sa Roma noong ikaapat na siglo.
Samakatuwid, nakabase ang vandalism sa konsepto ng pag-aari. Tinatangka nitong dumihan at markahan ang mga pag-aari, pampubliko man o pribado, tulad ng pinto, tulay o gusali, kaya’t di nakapagtatakang mas laganap ito sa mga lungsod. Noong dekada ’70 sa New York, lumaganap ang mga graffiti sa mga gusali at subway. Tinangka itong pigilan, ngunit mas lalo lamang dumami ang graffiti kasabay ang kulturang hip-hop na nagsimula sa mga kabataan ng lungsod.
Unti-unti, itinuring na ring sining ang graffiti nang punuin nito ang maraming espasyo, malayo sa paglalarawan dito bilang vandalism. Lumabas din ang mga pintor mula sa pagkakasilid sa art galleries, at nangahas upang subukan ang kanilang sining sa mas malaki at ipinagbabawal na canvas—ang lansangan.
Para sa Gerilya, isang kolektib ng mga Pilipinong street artists, mas malaya ang sining na kanilang nalilikha sa lansangan dahil mas malawak ang espasyo upang magmulat ng ibang tao. “Ibinababa naming mga street artist ang sining mula sa loob ng gallery papunta mismo sa daraanan ng masa… upang makita nila nang direkta ang aming likha gaya ng isang ‘ambush,’” anila.
Loob at Labas
Hinihiwalay ang mga vandal, tulad ng iba pang “deviant”—walang disiplina, delinquent, at hooligan, dahil hindi pumapabor ang kanilang gawain sa interes ng lipunan. Tinatawag itong “social deviance,” ang paglayo ng indibidwal mula sa itinakdang papel niya sa lipunan.
Hindi ang indibidwal ang nag-aangkop sa kaniyang sarili bilang deviant o vandal, at ang mga institusyon sa lipunan ang nagtatakda ng mga “norm.” Ayon sa sosyolohistang si Howard Becker, ang mga institusyong ito ang sila ring nagpapakahulugan sa “deviance”—itinuturing na “outsider” ang mga indibidwal na tumataliwas sa inaasahan.
Bagaman bawal ang vandalism sa esensya, nagiging pangkaraniwang tanawin ito sa mga pader, upuan at palikuran. Bawal lalo ito kung sumasagka man sa interes ng nakatataas sa lipunan.
Kasabay ng krisis pang-ekonomiya na kinaharap ng New York noong dekada ’70, naging larawan ang graffiti ng paghina ng kaayusan at awtoridad sa lungsod. Naging daan ang graffiti upang ipahayag ng mga kabataan ang kanilang sarili, lalo na ng mga kabataang African-American at Puerto Rican na humaharap sa diskriminasyon. Naging banta ito sa awtoridad kaya ikinabit sa graffiti ang karahasan at kriminalidad sa lungsod.
Ang mga mga itinuturing na deviant ay bumubuo ng kanilang subculture habang lalo silang hinihiwalay sa lipunan, dagdag ni Becker. Kaya naman nabigo ang awtoridad ng New York na lipulin ang graffiti, na naging pagkakakilanlan ng bagong subculture na hip-hop.
Nagkaroon ang mga kabataang deviant ng iisang entablado upang lumikha at magpayabong ng kakaibang musika at sining mula sa nagtagpo nilang kultura at pananaw. Ngunit nang iniangkop ang dating underground na subculture sa popular na industriya, lumabnaw ang potensyal ng hip hop upang maging subersibo.
Tunggalian sa Espasyo
Tuwiran namang ginamit ang vandalism at graffiti upang yanigin ang malalaking pader sa lipunan. Naging anyo ito ng protesta ng mga mag-aaral at manggagawa upang labanan ang diktadurang Marcos—matatandaan ang mga vandal at barikadang upuan sa Diliman Commune noong 1971.
Ngayon, matapos ang ilang dekada, sinisigaw ng pulang water-based paint ang mariing pagtutol ng mga mag-aaral sa siil na palisiya sa unibersidad, ngunit umani lang ito ng hindi pagsang-ayon mula sa ibang mag-aaral.
Hindi ang mismong dumi na nililikha ng vandalism ang mapanganib sa mga nasa pader. Mas nagiging banta sa awtoridad, at sa estado, ang pagdami ng mga handang sumalungat sa kanilang interes tulad ng pulitikal na graffiti at mga tinuturing nitong deviant.
Kaya ganoon na lamang din ang pagnanais ng awtoridad na burahin ang mga vandal. Kabilang dito kahit ang mga street art na may taliwas na ideolohiya. “[Natutulak silang] may kapangyarihan upang i-censor o sirain ang sining,” ayon sa Gerilya.
Hindi rin simpleng akto ng vandalism ang dahilan kung bakit inakusahan at hinuli si Angelo Suarez, lalo pa’t may ilan na ring vandals na nagkalat sa loob ng tren. Maging ang mga guwardiyang humuli sa kaniya ay sumasangayon na “bulok” ang MRT, ngunit kinailangan lamang nila diumano ng maaaresto, sa utos ng MRT management, matapos ang sunud-sunod na pag-vandal sa tren, paliwanag niya.
“Hindi nila maaresto ang mga tunay na kriminal na nagsadlak sa atin sa pribatisasyong nagpabulok sa mga tren: ang punong negosyante ng MRT Corporation na si Chairman Robert Sobrepena at mga kasosyo nitong komprador gaya nina Ayala at Pangilinan,” ani Suarez.
Bagaman mahalaga ang pampublikong kaayusan sa lipunan, ginagamit itong dahilan ng mga naghaharing-uri upang panatilihin ang mapaniil nitong sistema; halimbawa, mabilis ang pagtugon ng awtoridad upang hulihin ang mga vandal sa MRT, ngunit hindi upang tugunan ang isinisigaw ng tinta ng marker—ang normalisadong pagsisiksikan ng masa sa loob ng pribatisado at pinabayaang MRT.
Mas makapangyarihan at mas mapanganib ang uri ng mga vandal na kinakasangkapan ang disente, maayos at legal upang sirain ang lipunan. Matapang na tugon ni Suarez, “[‘di] ko pagsisisihang mapiit kung mabubulok sa kulungan ang naghaharing-uring tunay na vandals ng lipunan.” ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-19 ng Setyembre 2016, gamit ang pamagat na “Pintura at Protesta.”