Ni VINCENT JAN CRUZ RUBIO
Nagbabagong bihis na raw ngayon si Kabunyan, ang diyos ng Cordillera, sabi ng mga batang Kankanaey at Igorot sa Sagada. Biro nila, naka-Chuck Taylor na ang ang kanilang pinakamataas na ama-diyos na kinamulatan. Dagdag pa nila, hindi na minamasdan ni Kabunyan ang lawak, tirik, at tatag ng mga bundok o rice terraces ng Cordillera sapagkat, anila, si Kabunyan ay nakikisabay sa mabilis na paghangos ng panahon.
Masaklap isiping ang diyos na si Kabunyan na tila kaluluwa ng bawat nilalang sa Cordillera ay para na ring nilalang ng makabagong panahon. Kailangan niyang yakapin ang kapaspasan, hindi pananatili. At madalas, kailangan niyang tanggapin na siya’y tulad pa rin ng mga ordinaryo—mga alipin ng robotikong panahon—mga walang pangalan at nakaraan.
Sadyang nakapanlulumo ang pagtanaw na ito, lalo pa nga’t mga bata ng Sagada ang nagbitaw ng mga pahayag na ito. Maituturing ang Sagada bilang isa sa mga pinaka-abanteng komunidad sa kabuuan ng rehiyon ng Cordillera. Matatagpuan dito ang mga respetadong paaralang pinamunuan ng mga Amerikanong Anglikano. Ito ay maituturing na isa sa may pinakamataas na porsyento ng nakapag-aral sa rehiyon. Kaya’t hindi rin nakapagtatakang ang mga nagsipagtapos mula rito ang mga pumupuno sa mga kaguruan ng mga karatig-bayan at baryo sa rehiyon.
Ilokano at Kankanaey ang pangunahing wika ng mga taga-Sagada. Gayunman, dahil na rin sa paghubog ng mga dayuhang Anglikano sa mga katutubong taga-Sagada, malakas ang pundasyon ng bayan sa pagsasalita at pagsusulat sa Ingles. Sa katunayan, dalawang taong nakaraan lamang, nagbigay ng panukala ang lokal na pamahalaan ng Sagada na naghihikayat sa lahat ng mga katutubo sa lugar na gumamit ng wikang Ingles. Ikinagalak naman ito ng mga opisyal, patunay anila na modelo ang Sagada sa pag-iisang dibdib ng nakaraan at kasalukuyan—ng makaluma at makabago, ng tradisyon at modernismo.
Hindi maikakailang ang hakbang na ito ay bahagi lamang ng pagpapatatag ng gobyerno sa sitwasyon ng turismo sa bansa. Sa madaling salita, ang epektibong pagsasalita ng Ingles ng mga lokal at katutubo ay epektibo ring istratehiya sa pagpapapasok ng maraming dayuhan sa ating bayan.
Kung tutuusin, tila inilalakong isda ang bentahe ng turismo sa Pilipinas. Pinatitingkad ito ng mga deskripsyon tulad ng naggagandahang mga isla, makukulay na kapistahan, nagkikislapang mga ngiti, at masisiglang tanda ng pag-unlad. At tulad ng lokal na mamamayan ng Sagada, abot-tengang ngiti ang sasalubong sa mga turista na humuhubog sa sinasabing “world-class Pinoy hospitality.”
Nakadikit ang kalakarang ito sa mga palisiyang nakasaad sa Medium-Term Philippine Development Plan for Culture and the Arts (MTDPCA) ng administrasyong Arroyo. Ayon sa Department of Tourism, ang pagpapayabong ng turismo “ang sagot sa kahirapan ng bansa.” Sa kanilang mga salita, kailangan maging negosyo ang gawaing pangkulturang lokal. Kung sa aling produkto o larangang bihasa ang mga tao, doon siya pauunlarin. At sa kaso ng Sagada, kasaysayan, kultura, sining, at pakikisalamuha ang kanilang kagalingan, kaya’t dito raw sila dapat payabungin.
Kaya rin naman sari-saring programa pang-turismo ang inilatag ng gobyerno. Bago pa man nabuo ang “Wow Philippines!” sa pangunguna ng Department of Tourism (DOT), nabuo na ang programa tulad ng “Tourism Highway” na naging daan sa paglikha ng “RoRo” o “Roll on, Roll Off.” Pinasinayaan din ng gobyerno ang paglikha ng “Barkadahan sa Turismo Project” o pagbibigay ng diskwento para sa mga kabataang turista, ang “Balikbayani” o insentibo para sa mga OFW at balikbayan ng bansa, at ang “Bring Home a Friend” para naman sa mga banyaga’t expatriate. Higit ding tinutukan ang walong tourist anchor destination points sa Pilipinas; kabilang dito ang Laoag-Vigan, Baguio, Banaue-Sagada, Boracay, Palawan, Cebu, Bohol at Davao.
Sa tulong ng mga travel agency, airline company, hotel, resort, at mga katuwang na institusyon sa labas ng bansa, nais ng gobyerno na lalong malinang ang mga nasabing lugar at gawin silang sentro ng kaunlaran at kalakalan. Nais ding gawin ng gobyerno na pro-agriculture at community-based ang industriya sa pamamagitan ng pagbibigay ayuda sa mga taga-kanayunan, sa pagpapahusay ng kanilang kasanayang teknikal at malikhain.
Isa sa mga naging programa sa Cordillera ay ang paggugol sa pagtuturo sa mga taga-Sagada ng paghahabi at pagmomolde ng mga banga upang maging isang malaking atraksyon sa mga turista.
Ngunit ayon sa Concerned Artists of the Philippines (CAP), isang pambansang grupo ng mga makabayang artista, hindi pagpapaunlad ng sining ng bansa ang layunin ng gobyerno. Anila, unang layunin lang nito ay ang pagkakaroon ng ganansya ng pamahalaan, kaya kinakailangang hulmahin ito ayon sa panlasa at pamantayan ng kita na siyang tungkulin ng turismo. Inatasan ng MTDPCA ang DOT at iba pang tourism councils na gumawa ng palisiya na magsusulong ng turismo bilang pangunahing instrumento sa pang-aakit sa mga dayuhan. Puspusan naman ang pagkilos ng mga taga-Cordillera sa programang ito. Kaya’t nagkaroon din ng Baguio Art’s Festival upang tugunan ang hinihingi ng gobyerno.
Gayunman, maliban sa bentahe ng ilusyon, malaki rin ang saklaw ng industriya ng turismo sa buhay at karanasang Pilipino na nakaugat sa mas malaking problemang kinakaharap ng bansa.
Ayon sa ulat ng Department of Social Work and Development, umiigting ang bilang ng mga batang nakikilahok sa kalakaran ng prostitusyon sa Sagada. Naglalaro ang edad ng mga prostituted na batang lalaki at babae sa gulang na walo hanggang 17. Dagdag pa ng ahensya, lumala ang prostitusyon sa Sagada, lalo pa nga’t pangalawa ang rehiyon ng Cordillera sa pinakamaraming dayuhang turista.
Sinasabi ng estadistika ng gobyerno na mayroong higit dalawang milyong visitors sa Pilipinas noong nakaraang taon. Nangangahulugan ito ng USD2.4 bilyong revenue. Subalit hindi ito nangangahulugang lubos na mabuti ang nagagawa ng industriya sa buhay ng maraming Pilipino dahil marami rin sa nakikinabang sa industriyang ito ay kabilang sa mga marhinalisadong uri—sex workers, bata at matanda, urban at rural poor, at ang nayayaring docile labor force.
Masasabing ang turismo ay hindi maihihiwalay sa ibang sektor na bumubuo sa ekonomiya ng isang bansa. Sa katunayan, dalawa hanggang 14 porsyento ang ibinabahagi ng sex sector sa ating kabuuang gross domestic product (GDP). Sa Pilipinas, umaabot hanggang 400,000 hanggang 500,000 ang maaaring bilang ng mga sex worker na maaari ring dumepende sa turismo.
Samantala, ayon naman sa End Child Prostitution and Trafficking (ECPAT) at United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) noong 2004, tinatayang isang milyong kabataan—500,000 nito ay sa Pilipinas, 16 taong gulang pababa—ang nasasangkot sa prostitusyon sa Asya. Sa tala ng Department of Labor and Employment (DOLE), may 87,000 child workers sa rehiyong Cordillera ang nahaharap sa panganib bunga ng delikadong kondisyon dala ng turismo at sexploitation.
Masasabing ang nakakabagabag na talang ito ay hindi dapat indahin, bagkus ay kailangang hanapan ng solusyon ng ating pamahalaan. At sa unti-unting pagkasira ng lupain ng Cordillera, kinakailangan ng ibayong pagatatasa at pag-aaral ng gobyerno sa kanilang programa para sa turismo. Sapagkat sa kondisyong ito, mas lalong nagiging dispalinghado ang katayuan ng marami sa atin, lalo na ang mga katutubo. Dahil ang tunay na pag-unlad ay hindi nasusukat sa mataas na revenue ng pananalapi sa turismo, kundi binabatay sa wastong pagkilala sa karapatan at pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa bawat isa sa atin, katutubo man o hindi.
Gayunpaman, sinasabing ang Sagada ay lulan ng mga banayad at payapa. Tulad ng kanilang diyos na si Kabunyan, na ang hininga’y nagiging hanging nagduduyan sa mga ninuno. Nakakapanlumong isiping ang Sagada ay unti-unting nasasadlak sa dilim at lupit ng kasalukuyan.
At hindi rin nakapagtatakang, matapos takbuhin ni Kabunyan nang milya-milya sa hagibis niyang lakas ang ilang mahaba-habang dantaon, tuluyan na siyang mapagod at tumakas sa ating hinuha. Baka isang araw mangulila tayo sa kanyang kawalan, at tayo na mismo ang pahirapan niya sa pagbaybay sa walang habas na daan ng kasaysayan. ●
Inilathala sa isyu ng Kulê noong ika-30 ng Agosto 2004, gamit ang pamagat na “Nadapa si Kabunyan.”
Tinanaw ni Vincent Jan Cruz Rubio na pormal na simula ng kanyang pagsusulat ang kanyang pagpasok sa UP Diliman sa ilalim ng programang Malikhaing Pagsulat, at matapos ito, ng MA in Philippine Studies, major in Media studies. Sa UP, natutunan ni VJ na pahalagahan ang mga isyung panlipunan nang maging kasapi siya ng League of Filipino Students. Naging editor siya ng Kultura ng Philippine Collegian, isang panahong nagluwal ng pinakamalaking bulto ng kanyang mga akda. Nahasa rin ang kanyang panulat sa mga pangunahing palihan sa larangan. Nailathala ang kanyang mga sanaysay at maiikling kwento sa iba’t ibang publikasyon.
Nagtrabaho si VJ para sa ilang ad agency at sa dalawang pangunahing TV network sa bansa, bago tuluyang bumalik at manatili sa dalawang bagay na pinakanais niyang gawin: ang pagsusulat at pagtuturo. Propesor si VJ sa La Salle College Antipolo at editor-in-chief ng isang publikasyon para sa mga migranteng Filipino nang siya’y pumanaw noong Marso 2009.