Sa limang taong pamamahala ng administrasyon ni Duterte, isang bagay ang tiniyak niya: Ubusin ang lahat ng nasa atin. Nang sabihin niya ang katagang “Uubusin ko kayo,” hindi lang ang mga biktima ng ilegal na droga, mga korap, at rebeldeng komunista ang tinutukoy niya, kundi lahat tayong hindi niya kasapakat.
Hindi pa nga nakakabawi sa pagkalugmok bunsod ng pagpataw ng striktong lockdown noong nakaraang taon, muli na namang isinailalim ni Duterte sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila, Cavite, Bulacan, Laguna, at Rizal, na kinikilalang NCR plus. Pumapalo na sa higit labindalawang libo ang positibong kaso ng COVID-19 kada araw, at ang muling paglalagay ng restriksyon sa mobilidad ng mga tao ang tanging nakikitang solusyon ng pamahalaan. Tinatasa rin ng administrasyon ang paglalagay pa ng ekstensyon sa lockdown upang mapababa pa ang bilang ng mga nahahawa.
Ngunit hindi na kakayanin ng mga pamilyang Pilipino ang mas mahaba pang lockdown. Sa kawalan ng sahod at kabagalan ng pamamahagi ng ayuda, mayroon lamang dalawang linggo ang kalakhan ng mga Pilipino bago tuluyang masaid sa pagkagutom, ayon sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank Institute.
Ang pagiging bulnerable ng marami sa atin sa mga krisis ay dahil na rin sa matatagal nang mga isyu: ang kawalan ng sapat na trabaho at nakabubuhay na sahod para sa lahat. Pinabigat pa ng pandemya ang mga problemang ito. Higit apat na milyon ang hindi pa rin nakakahanap ng trabaho, ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority. Bumaba rin ang halaga ng kakarampot nang sahod dahil sa mabilis na pagtaas ng mga bilihin. Ilang linggo bago ang muling implementasyon ng ECQ, tumaas ng higit sa apat na porsyento ang inflation rate, pinakamataas mula noong 2019.
Nangako ang gobyerno ng ayuda para sa mga maaapektuhan ng ECQ, ngunit kumpara sa ibinigay nila noong nakaraang taon, higit na mas maliit ang tulong na magmumula sa kanila. Mula sa P5,000 hanggang P8,000 ayuda para sa bawat pamilya noong nakaraang taon, makakatanggap na lamang ng P1,000 ang bawat benepisyaryo, at hindi pa tiyak kung kailan nila ito makukuha. Sa taas ng presyo ng mga bilihin, at sa nagbabadya pang pagpapatagal ng lockdown, hindi malayo ang mararating ng ganitong subsidyo.
Wala nang oras para maghintay sa kakarampot na ayuda, kaya naman hindi masisisi ang mga tao kung pipilitin nilang lumabas sa kani-kanilang tirahan at suungin ang peligro ng virus. Sa ganang ito, tila pinapapili ng gobyerno ang mga Pilipino: tiisin ang gutom o sumugal sa nakahahawang sakit. Sa dalawang ito, parehas ang banta sa buhay natin. Ang paglalagay ng pamahalaan sa atin sa ganitong sitwasyong kailangan nating pumili ng daranasing hirap ay patunay sa palyado nilang tugon sa mga krisis.
Ang totoo’y hindi naman dapat tayo pinapapili. Kung noong unang beses pa lamang na nagpataw ng istriktong lockdown ang gobyerno ay tinapatan na nila ito ng agresibong mass testing at contact tracing, mas maaga sanang napababa ang bilang ng mga may sakit, hindi nagtagal ang mga tao sa pagkakakulong sa kanilang tirahan, at hindi sana naging kasing lalim ang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.
Ngunit dahil walang ginawang komprehensibong medikal na hakbang ang pamahalaaan sa pagkontrol sa pagkalat ng virus, gayundin sa pagsuporta sa mga ospital at pasilidad, natagpuan ng bansa ang sarili nito sa isa na namang lockdown, kung saan mas lumala pa ang mga kondisyon.
Nasa higit 135,000 na ang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa ngunit may posibilidad na mas mababa ito kumpara sa tunay na bilang ng may sakit, ayon sa imbestigasyon ng Kongreso. Hindi kasi sinasama ng DOH sa tala nito ang mga nagpositibo sa mga antigen test, na siyang gamit ng mga lokal na pamahalaan sa pagtataya kung sino ang may sakit. Dahil dito, maaaring hindi angkop ang mga polisiyang ibinababa dahil hindi nasasalamin ng kasalukuyang datos ang tunay na kalagayan sa mga komunidad.
Mahalagang mapataas pa ng bansa ang isinasagawa nitong testing mula sa 30,000 kada araw upang magkaroon ng wastong pagtatasa sa sitwasyon. Esensyal din ito sa pagtukoy sino’ng may sakit, at sino naman ang nakahalubilo nila, upang agad silang maihiwalay sa populasyon at di na makahawa. Ngunit maski sa pagkilala at pag-kontak sa mga nakahalubilo ng mga nagpositibo sa COVID ay pumapalya ang bansa, gayong nasa tatlong tao na lamang sa bawat isang nagpopositibo ang naibubukod.
Habang sumusulong na ang ibang bansa sa pagpapabakuna sa kanilang populasyon, nananatiling nakatengga ang Pilipinas sa mano-mano pang pagsagot sa mga contact tracing form, sa pagbubulay kung kailangan nga ba talaga ng face shield. Malinaw sa ating kalagayan na kumikilos lamang ang administrasyon bilang reaksyon sa kung ano na ang nangyari, at maging dito ay nagkukulang pa sila.
Mahina na ang mga polisiya at aksyon nila sa pagpigil ng pagkalat ng virus, ngunit hindi sumasapat maging ang kanilang pagtugon sa mga positibong kaso. Lantad ito sa mga ospital na kinakailangan nang tumanggi ng mga pasyente kahit may malubha na silang kalagayan. Dahil sa loob ng kanilang mga emergency room at intensive care unit ay mga pasyenteng mas malala pa, nasa bingit na ng kamatayan.
Hindi na nakausad pa sa hakbang ng pagpigil sa sakit ang bansa, at nananatiling malayo sa abot ng mga Pilipino ang mga bakuna. Sa laki ng inutang ng Pilipinas para makabili ng bakuna, kalakhan ng dumarating na bakuna ay iyong galing pa sa mga donasyon ng ibang bansa. At bagaman may inilaan nang mga pondo, hirap naman sa pagproseso ng pagbili ang mga lokal na pamahalaan, gayundin ang mga pribadong sektor, dahil sa magulong mga alituntunin ng Malacañang. Maging ang pangulo ay naguguluhan: Una nang pinirmahan ni Duterte ang indemnification bill ng Kongreso noong Pebrero, ngunit isang buwan makalipas, pinahayag niyang di siya papayag na maging malaya sa pananagutan ang mga korporasyong pinagmulan ng mga bakuna.
Kung maging sa bagong pataw na lockdown ay pumalya pa ang pamahalaang baguhin ang mga polisiyang malinaw na hindi epektibo, bumaba man ang mga kaso dahil sa saglit na restriksyon sa ating paggalaw, tiyak na babalik rin tayo rito—mas mahigpit na lockdown at mas masahol na kalagayan. Inilantad na ng ating mga karanasan noong nakaraang taon kung anong aksyon ang dapat na iwasto. Ang pag-uulit sa mga pagkakamali ay hindi na dahil sa kakulangan ng kaalaman, kundi sa kawalan na ng interes sa kapakanan ng mga Pilipino. Marahil higit sa pagprotekta sa atin mula sa mga krisis, may iba pang interes ang rehimen na mas pinagtutuunan nito ng pansin.
Ipinakita ng pandemya ang pagkakawing ng kalusugan at ekonomiya, kung paanong ang pundasyong kinagagalawan nila noon pa man ay hitik na sa problema, kaya naman nasa bingit tayo ngayon ng tuluyang pagkawasak. Ngayong nahaharap tayo sa magkakawing na mga krisis, mahalagang walang aspetong babalewalain ang administrasyon. Ang ekonomiya ay nakabatay sa malulusog na mga indibdiwal, ngunit hindi sila maaaring hayaang sumuong sa panganib ng virus nang basta-basta.
Kahingian sa pamahalaan ang mabilis at epektibong pagtugon, kahingian sa kanilang gawin ang trabaho—hanapin ang balanse sa dalawa upang masigurong hindi namumuhay sa kawalang katiyakan ang mamamayan nito. ●
Unang nalimbag ang artikulong ito noong ika-4 ng Abril 2021.