Walang obhetibong pamamahayag. Kung paanong ang Kulê ay tagibang sa boses ng maralita, ang pag-uulat na nasawi sa isang “engkwentro” si Chad Booc, guro ng mga Lumad at dati nang biktima ng red-tagging, ay pagkiling sa propaganda’t interes ng militar.
Matapos iparada at ipalabas ng Armed Forces of the Philippines sa midya ang pagpaslang nila kina Chad, agad itong pinasinungalingan ng Save Our Schools Network. Malayo sa sagupaan ang nangyari, kundi masaker. Pumunta sina Chad sa New Bataan, Davao de Oro, upang magsaliksik sa komunidad doon, at saka sila pinatay ng militar habang nasa daan pauwi. Hindi sila miyembro ng New People’s Army tulad ng binibintang ng militar.
Matagal nang ipinapamalas ng estado ang kakayahan nitong manipulahin ang naratibo upang umayon ang diskurso sa ganansya ng mga opisyal. Kita ito mula sa kawalan nila ng aksyon sa malawakang paglaganap ng disimpormasyon, pagpapakalimot sa taumbayan ng karahasan ng diktadurang Marcos, hanggang sa pagpapakalat nila ng kasinungalingan bilang bahagi ng kanilang programa kontra-insurhensiya.
Naging proyekto ng rehimeng Rodrigo Duterte, mula pa sa simula, ang pagsira sa lahat ng lehitimo’t totoo. Binahiran nito ang integridad ng midya sa ilang beses na pag-atake sa kanila, at lantaran ang pagsisinungaling ng Malacañang sa taumbayan. Taong 2019 natin nakita ang rurok ng ganitong taktika ng pamahalaan—nang inilabas ang piksyunal na “ouster matrix,” nang ubos-lakas na nang-red-tag sa mga progresibo ang mga gaya ni Lorraine Badoy, tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Tuluyan na ngang nasaksihan ng midya ang kawalan ng kredibilidad ng pamahalaan sa inilalabas nitong mga kwento, lalo sa mga isyu ng conflict o tunggalian.
Sa pagkakataong tumitindi ang kasinungalingan at karahasan ng estado laban sa mga aktibista’t iba pang humahamon dito, naging mas matalino na dapat ang midya sa pag-uulat ukol sa mga rebolusyonaryo, lalo silang mga nasasawi. Dahil kung pagbabatayan lamang ng mga peryodista ang lumalabas sa bibig ng mga opisyal, pumapalya ang midya sa mandato nito—pinalalakas nito ang naratibo ng estadong dapat kitilin ang sinumang napaghihinalaang komunista, isinasapeligro ang buhay ng mamamayang kritikal sa pamahalaan.
Tunay na kumplikado ang paksa ng mga tunggalian. Kung kaya ang pag-uulat sa mga pangyayari rito ay nangangailangan ng mas malalimang pagtalakay. Hindi sumasapat ang pagbabalita lamang sa mga insidente bilang indibidwal at pira-pirasong mga kaganapan. Sa halip, kinikilala dapat ang mas malaking larawan sa likod ng mga pangyayari; inuusisa ang ugat ng tunggalian, ang konteksto, ang mga natatanggap na impormasyon at sa paanong paraan ito nakuha at pinoproseso.
Sa mahabang panahon ng pagbabalita ukol sa tunggalian, nananaig ang tipo ng peryodismo na nakasalig sa kung ano ang katanggap-tanggap sa madla, ani John Galtung, sosyolohista ng peace and conflict studies. Mahalaga ito pareho sa midyang pagmamay-ari ng gobyerno o mga korporasyon. Ang interes ng estado ay panatilihin ang status quo, kaya ang ilalabas lang nito ay pagsusuhay sa aksyon nito, ang patuloy na mag-giyera, mandahas. Gayundin sa mga negosyo; iiwasan nilang maglimbag ng mga akdang kontrobersiyal o di-popular upang mapanatili ang suporta ng mga konserbatibo’t naglalakihang mamumuhunan, advertiser, at mambabasang malaon nang kinondisyon sa ganitong uri ng peryodismo.
Nagiging makitid, sa huli, ang pagbabalita ukol sa mga tunggalian at nakapokus lamang sa nangyayaring karahasan sa kasalukuyan, labas sa konteksto nito. Reaksyon laban sa ganitong kumbensyon ang peace journalism.
Kung saan umiinog ang war journalism sa karahasan at sa dalawang nagtutunggaling panig, ang peace journalism ay nakatuon sa pag-uugat at pagreresolba sa mga tunggalian. Pagkat kung ang pagbabalita ay umiikot lamang sa karahasan—engkwentro, kaswalti, pambobomba—dahas lang din ang maikikintal sa isip ng mambabasa na tanging tugon sa anumang tunggalian.
Malaki ang impluwensya ng midya na hubugin ang paniniwala ng madla. Ang midya ang namamagitan sa bawat aktor ng lipunan (“But the media, as the very word indicates, mediate causes”), ani Galtung. Kumikilos ang mas malawak na populasyon ayon sa imaheng pinoprodyus ng midya, higit kaysa realidad.
Kaya naman ang panto-troll, at ang tila awtomatikong negatibo o bayolenteng reaksyon ng mga mambabasa sa anumang usapin ng insurhensiya ay bunsod din mismo ng mga imahe at pagpapalagay na matagal nang sinanay silang kasuklaman. Ngunit hindi pa huli ang lahat para sa midya na baguhin ang diskurso ng mga tunggalian, iulat ang mga ito sa kanilang kabuuan, kunin ang panig di lang ng dalawang magkatunggaling pwersa, bagkus pati ang nasa pagitan, at tunay na tupdin ang mandato nilang magsiwalat ng katotohanan.
Ito naman ang kaibahan ng peace journalism sa ibang uri ng pamamahayag—kinikilala nito ang aktibong partisipasyon ng midya upang maghawan ng espasyo para pag-usapan at solusyunan ang mga tunggalian. Itinutulak nito ang di-marahas na proseso ng pagkamit ng kapayapaan.
Sa ganang ito, marapat na mailapat ang digmang bayan hindi lamang mula sa perspektiba ng mga nangyayaring engkwentro sa kanayunan, bagkus sa pinag-uugatan nito—ang karahasan at kahirapan ng mamamayan, ang kawalan ng katarungan sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. At katambal ng talakayang ito ang pagpapaliwanag sa madla at pagtutulak na ipagpatuloy muli ang negosasyon sa pagitan ng National Democratic Front at ng pamahalaan, nang matugunan ang kahingian ng mga sektor na itinuturing na kaaway ng estado.
Kinikilala ang maaaring maging limitasyon ng mga peryodista sa pagsasapraktika ng peace journalism, lalo’t kalakhan sa kanila ay tali sa direksyon ng korporasyon. Ang limitasyong ito ang dapat namang hamunin hindi lang ng mga progresibong peryodista, bagkus pati ng mga mulat na mambabasa nang maasam natin ang balitang kumikiling sa interes ng nakararami. ●