Kung tatanungin si Carlo Reduta noong bata pa siya kung ano ang pangarap niya, isasagot niya ang kanyang hangaring umahon mula sa hirap ng buhay. Ngayong 18 taong gulang, malayo sa pangarap na ginhawa, humaharap sa 15 gawa-gawang kaso si Carlo dahil sa pagsubok niyang umalpas mula sa deka-dekada at minana nang pagpapahirap sa kanilang mga magsasaka sa Quezon.
Taong 2020, sa edad na 16 na taong gulang, kinasuhan si Carlo ng patong-patong na mga kaso, kabilang rito ang umano'y terorismo at pagpatay. Nitong Marso, tuluyan na siyang inaresto ng militar at kasalukuyang nakapiit sa Pagbaliao District Jail sa Talipan, Quezon. Ngunit malayo sa masamang imaheng pinipinta sa kanya ang tunay na karakter ni Carlo, ayon sa inang si Nanay Ofel.
Sa murang edad na 10 taong gulang, nagpasyang tumigil si Carlo sa pag-aaral para magtrabaho sa sakahan at magbenta ng uling upang makatulong sa kanyang pamilya. “Mula tatlong taon gulang, talagang masipag na bata siya tapos nakita ko na talagang ramdam niya kung papaano ako nahihirapan sa mga trabaho. Maliit lang siyang bata talaga pero talagang may likas na sipag siya,” kwento ni Nanay Ofel.
Ang maagang pagkamulat ni Carlo sa hirap ng buhay ang nag-udyok sa kanyang sumali at maging aktibo sa pag-oorganisa ng mga magniniyog sa Quezon sa ilalim ng grupong Coco Levy Funds Ibalik Sa Amin (CLAIM-Quezon).
Bata pa lang si Carlo, saksi na siya sa paghihirap ng kanyang mga magulang sa pagtatrabaho sa sakahan—mula sa pagrerenta ng lupa hanggang sa mababang kita na nakukuha nila sa pagbebenta ng kopra. Dagdag sa kanilang kahirapan ang Coco Levy Fund na mula Batas Militar ay hindi pa rin naibabalik sa mga magniniyog.
Nangolekta ang gobyerno ni Ferdinand Marcos Sr. ng buwis sa mga magniniyog sa pangakong gagamitin ito upang palaguin ang industriya ng kopra, at makakakuha ng parte sa kita ang mga magsasaka. Ngunit taliwas dito, napunta ang lahat ng kita sa mga crony ng diktador. Nang magprotesta ang mga magsasaka noong 1981, sa Guinayangan, Quezon laban sa pagnanakaw, pinaulanan sila ng bala. Dalawang magsasaka ang pinatay ng mga sundalo, at marami ang iniwang sugatan.
Hindi nagtapos sa panahon ni Marcos Sr. ang pagnanakaw mula sa mga magniniyog, at pandarahas sa kanila. Kita ito sa sumisidhing militarisasyon sa probinsya, sa pagtugis sa mga aktibista at kanilang mga organisasyon upang subukang pigilan ang kolektibo nilang paglaban para sa karapatan. Mahigit sa 3,000 miyembro nga ng CLAIM-Quezon ang sapilitang pinapasuko at pinagbibintangang rebelde, ayon kay Nanay Ofel.
Sa katunayan, tatlo na sa pamilya Reduta ang nakaranas ng pandarahas mula sa estado dahil sa kanilang mga paninindigan. Minsan ding nakulong ang kapatid ni Carlo na si Christopher, bagaman naibasura na ang gawa-gawang kaso laban sa kanya. Ngunit ang ama nilang si Maximo Reduta, na matagal ring nakapiit sa bilangguan, ay namatay sa sakit nang hindi na nakakalaya.
Sa pagdalaw ng kapatid ni Carlo sa kulungan, inilarawan ni Carlo ang naging karanasan niya sa mga militar noong siya ay hulihin. Aniya'y pilit siyang pinapaamin na ituro kung sino ang mga kasamahan niya, at noong wala siyang naturo ay pinukpok siya ng kawayan sa ulo nang dalawang beses, at pinagbantaang sasaksakin ng itak.
Kasalukuyang tinutulungan ng Kasama-Timog-Katagalugan si Carlo upang makalaya. Ngunit isang malaking hamon sa kanila ang patuloy na pagdaragdag ng mga gawa-gawang kaso laban sa kanya at ang mabagal na proseso nito sa korte. Sa kabila nito at ng ilang ulit na danas ng pag-aresto at pandarahas sa kanyang pamilya, naniniwala pa rin si Nanay Ofel sa kahalagahan ng pagpapatuloy sa paglaban, di lang para sa kanyang anak, kundi para na rin sa marami pang magniniyog na nakakaranas ng paghihirap.
“Talagang dapat lang ay di ako tumigil doon sa pagtulong sa community at mga miyembro ng [CLAIM] dahil wala naman akong nakitang labag sa batas... Gusto kong mabigyan ng lunas yung mga nararanasan ng mga magsasaka sa Quezon, yung pagbagsak ng kanilang kabuhayan, lalo na yung paglabag sa karapatang pantao," ani Nanay Ofel.
Batid na ang pag-ahon sa hirap ng buhay ay hindi nagagawa nang nakapag-iisa, patuloy ang paninindigan ng pamilyang Reduta kasama ang mga magniniyog sa Quezon. Ito ay hanggang hindi naibabalik ang ninakaw sa mga pesante, hanggang nananatili ang mga kondisyong nagpapahirap sa mga magkokopra, ilang henerasyon man ang magdaan. ●