Hindi lang tapang at determinasyon ng mga aktibista ang nagpatibay sa barikada noong Diliman Commune. Mahalagang bahagi rin sa pagpapatatag ng hanay ng mga lumalaban noon ang pagtataas ng kamalayan ng mamamayan sa sala-salabid na isyung kinahaharap ng bansa. Ang pananagutang ito ay ginampanan ng maraming organisador at lider-estudyante, kabilang ang mga artista ng bayan.
Mag-aaral ng agham pampulitika noong kasagsagan ng Diliman Commune, pinangasiwaan ni Bonifacio Ilagan, ngayong tanyag na manunulat at direktor sa teatro, ang edukasyon ng mga lumahok sa Commune. Sa isang panayam, ibinahagi ni Ilagan ang katingkaran ng kuturang ipinakita ng mga tao noon sa loob at labas ng barikada.
*
Paano mo mailalarawan ang kulturang nangibabaw noong Diliman Commune? Anong mga porma ng sining ang namayagpag dito?
Ang Diliman Commune ay bahagi ng tinatawag naming kultural na rebolusyon, isang pagsisikap upang mabago ang namamayaning paniniwala, upang matuklasan ng sambayanan ang sarili niyang lakas at ganap na magkaisa. Isa siyang rebolusyon sa pag-iisip kaya sinikap naming itaas ang kamulatan ng taumbayan.
Masigabo na ang sining ng kilusang pambansang demokratiko noon pa man. Sa Diliman Commune, ang madalas na nakikita ay graffiti. Kontrobersyal na isyu ito, kung sining ba o hindi ang grafitti dahil may nagsasabi na bandalismo ito. Ngunit naninindigan ako na ito ay isang anyo ng sining.
Sa Commune, yun ang unang laganap na pamamaraan ng pagpapahayag. Bukod pa sa graffiti, praktika rin noon ang dibuho. Pero di pa uso noon ang malalaking mural. Sa bawat barikada, lalo na sa University Avenue at Katipunan Road, bukod pa sa talakayan, madalas din ang pagbigkas ng tula at pag-awit.
Sa katunayan, pagkatapos ng Commune, nagkaroon ng teatrong produksyon ang Gintong Silahis, ang titulo nito ay Barikada, isang musikal sa direksyon ni Behn Cervantes. Nilinang ang produksyong ito ng karanasan ng mga aktibistang lumahok sa Commune.
Ano ang diwang isinasakatawan ng sining at panitikan noong panahong iyon?
Nagsimula ang mga protesta sa Diliman bilang pakikisimpatiya sa mga drayber nang tumaas ang presyo ng gasolina. Nakita namin na napakagandang oportunidad ng Diliman Commune para iugnay ang isyung ito sa mga mas pundamental na mga problema.
Pangunahin na rito ang kontrol ng mga monopolyo kapitalista sa industriya ng gasolina at ang epekto nito sa mga malakolonyal tulad ng Pilipinas. Kaya naging bahagi ng nilalaman ng sining at panitikan ang pagpapapbagsak sa imperyalismong Amerika. Iniugnay na rin namin ang batayang isyu ng sambayanan tulad ng kontrol ng mga haciendero sa hekta-hektaryang lupa at pagkontrol ng iilan sa gobyerno. Dinaing din namin ang karahasan at pasismo noon.
Ano ang naging ambag ng sining sa pag-oorganisa sa loob ng komunidad ng UP at sa labas nito?
Naging isang malaking paaralan ang Diliman Commune para sa mga manunulat at iba pa para sa pag-organisa at paglikha. Yung mga sining na nilikha noong panahong yun ay nagbigay-buhay sa mga isyu na gusto naming palaganapin, lalo na sa hanay ng karaniwang mamamayan.
Higit pa sa teksto, ang mas nakarating sa mga tao na hindi sanay sa mahabang pagbabasa ay yung likhang sining. Naisasalin namin ang polemika at retorika ng mga manifesto sa mas direkta at buhay na pamamaraan katulad ng dula. Sa gayon, nakikita nilang gumagalaw ang manifesto. Bale, nagkakaroon ng immediacy sa pagitan ng mensaheng inaarte ng mga aktor at mga nanonood.
Anong aral ang maaaring mapulot ng mga kultural na manggagawa ngayon mula sa Diliman Commune?
Huwag matakot lumikha ng sining. Hindi talaga ako artista noon pero natutunan kong lumikha ng sining sa proseso ng paglikha ng sining. Nahasa rin kami sa pagtatasa kada pagtapos magtanghal. Bukas kami sa kritisismo, para malaman kung ano ang maganda at pangit na bahagi ng likha. Mula roon napataas namin ang kalidad ng likha namin.
Nakatulong din sa amin ang pagsali sa aktibismo ng mga kilalang direktor na mayroon na talagang kasanayan. Dapat magsumikap ang mga kultural na manggagawa para makahamig ng mga nasa larangan na ng sining at panitikan, dahil malaki ang magiging ambag nila sa paglikha at pag-abot sa mas maraming tao.
Huli, laging tumangan sa sambayanan sa paglikha ng sining, kung alin ang epektibo sa kanilang karanasan, iyon ang pursigihing likhain. ●
Unang nalimbag ang panayam na ito noong ika-9 ng Pebrero 2021.