Pangaraw-araw na tanawin para sa mga kawani ng Philippine General Hospital (PGH) ang pila ng mga pasyenteng lumalagpas pa sa kalye ng Padre Faura, ang mga pamilyang paudlot-udlot ang tulog sa makikitid na pasilyo, at ang ngiwi ng mga pasyente na pumapalahaw dahil sa iniinda nilang sakit. Higit 90 oras na nagtatrabaho ang mga manggagawang pangkalusugan ng UP upang kahit paano ay maibsan ang nararamdaman ng mga may-sakit.
Malaki ang magiging impluwensya ng susunod na pangulo ng pamantasan sa pagbabago ng tanawing ito sa PGH. Para kay Jossel Ebesate, ang pambansang pangulo ng All U.P. Workers Union, ang parating na halalan para sa ika-22 presidente ng Unibersidad ng Pilipinas ay pagkakataon para paglimian ang tunay na diwa ng kahusayan.
“Kasama [sa kahusayan] siyempre, yung pag-aalaga, kasi sinasabi natin palagi na ang greatest resource ng isang institusyon lalo na sa edukasyon at sa health care ay ang human resource. Dapat inaalagaan mo ang human resource mo."
Ngunit sa mga planong inihain ng anim na nominado, unang pinuna ni Ebesate ang kakulangan ng mga programang nakatuon sa pagpapaunlad ng administratibong sektor.
“Halos pare-pareho din naman ang mga pangangailangan [ng administratibong sektor at ng akademikong sektor], katulad ng security of tenure, sweldo, housing, health care, additional benefits, pero mas higit siguro sa administrative employees kasi nagsisimula sila sa mas mababang salary grade,” saad ni Ebesate.
Taglay ng mga administratibong kawani ang pinakamababang sahod kumpara sa faculty at mga research, extension, and professional staff.
Sinasahuran lamang ng P12,000 kada buwan ang mga utility workers. Ang mga nars naman sa PGH ay pinagkakasya ang P32,000 na sweldo, halagang umaagapay lamang sa 30,000 na tinatayang kinakailangan para makapamuhay sa Metro Manila. Dagdag pa, kahit na doble sa mandatong 40-hour work week ang oras na ginugugol ng mga kawani ng PGH sa trabaho kada linggo, wala ni isa sa kanila ang nakakukuha ng ng overtime pay. Kakailanganin itong aregluhin ng susunod na presidente ng UP, ani Ebesate.
Hindi lang mas nakabubuhay na sweldo ang panawagan ng mga manggagawa sa UP. Sa 14,000 empleyado ng unibersidad, 2,000 sa kanila ay kontraktwal. Ang regularisasyon ng mga kawani sa unibersidad ang matagal nang hiling ng unyon mula pa nang opisyal silang kilalanin noong 2001.
Kalakhan naman ng mga tumatakbo bilang pangulo ng pamantasan ay may plano para sa seguridad ng trabaho ng mga kawani. Halimbawa, nais ni Fernando Sanchez Jr., dating tsanselor ng UP Los Baños, na sumangguni sa mga constituent units ng UP. Balak din ni Fidel Nemenzo, tsanselor ng UP Diliman, na maglunsad ng job audit. Samantala, ang tuluyang pagsugpo sa kontraktwalisasyon sa gobyerno ang nakikitang solusyon ni Salvador Belaro Jr., dating representante ng 1-Ang Edukasyon.
Hinihimok ng sektor ng manggagawa ang susunod na presidente na isama ang mga non-UP contractual workers, mga manggagawang inempleyo sa panukalang Job Order at Contract of Service, sa lump sum ng badyet ng unibersidad para matamasa din nila ang mga benepisyo ng isang regular na empleyado.
Sa kabila nito, marami pa ring pang-ekonomikong benepisyo ang nananatiling nakabinbin, tulad ng rice subsidy, car at housing loan, at P20,000 Health Support Grant, na nagbago na ng pangalan at naging Educational Support Grant.
Marami sa mga plataporma ng mga nominado ang umiinog sa dagdag-benepisyo ng mga empleyado ng pamantasan, tulad ng planong salary standardization ni Patrick Azanza, kasalukuyang pangulo ng Catanduanes State University. Inilahad na rin ng dating miyembro ng lupon ng mga rehente na si Angelo Jimenez at ng propesor na si Benito Pacheco ang pagnanais nilang ayusin ang mga benepisyong hatid ng mga programang Philhealth at Enhanced Hospitalization Programme.
Giit ni Ebesate na sa UP Manila at PGH, nagbibingi-bingihan ang administrasyon sa pagsusumamo ng mga empleyado para sa libre at komprehensibong benepisyong pangkalusugan. “Ikaw na health worker, ibinuhos mo na ang buhay mo sa pagligtas ng pasyente, tapos ikaw mismo ay wala rin palang kasiguraduhan sa tuwing ikaw ang nagkasakit.”
Simple lamang ang hinahanap ng sektor ng manggagawang pangkalusugan sa susunod nilang presidente: isang pinunong handang ibigay sa kanyang mga pinaglilingkuran ang alagang araw-araw nilang inaabot sa kanilang mga pasyente.
Kaya naman esensyal na ang mapiling pangulo ng lupon ng mga rehente ay iyong magbibigay ng ginhawa sa mga kawani sa pamantasan. Dahil kung hindi, di malayong magpatuloy ang lunos na kalagayan nilang mismong nagpapatakbo sa UP. ●