Muling kikililing ang selpon. Dadapo sa noo ang pagkayamot. Kaiba sa inaasahang mensahe, walang pakundangan ang pagpasok ng kaliwa’t kanang abiso mula sa mga hindi kilalang numero. Sunod-sunod ang notipikasyon: marahil pagbati sa pagkapanalo sa raffle na lingid sa iyong kaalaman, o paanyaya sa trabahong pantay-langit ang kita sa maghapon. Lahat galing sa tanyag na personalidad na himalang nagkainteres sa iyo.
May ibang direkta pang tatawag; araw-gabi ang pangungulit. Minsan nananawagan ng saklolo sa ngalan ng malalapit na kaanak. Samut-sari ang hinihingi sa kabilang linya nang may halong pagmamadali. Subalit liban sa kanilang sinabi, wala kang makabuluhan na maitatanong pabalik, dahil pihong sandata ng pandaraya ang kamangmangan ng tao.
Kaya naman sa umano’y pagtatangkang kuputin ang sirkulasyon ng scam messages at spam calls, pinirmahan ni Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11934 o SIM Card Registration Act—ang kauna-unahan niyang nilagdaang batas—noong ika-10 ng Oktubre. Minsan na itong ibinasura ni Rodrigo Duterte, subalit muli itong itinulak ng Kongreso upang anila’y lupigin ang mga krimeng ginagawa sa pamamagitan ng mobile phone.
Subalit salungat sa pagsawata sa mga panloloko’t pagsiguro sa personal na datos, landas ng kompromiso sa daloy ng pribadong impormasyon ang implementasyon ng nasabing batas—lalo’t maaari itong magsilbing galamay ng estado sa pandarahas nito sa mamamayan.
Layon ng SIM Card Registration Act na imandato ang pagpaparehistro ng bawat SIM card sa loob ng 180 araw mula nang ipatupad ang batas. Kalakip nito ang pagpapatala ng kada SIM card user ng kanilang pagkakakilanlan gaya ng kumpletong pangalan, kasarian, petsa ng kapanganakan, at tirahan upang umano’y iwasan ang pagmamanupaktura ng pekeng identidad.
Gayunpaman, malaon nang palyado ang disenyo ng ganitong uri ng panukala upang sugpuin ang lumalalang kriminalidad. Patotoo rito ang pagpapawalang-bisa ng Mexico sa kahalintulad na batas noong taong 2012, matapos mabigong bawasan ang kabuuang bilang ng krimen sa kanilang lipunan. Kaparehong isyu ang lumitaw sa Saudi Arabia nang umiral ang black market, kung saan inilalako ang mga rehistradrong SIM card sa mga anonimong mamimili.
Samantala, naging kwestyon naman sa Indonesia ang regulasyon ng batas, lalo’t tumitinding suliranin ang proteksyon ukol sa personal na datos ng kada indibidwal. Sang-ayon dito, mariing usapin ang seguridad ng pribadong impormasyon sa kasalukuyang lagay ng bansa.
Matatandaang pumutok ang eskandalo ng data breach sa Commission on Elections (COMELEC) noong taong 2016. Kasabay nito ang iniulat na pagpapaskil ng mga mirror link upang ma-download ng sinomang may internet ang tinaguriang database ng COMELEC.
Pagtagal, humingi ng paumanhin ang COMELEC sa insidente, saka tahasang naglabas ng tagubilin na baguhin na lamang ng mga botante ang password sa kani-kanilang account. Ngunit sa kabila ng inilabas na pahayag ng pamahalaan, hindi nawawaksi ang kagimbal-gimbal na posibilidad ng pagkalat ng mga sensitibong impormasyon.
Higit na umigting ang gayong bulnerabilidad sa kasagsagan ng pandemya. Sa bingit ng taong 2021, iniulat ng National Privacy Commission (NPC) ang pagdagsa ng sandamakmak na reklamo ukol sa smishing, isang tipo ng panlilinlang sa text na pumopostura bilang kilalang institusyon. At bagaman nagbigay-direktiba na ang NPC sa mga telecommunication company (telecom) upang sugpuin ang problema, ang tanging nakumpirma sa isinagawang imbestigasyon ay ang pagtukoy na dumaan sa ilang service network ang mga naipadalang mensahe.
Hindi ngayon tiyak kung ang pagkalat ng ating demograpikong detalye’y buhat ng pagbebenta ng mga sinagutang contact tracing form, health declaration document, o online application. At dito pumapasok ang pangamba sa kahihinatnan ng SIM Card Registration Act sa bansa. Dahil kahit inisyal nang nakasaad sa batas na anomang dokumentong irehistro ay kumpidensyal, posible pa rin itong matunton sa pamamagitan ng utos ng hukuman o isinatitik na kahilingan mula sa ahensyang nagpapatupad nito. Dagdag pa na labis na kakaunti, kundi man wala, ang limitasyon sa mga telecom bilang repositoryo ng ating personal na datos.
Dulot ng gayong luwag sa saklaw at probisyon ng batas, maaaring sumidhi ang lihim na pagnanakaw ng pribadong impormasyon upang gawing komersyal. Kung papaanong sa surveillance capitalism, isang pang-ekonomikong mekanismo, tinitiktikan ng Big Tech ang bawat kilos natin sa internet upang kumuha ng datos; kinokontrol ang algoritmo ng ating news feed upang impluwensyahan ang ating pagpapasya't pagkilos. Gayundin, pinipilit ng estadong ariin ang ating pribadong impormasyon upang bantayan at limitahan ang ating bawat galaw.
Nakakabahala ngayong isipin ang ganitong pagsasalegal sa paniniktik, lalo kung ipapares sa sistematikong pangingikil ng Terror Law. Sa samut-saring kaso ng biglaang pagdampot, pag-aresto, at pagpaslang sa mga kritikal na boses ng bayan, hindi malayong sundan ng SIM Card Registration Act ang deka-dekada nang kultura ng pananamantala. Sapagkat taliwas sa inisyal nitong gampanin, hindi malayong umalalay ang nasabing batas sa pagmamanman ng sinomang taguriang subersibo ng pamahalaan. Isa itong mabigat na yapak tungo sa lalo pang pagkitil sa laya’t awtonomiya ng mamamayan. ●