Freshie ako nang unang beses magpunta sa Mendiola. Kasagsagan yun ng P2.2 bilyong budget cut sa UP, kaya maya’t maya ang RTR sa mga klase. Tanda ko pa noon, hindi nauubusan ng tao sa Galleria 2 sa Faculty Center sa dalas ng mga teach-in discussions. Dahil wala kaming propesor noong araw na ‘yun, marami ang napa-walk out sa amin.
Sa teach-in discussions ko nalaman ang isyung kinahaharap ng aming unibersidad. Manapa, natutunan ko rin dito ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos, na ang laban ng mga mag-aaral sa pamantasan ay hindi labas sa mga kinahaharap ng iba pang sector sa lipunan.
Mula sa tapat ng UST, binagtas namin ang kahabaan ng Morayta. Hanggang marating namin ang Peace Arch, wala kaming ibang isinisigaw kundi: “Iskolar ng bayan, ngayon ay lumalaban!” “Edukasyon, edukasyon, karapatan ng mamamayan!”
Sa unang beses, natutuhan kong itaas ang aking kamao. Nakalulunos ang kuwento ng karaniwang mamamayan mula sa iba’t ibang sektor, ngunit pinag-iisa tayo ng kagustuhang baguhin ang kinabukasan. Saka ko natutunan ang kahalagahan ng paggigiit sa ating mga karapatan. Dumalas pa ang pagdalaw ko sa Mendiola sa mga sumunod na taon.
Lansangan ang bukas na tainga ng gobyernong nagbibingi-bingihan sa hinaing ng mamamayan. Pinag- iisa nito ang tinig ng bawat sektor sa lipunan. Dito rin ipinaglalaban ang karapatan sa buhay at kabuhayan ng mga inaapi sa lipunan. Kung nakakapagsalita lang ang mga gusaling nakapaligid sa Mendiola, tiyak, saksi ang mga ito sa mga labang napagtagumpayan ng mamamayan.
Ito rin ang tahanan ng mga magsasakang pinalayas sa kanilang sinasakahang lupa o ng kontraktwal na manggagawang nagwewelga sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Maringal man kung ituring ang mga labang napagtagumpayan dito, hindi maitatangging minsan ding dumaloy ang dugo sa lugar na ito. Kaya’t hindi lamang sa simpleng pag-alala nagiging mahalaga ang memorya kundi sa pagpapatuloy sa bawat nasimulang laban.
Ang panahon ay 1987, isang taon matapos mapatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos. Bitbit ang panawagang tunay na reporma sa lupa, marahas na dinisperse ang mga magsasakang tumutulak papuntang Malacañang. Pinaputukan at walang awang dinahas ng mga pulis at militar ang mga walang kalaban-labang magsasaka.
Makalipas ang 32 taon, wala pa ring hustisya para sa 13 napaslang. At hanggang ngayon, kalakhan ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita ay wala pa ring mapagtamnan.
Ngunit ang alab ng mamamayang patuloy na nagpapanawagan ng pagbabago’y hindi pa rin nawawala.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na nag-aanak ang Mendiola ng matatapang at magigiting na bayaning handang ialay ang buhay sa bayan.
“Wala tayong karapatang tinatamasa ngayon na hindi ipinaglaban sa Mendiola,” kuwento ni Ma’am sa amin noong hayskul. At tiyak akong sa lugar na ito, marami pang pagkamulat na itatanim, tagumpay na aanihin, dugong dadanak ngunit may tagumpay na iaanak. ●
Nailathala sa isyu ng Rebel Kulê noong ika-13 ng Pebrero 2019 gamit ang pamagat na "Sa Hindi Pag-Alala."