Sa isang hampas sa batok, dumugo ang ulo ng isa sa mga manggagawang nagwewelga sa harap ng Toyota Bicutan Plant, Marso 2001. Dito nagsimulang magsigawan at magkagulo ang mga obrero at gwardya ng kumpanya.
Sariwa pa rin sa alaala ng 227 miyembro ng Toyota Motors Philippines Corporation Workers Association (TMPCWA) ang marahas na dispersal sa dapat sanang isang mapayapang protesta. Ang kanilang dahilan ng pagkilos: panawagang makuha ang natitirang sweldo mula sa kumpanya, matapos silang tanggalin sa trabaho nang walang pasubali.
Nitong Marso 16, nagkasa ang grupo ng protesta sa harap ng Japanese Embassy upang gunitain ang ika-22 anibersaryo ng kanilang pagkakatatag, at ang higit dalawang dekadang pagpapatuloy ng panawagan nilang makuha ang hustisya sa naging danas sa Toyota.
Gulong ng Buhay
Ang hanay ng mga manggagawa ang bumubuo at nag-aayos ng mga parte ng sasakyan bago ito ilabas sa mga showrooms.
Sa Toyota Bicutan plant binubuo at inaayos ang parte ng mga sasakyan bago ilabas ang mga ito sa showroom. Sa plantang ito sa Bicutan, 11 taong nagsilbi bilang assembly line worker si Jason Fajilagutan bago matanggal sa trabaho kasama ang iba kasamahan sa unyon noong 2001. Kabilang si Jason sa Board of Directors ng unyon nang maitatag ito. Halos kasabay ng kanyang pagkasisante ang pagkatanggal sa pinagtatrabahuhang ng kanyang asawa sa economic zone sa Laguna. Kaya sa parehong pagkawala ng pagkakakitaan, naging dagok sa kanila na buhayin at pag-aralin ang dalawang anak.
“Ang hirap. Nagsisimula ka pa lang na magtayo ng pamilya tapos nawalan ka kaagad ng trabaho,” aniya.
Bilang isa sa mga lider ng samahan na nanguna sa pagkilos, kasama si Jason sa mga pinag-initan ng kumpanya at kalauna’y tinanggal sa trabaho. Aniya, maraming beses na hinarap ng kanilang grupo ang banta sa kanilang buhay. Ilang beses na binisita ang kanilang mga tahanan ng mga pulis, at regular din silang pinagmanmanan ng mga di kilalang lalaki. Gayunpaman, ang kanilang mga hinarap na pagsubok ang nagsusog sa kanilang maging matapang.
“Nung nagsisimula pa lang, may pag-aalinlangan. Pero katagalan, naimulat mo na ang sarili mo. Kahit saan ka mapunta, kailangan itaguyod mo ang karapatan mo,” ani Jason sa Collegian.
Ilang taong man siyang nag-trabaho sa car manufacturing, hindi pa rin siya tinanggap sa mga trabahong sinubukang niyang pasukan, gayundin ang kaniyang mga kasama, dahilan para humanap na lang sila ng ibang pwedeng pagkakitaan.
“Hinaharang kami mismo ng mga kapitalista, tinatawagan ng Toyota [ang ina-aplayan naming kumpanya],” kwento niya. Dahil rito, pinili na lang ni Jason na mamasada ng jeep.
Tulad ni Jason, matinding hirap din ang naranasan ng iba pang mga miyembro ng unyon. Sa paglipas ng panahon, hindi mapigilang magkawatak-watak ang grupo upang unahin ang paghahanap ng hanapbuhay na susustento sa mga sari-sariling pamilya.
“May mga naging driver, ‘yung iba nasa ibang bansa kaso inabot ng matagal kasi hindi makakuha ng NBI [clearance]. Pero nandun pa din ‘yung pagkakaisa na pare-pareho kaming nawalan at inargabyado,” ani Joey Javillonar, isa sa mga lider ng grupo.
Apatnapu't walong taong gulang na si Jason, at 26 na taon dito ay ginugol niya sa pakikibaka kasama ang iba pa niyang mga kapwa-manggagawa sa Toyota.
“Napakahirap. May namatayan ng anak, kinamatayan ang paglaban. Pero kahit ganoon, nagpapatuloy dahil baka may pag-asa,” dagdag ni Jason, “Na kahit manlang sa edad namin na ito, sana magkaroon pa rin ng hustisya.”
Makina ng Dahas
Sa mainit at magulong planta sa Bicutan, Parañaque noong 1992 isinilang ang ideya na itatag ang TMPCWA. Bunga ito ng masalimuot na kalagayan sa planta simula nang dumating ang Toyota sa Pilipinas noong 1988. Maliban sa mababang sweldo, wala ring maayos na bentilasyon ang pagawaan.
Noong Pebrero 14, 1999, nagpetisyon ang unyon na maghalal ng sole and exclusive bargaining agent (SEBA), o representante ng unyon, sa mga rank-and-file employees. Sinubukan ng Toyota na pigilan ang pormalisasyon ng grupo ngunit bigo sila matapos ibasura ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang apela. Ayon sa ahensya, sa hanay ng mga manggagawa dapat manggagaling ang pasya sa paghalal ng SEBA.
Gayunman, hindi tinanggap ng kompanya ang kanilang hinihinging umento sa sahod at pormal na pagkilala sa unyon. Bilang tugon, nag-organisa ng dalawang araw na strike sa harap ng Bureau of Labor Relations ang 135 na manggagawa noong Pebrero 21, 2001.
“Handa na tayong lumabas anumang oras kung patuloy na ipagkakait ng management ang CBA. Oo, maaari tayong masaktan sa welga. Oo, maaari tayong magutom sa piketlayn. Subalit may pagkakaiba ba ito sa unti-unting pagpatay sa atin sa loob ng 12 taong makabaling likod ng pagtatrabaho?” ayon sa pahayag ng grupo noong 2001.
Tagumpay na naunsyami ang paggawa sa planta na nagdulot ng kawalan ng kita na umabot sa mahigit P50 milyon. Dahil dito, tinanggal ng Toyota ang 135 na empleyado, kabilang ang 92 miyembrong hindi sumama sa rally noong Marso ng 2001. Ang desisyong ito ay lalong nagpatindi sa protesta ng TMPCWA.
Naghain ng apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang TMPCWA kasunod ng kanilang pagkakatanggal, ngunit sa kasamaang palad, kinampihan ng ahensya ang TMP. Ayon sa NLRC, nilabag ng unyon ang kanilang kontrata na magpaalam sa kumpanya bago magprotesta.
Umakyat hanggang sa Korte Suprema ang kaso, at sa taong 2007, ibinaba ang pinal na desisyong ligal ang pagkakatanggal ng mga manggagawa, at hindi kailangang magbayad ng Toyota ng severance pay. Ito ay sa kabila ng rekomendasyon ng International Labour Organization (ILO) na pabalikin sa trabaho ang mga tinanggal na unyonista o bayaran ng severance pay, dahil wala umanong nilabag ang mga trabahador.
Hanggang sa kasalukuyan, mayroon pa ring mga miyembro ang hindi nakatatanggap ng kompensasyon galing sa Toyota.
Matapos ang Deka-Dekadang Alipato
Nawalan man ng trabaho, walang pagsisisi ang mga manggagawa sa kanilang pag-uunyon. Karapatan ng manggagawang Pilipino ang paghingi ng maayos at makataong kondisyon ng pagtatrabaho, ani Jason.
“Kung malayang bansa talaga ito, dapat ma-exercise namin ang aming constitutional rights. Ang mga ginagawa ng kapitalista ay lalong nagpapahirap sa amin,” hamon ni Jason sa kasalukuyang pamahalaan, “Dapat utusan ni Marcos na magkaroon ng tiyak at tunay na reporma sa karapatan ng manggagawa.”
Bagaman lumipas na ang ilang taon, patuloy na lumalaban ang grupo upang maitaguyod ang tunay na unyong pang-manggagawa sa Toyota. Kasabay nito ang kanilang panawagan upang maibigay ang nararapat na kompensasyon sa kanilang pagkakatanggal. Hinihimok ng unyon ang pamahalaan, at lalo na ang gobyerno ng Japan, na tulungan ang mga manggagawang naghihirap sa ilalim ng TMP.
Naging matagal man ang magulong laban ng TMPCWA, naniniwala silang may pag-asa pa rin ang kanilang panawagan. Nitong Pebrero, matagumpay na nakuha ng mga manggagawa sa Toyota Japan ang hinihinging umento sa sahod ng mga unyon. Kinikilala ng TMPCWA na tagumpay para sa mga manggagawa ang tagpong ito. Kaugnay nito, ipinangako ng unyon na magpapatuloy ang adbokasiya ng kanilang grupo para sa lahat ng manggagawa.
“Maraming nangyari, maraming paghihirap, subalit naiigpawan ng ehemplong naibahagi namin sa mga ka-manggagawa na tumindig, mag-unyon, at mag-organisa,” pahayag ni Jason. ●