Ni JEROME TAGARO
Minsan habang mas pakiramdam natin na malaya tayo, kabaliktaran ‘yun ng tunay na nararanasan natin.
Tunay na mapanlinlang ang konsepto ng kalayaan. Matagal na nating pinaniniwalaan ang ideya na ganap tayong naging malaya mula sa kamay ng mga dayuhan nang iwagayway ni Emilio Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas sa Kawit, Cavite noong ika-12 ng Hunyo 1898.
Ngunit simula ng araw na iyon, kailanma’y hindi tayo naging malaya. Kalayaan hindi lamang sa kamay ng mga dayuhan, kundi kalayaan mula sa kamay ng estado. Mismong ang mga awtoridad na inatasang dapat na magtatanggol at magtitiyak ng kaligtasan ng mga Pilipino ang silang pangunahing dahilan ng sunod-sunod na karahasan.
Sa kaliwa’t kanang pandarahas, hindi nakaligtas maging ang mga kabataan na lagi’t laging pinagkakaitan ng kanilang karapatang makapag-aral. Nitong Lunes lamang nang maganap ang karumal-dumal na pagpatay sa dalawang lider ng Lumad at direktor ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV). Nasaksihan mismo ng mga estudyante, guro at iba pang miyembro ng komunidad ang sinapit ng mga katutubo sa kamay ng mga Magahat, grupo ng paramilitary sa Surigao del Sur.
Matatandaang 3000 mga Lumad ang hindi makapasok sa paaralan dahil sa patuloy na militarisasyon sa kanilang lugar. Walang pakundangang tinatakot, hinaharass at pinagbabantaan ang buhay ng mga katutubo bukod pa sa paninira sa kanilang mga pasilidad.
Halang ang kaluluwang maituturing ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines dahil sa patuloy nitong pagtukoy sa mga katutubo bilang miyembro, o kung hindi man tumutulong, sa New People’s Army.
Sa usapin ng mga Lumad, hindi na lamang karapatan sa edukasyon at katutubong lupain ang hindi ibinibigay ng gobyerno kundi maging ang malayang makapagpahayag at mamuhay nang tahimik at payapa. Tungkulin ng gobyernong tugunan ang pangangailangan ng mamamayan higit lalo sa usapin ng serbisyong panlipunan. Subalit sa kasalukuyang kalagayan, taliwas ang nararanasan ng mga Pilipino.
Ikinukulong tayo sa maling konsepto ng kalayaan. Tila tayo mga hayop sa kawalan—maswerte na kung may makakain at nakakapamuhay ng tahimik at malaya, pero hindi masasabing ganap ang ating kalayaan. Nakakulong pa rin tayo sa isang lipunang kailanma’y hindi naging pabor sa ating mga pangangailangan at karapatan.
Hudyat ang kasalukuyang kalagayan ng mga katutubo ng panahon upang lumaban. Sama-sama tayong kumilos, panagutin ang mga maysala at ipanawagan na tigilan ang militarisasyon sa kanayunan na nag-iiwan ng mapait na alaala sa mga kabataan. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-5 ng Setyembre 2015, gamit ang pamagat na "Huwad na Kalayaan." Si Emmanuel Jerome Tagaro ay nagsilbi sa Kulê bilang patnugot sa layout noong 2014-2015 at tagapamahalang patnugot noong 2015-2016.