Malayo ang tingin ni Nanay Erlinda Guilaran, 56, nang bisitahin ko siya sa kanyang gulayan sa loob ng dating Tennis Court sa UP Diliman. Sa kabila ng pagod na bakas sa mga mata, sinasalubong niya ako, at ang mga mamimili, nang may sigla. Mahalaga ang bawat benta para sa mga tulad ni Nay Erlinda na nakaasa sa maliit na negosyo—dagdag katiyakan na may puhunan siya upang makapagbenta sa mga susunod na araw.
Liban sa madalang puntahan ng mga estudyante, mahirap bagtasin ang pwesto ng pamilihan ni Nay Erlinda. Pagpasok sa harap ng dating Tennis Court, kakaliwa muli bago pa matanaw sa dulo ang maliit niyang gulayan. Isa marahil ito sa ikinababahala ni Nay Erlinda nang makilala ko siya: ang pangamba na muli silang palipatin ng administrasyon ng UP sa oras na simulan na ang konstruksyon ng parking lot ng DiliMall.
Mahigit 20 taon nang nagtitinda si Nay Erlinda sa loob ng UP. Aniya, malaking parte sa pagpapanatili ng buhay ng kanyang negosyo ang kanyang mga suki—mga estudyante, guro, kawani, na napalapit na rin sa kanya. Sa nabuong pagkakaibigan, minsan nang tinulungan ng mga suki ni Nay Erlinda ang kanyang tindahan para sa pandagdag puhunan. Sa tagpo ng mga kabutihang ito, ramdam ni Nay Erlinda na hindi lang siya pawang manininda sa pamantasan; parte na rin siya at may espasyo kung saan kabilang siya sa komunidad ng UP.
Bagaman napagkalooban na si Nay Erlinda ng special permit ng UP upang makapagtinda, nananatiling walang kasiguraduhan ang kanyang pangkabuhayan.
Magmula nang matupok ang Shopping Center noong 2018, kung saan dating nagtitinda si Nay Erlinda sa labas nito, namalagi na silang manininda sa bakanteng lote sa tabi ng dating Tennis Court. Ngunit muling pinalipat sila Nay Erlinda ng pwesto nang magkaroon ng konstruksyon sa loteng kanilang pinupwestuhan. At ngayon, muling nasa bingit ang kanyang kabuhayan bunsod sa nalalapit na pagtatapos ng konstruksyon sa DiliMall.
Gayunpaman, nananatili pa ring tapat ang mga suki ni Nay Erlinda sa kanya. Madalas, hinahanap pa rin nila ang paninda niya, kwento ni Nay Erlinda. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ipinagpapatuloy niya pa rin ang negosyo kahit aminadong humina ang kita niya sa kasalukuyang pwesto.
“Tiyaga-tiyaga na lang para makaraos lang sa pang-araw-araw. Marami naman kami suki dati noong nandoon pa kami, hinahanap pa rin kami, pinupuntahan naman kami dito,” kwento ni Nay Erlinda.
Sa sandaling tumapak ang mamimili sa gulayan, agad nang nasa kanila ang buong atensyon ni Nay Erlinda. Sa pagtatapos ng sandaling kwentuhan, pag-abot ng tindang gulay, at pasasalamat sa bumiling suki, babalik si Nay Erlinda sa pagkakaupo—nakatanaw na muli sa malayo at nangangamba sa katiyakan ng kinabukasan nilang mga manininda sa UP. ●