Isang linggo bago muling isailalim sa lockdown ang Kalakhang Maynila at apat nitong karatig-probinsya, walang tigil sa pamamasada ang tsuper ng dyip na si Nolan Grulla, 55 taong gulang, upang makabangon sa perwisyong dulot ng pandemya.
Hindi pa man nakababawi sa hirap ng pamumuhay noong nakaraang taon, dagdag pasakit na naman ang kailangang indahin ni Grulla matapos mahuli dahil sa illegal parking. Kinailangan niyang magbayad ng P2,000 multa upang mabawi ang kanyang lisensya, halagang sampung beses na mas mataas kumpara sa kanyang arawang kita sa pagpasada sa rutang UP-SM North.
“D’yos ko po,” pagkadismaya ni Grulla, tagapangulo ng UP Transport Group (UPTG). “Yung P500 ko dati, hindi ko na pinangba-boundary sa operator kasi gusto ko na lang makuha pangbadyet. Isa pa sa’ming nagpadagok yung kailangan may special permit ka muna [bago pumasada]. Kaya para may kitain, nagpapalitan kaming walong drayber, sapat lang para may P200 na maiuuwi.”
Dahil walang hanapbuhay sa ilalim ng lockdown, napilitang mangutang si Grulla upang may maipantustos sa araw-araw. Lubog na sa utang si Grulla kaya naman nangangamba siya kung paano pa mabibili ang bagong modelo ng dyip na kahingian sa ipinapatupad na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Pasakalye
Sinimulan na ng LTFRB noong pang 2017 ang implementasyon ng PUVMP para tanggalin sa kalsada ang mga dyip na nagbubuga ng maitim na usok, at palitan ito ng modelong pinapagana ng Euro IV diesel o kuryente. Makatutulong umano ito para mabawasan ang kontribusyon ng mga dyip sa energy-related greenhouse gas emission.
“Hindi tayo tutol sa usapin ng pagsasaayos ng ating public transport, kundi doon sa paraan nila ng pagtutulak ng modernization, na walang anumang suporta mula sa gobyerno [ang mga tsuper],” ani Mody Floranda, pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON).
Bagaman pag-aaralan pa ng LTFRB ang palisiya hanggang 2022, magtutuloy-tuloy pa rin ang consolidation ng mga lumang modelo ng dyip. Dito, kinakailangang isumite ng mga operator ang kanilang mga prangkisa at sumali sa mga transport cooperative o korporasyong kinikilala ng Office of the Transport Franchise (OTC), sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).
Kinakailangang sumapi ng mga drayber sa kooperatiba na siyang gagawaran ng LTFRB ng prangkisa, upang pagaanin ang pasanin ng mga drayber sa pagbili ng mga bagong dyip. Kapalit din nito ang tatlong buwang temporary permit to operate na ipagkakaloob ng LTFRB sa mga drayber na tatalima.
Makakakuha ang mga kooperatiba ng pondong pambili ng mga bagong yunit sa pamamagitan ng pautang ng mga bangko gaya ng Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines.
“Yung kasalukuyang consolidation at sapilitang pagpapasali sa kooperatiba at korporasyon ay pagpapakita ng desperasyon ng LTFRB at DOTr para kumita,” ani Floranda.
Bagaman may mga kooperatiba, mabigat pa rin ang papasanin ng mga drayber dahil sa laki ng halagang kailangan nilang bunuin. Ayon sa PISTON, limang beses na mas mahal ang bagong yunit na maihahalintulad na rin ang disenyo sa isang minibus. Dagdag gastusin din ang kagamitang rekisito ng LTFRB na nagkakahalaga ng daang libo hanggang isang milyon (tingnan ang sidebar 1).
Hindi bababa sa P700 kada araw ang kailangan nilang bayaran upang mapunan ang utang at ang anim na porsyentong interes nito sa loob ng pitong taon.
“Tayo naman ay bukas sa usapin ng kooperatiba, basta ba’t indibidwal ang franchise, at hindi sapilitan ang pagbili ng minibus. Payagan na lang sana na i-rehabilitate yung ating mga jeepney, kaysa palitan.”
Tutulong ang gobyerno na makapag-awas ng P160,000 bayarin na magmumula sa kanilang P2.2 bilyong pondo sa programa. Subalit tinatayang 28,000 drayber lamang ang maaabot nito, habang maiiwang walang suporta ang 500,000 tsuper at 3,000 operator sa buong bansa, batay sa tala ng Crispin B. Beltran Resource Center (CBBRC), isang think tank.
Hindi biro ang P700 at higit pang kailangang ihulog ng mga tsuper araw-araw upang mabayaran ang kanilang inutang na dyip sapagkat kakarampot lamang ang kanilang kinikita lalo ngayong panahon ng pandemya, at mahina ang pasada. “Itong modelo ng dyip na inilalako sa’tin, hindi manggagawang Pilipino ang makikinabang dito kung hindi ang malalaking negosyo na gustong hawakan ang moda ng transportasyon sa bansa,” ani Floranda.
Kapos na Kita
Isa rin sa mga layunin ng pagbubuo ng kooperatiba ang gawing sahuran ang mga drayber imbes na nakadepende ang kikitain sa matitirang pera matapos makapagbigay ng boundary sa kanilang operator. Suswelduhan ng P1,000 ang bawat drayber kung maaabot nila ang P3,500 quota kada araw.
Ngunit mas magiging mahirap ang makaipon ng arawang quota sa ilalim ng PUVMP dahil sa net service contracting program na sinimulang ipatupad ng LTFRB noong Oktubre. Kung dati ay isang operator lamang ang magpapatakbo sa isang dyip, sa bagong programa ay magiging dalawang operator na ito kada yunit. Mula rin sa dating 12 oras ng pamamasada, magpapalitan na ang dalawang drayber matapos lamang ang tig-siyam na oras ng shift.
Bukod sa mas kaunting oras ng pagbiyahe, pinaliliit din ng route rationalization ang espasyong maaari nilang pagpasadahan. Ipagbabawal sa patakaran ang pagdaan ng mga minibus sa mga abalang kalsada tulad ng EDSA, para bawasan ang trapik. Makadadaan lamang sila sa mga arterial road at mga kalsada sa residential area.
Para solusyunan ang problema sa limitadong daan na magsasanhi ng pagsikip sa ilang ruta, binibigyan ng pagkakataon ng LTFRB ang mga kooperatibang mamili ng rutang kanilang daraanan. Ngunit maging ang pagbuo ng kooperatiba ay hindi madaling proseso (tingnan ang sidebar 2).
Marami sa mga drayber ang malabong makaipon ng milyon bilang puhunan sa bubuuing kooperatiba at pambili ng dyip bago mag-2022. Nasa 33,969 pa lamang o wala pang kalahati ng kabuuang bilang ng inaasahang jeepney drayber ang nakabalik sa kanilang trabaho matapos ang isang taong lockdown, ayon sa CBBRC.
Nang minsang makausap ni Grulla si Enrico Chavez, presidente ng asosasyon ng mga drayber sa rutang Katipunan, inilahad niyang pinakamarami na para sa mga drayber doon ang dalawang balikang pasada kada araw. Kaya naman marami sa kanila ang hindi na tumuloy sa pagbabyahe habang hindi pa nanunumbalik ang pasok ng mga estudyante sa UP.
Pihit ng Kapalaran
Wala pa mang kasiguruhan kailan makakabalik sa pasada ang lahat ng tsuper, tinakdaan pa rin ng mga ahensya ng gobyerno ang tuluyang consolidation at pagpapalit ng mga modelo ng dyip sa taong 2022. Taliwas man ito sa Bayanihan 1 na nagbabawal sa DOTr na magsagawa ng phaseout sa gitna ng pandemya, ipinagkikibit-balikat lamang ng mga ahensya ang kanilang paglabag at patuloy na pinauusad ang programa.
Kasabay ng pag-aalis sa mga tsuper sa kalsda ay ang kulang na ayudang ibinibigay ng gobyerno kaya sila na mismo ang gumagawa ang paraan upang manatiling buhay sa gitna ng krisis. Marami ang naghanap ng bagong trabaho, habang ang iba ay naglunsad ng kanilang donation drive katulad ng UPTG. Napilitan naman ang ilang wala nang ibang maisip na rekurso na mamalimos sa gilid ng kalsada.
Sa gitna ng ganitong hikahos na kalagayan ng mga drayber ng dyip, nagpapatuloy naman ang mga kanilang pagpamalas ng paglaban sa lansangan para sa kabuhayan.
“Kung talagang itulak kami ng LTFRB para mawalan ng karapatan makapagpasada, wala rin kaming ibang magagawa kundi ang tumindig kami sa aming kabuhayan. Asahan nila, magsusunog kami ng dyip sa lansangan para ipaabot yung aming hinaing sa programa,” ani Grulla. ●