Daglian ang naging desisyon sa tabi ng komunidad ng Brgy. 630 sa may Sta. Mesa, Manila—walang konsultasyon, walang pagbisita, biglaan ang demolisyon.
Sa kabuoan, 132 mamamasada ng tricycle ang nawalan ng kabuhayan dahil sa napipintong pagpapalawak ng Philippine National Railways (PNR) bilang parte ng North-South Commuter Railway Project na magkokonekta sa probinsya ng Clark, Pampanga, hanggang sa Calamba, Laguna.
Saklaw ang PNR expansion sa North-South Commuter Railway Project na kasama ng Build, Build, Build Project ng administrasyong Duterte na ipinagpatuloy at inaprubahan naman ng kasalukuyang administrasyon. Tinatayang aabot sa P1.87 bilyon ang gagastusin para lamang sa south leg ng magiging proyekto na gagawin mula Marso 2026 hanggang Enero 2032.
Ang Hipodromo Tricycle Operators and Drivers Association, o HITODA, ang nagsisilbing pangunahing moda ng transportasyon para sa komunidad. Ngnuit noong Hunyo 23, nawala ang hanapbuhay ng mga drayber nang sinimulang bakuran ang dating espasyo ng mga drayber.
Bago pa man ang pandemya, nangungupahan na raw ang mga drayber sa PNR. Kada isang unit ng tricycle, nagbabayad na sila ng P512, na umaabot sa P25,000 upa kada buwan para lamang sa espasyong gagamitin nila sa pamamasada.
Nahinto ang paniningil sa kanila ng upa noong pandemya. Ngunit ngayon, biglang P1.5 milyon na ang sinisingil sa kanila ng PNR ng walang paliwanag kung paano iyon nangyari.
Kaya kahit hindi pa nasisimulan ang proyekto, malaking dagok pa rin ito para sa komunidad, lalo na at walang pasubasta ang naging desisyon at walang naibigay na plano ng relokasyon at kompensasyon para sa mga mawawalan ng hanap-buhay.
“Mahirap din po lalo na at yung iba po ay sa pedicab, trolley at tricycle na lang po umaasa upang kumita pantustos sa pamilya nila,” ani ng isa sa mga dating namamasada sa dating istasyon ng PNR na hiniling na itinago ang pangalan para sa kaniyang seguridad.
Bukod pa sa napipintong demolisyon, nahinto ang kanilang pamamasada dahil sa paulit-ulit na pagtaboy sa kanila mula sa tabi ng dating terminal at pagsasawalang-bisa sa kanilang prangkisa ng gobyerno ng Maynila.
“Mabigyan sila ng terminal nila nang sa gayon ay maipagpatuloy parin nila [yung] hanap-buhay nila. Kase karamihan po sa inuuwian nila ay sa relocation site sa bulacan. Lumuluwas sila ng Sta. Mesa upang maghanap buhay,” panawagan ng dating namamasada.
Isa lamang ang HITODA sa iba pang mga nawalan ng marangyang mapagkukunan ng pantustos sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay dahil sa patuloy na infrastructure developments ng administrasyong Marcos. Kabilang na rin dito ang kaparehong kaso ng mga nasa komunidad ng Zapote 3 na naharap din sa parehong kalbyaro dahil sa pagpapalawak naman ng Light Rail Transit (LRT).
Ngayong ika-apat na SONA, isang buwan na rin ang nakalipas nang ipasara ang dating espasyo ng mga namamasada ng HITODA. Isa lamang sila sa iba pang mga komunidad na nawalan ng tirahan sa kabila ng mga nagtatayugang highways at riles ng tren sa loob ng mga siyudad sa Metro Manila. Sa kabila ng mga nagiging pribadong investments sa mga kompanyang namamahala rito, hindi kailanman naging makamasa ang transportasyong nagsasanhi sa pagkawala ng kabuhayan ng karamihan.
“Billions for infrastructure projects, the number one source of corruption for trapos. Infrastructure projects that do not address our actual development needs and only benefit lending banks and private contractors, and operators,” sabi ni BAYAN President Liza Maza sa 2025 budget ng administrasyong Marcos Jr. ●