Nasa kasagsagan ng kampanya sa mga maralitang komunidad ng Sto. Tomas, Batangas noong Abril 26 si Pauline Joy "Poleng" Banjawan, organisador ng Kadamay-Southern Tagalog (KST), nang bigla siyang mawala sa gitna ng presensya ng militar. Hindi siya nakontak sa loob ng dalawang araw matapos niyang sabihan ang kanyang inang si Rowena na may umaaligid sa kanya.
Ikinabahala ito ng kanyang pamilya dahil halos kapapanganak pa lamang niya at may sakit si Poleng sa thyroid na kailangan ng regular na gamutan. Sa istasyon ng pulis sa parehong bayan na siya natagpuan noong Abril 28, sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives, kabalintunaan sa mapayapang pangangampanya ni Poleng para sa Bayan Muna noong panahong iyon.
Kabilang si Poleng sa 164 bilanggong pulitikal na kinulong sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa tala ng Karapatan. Kasama rin dito ang kanyang kapatid na si Fatima, organisador sa sektor ng kababaihan na inaresto noong Agosto 2024. Sa ika-apat na SONA ni Marcos Jr., tatlong buwan na si Poleng sa piitan habang mag-iisang taon ang kanyang kapatid.
Malayo ang isinampang kaso laban kay Poleng sa paglalarawan ng kanyang ina sa kanya bilang malambing at responsableng anak. Mula sa tabi ng riles ng tren hanggang sa pabahay na nilipatan nila sa Laguna, naghihikahos na si Poleng at ang kanyang pamilya. Nagpursigi si Poleng na makatulong sa kanila sa pamamagitan ng pagtitinda ng gulay at nagsikap ding makapag-aral.
Bunsod ng nasasaksihang palahaw ng kanyang mga kapwa maralita, natulak siyang lumahok sa mga kolektibong pagkilos at paglaban.
"Ramdam niya yung damdamin ng mga mahihirap, kung paano inaapi at niyuyurakan ang kanilang karapatang pantao," ani kanyang ina.
Sampung taon pa lamang siya nang unang lumahok sa mobilisasyon sa Mendiola, at dose-anyos nang magsimulang mag-organisa ng mga pagkilos. Mula sa Anakpawis kung saan pinatambol ni Poleng ang isyu ng pabahay sa mahihirap, lumawig ang kanyang pakikibaka laban sa demolisyon at mga proyektong mapanganib sa kapakanan ng kanilang sektor. Kabilang dito ang pagpapatayo ng landfill sa Calauan, Laguna noong 2018, kung saan lumahok si Poleng sa mga protestang tumututol dito dahil sa banta nito sa kalusugan ng mga residente.
Paglaon ng panahon, sa pagiging organisador ng KST, naging kritikal si Poleng sa mga operasyon ng quarrying sa Sto. Tomas. Kaya sa kanyang pagboluntaryo bilang tagapag-ugnay ng kampanya ng Bayan Muna, panawagan ng mga maralita ang tangan ni Poleng kaya wala sa hagap niya ang maaresto sa gawa-gawang kaso. Kabilang siya sa mga biktima ng 860 kaso ng paglabag sa karapatang pantao na naitala ng International Observer Mission nitong nagdaang eleksyon.
Sa kabila ng panggagapi ng administrasyon, nagpapatuloy ang pakikihamok nina Poleng sa pag-asang mapalaya silang mga bilanggong pulitikal, matugunan ang mga kahingiang serbisyong panlipunan ng mga mahihirap, at mapagkalooban ng makataong pamumuhay.
“Marubdob niya talagang imumulat yung mga mamamayan na ito yung mga karapatang dapat nating ipaglaban,” ani Rowena.
Matutuldukan lamang ang krisis sa kahirapan kung hindi na sinisindak at pinipiit ang katulad ni Poleng na naninindigan para sa karapatan ng mga maralita. Pagkat hindi lamang sa karukhaan humuhulagpos ang maralitang sektor, rehas din sa kanila ang pananakot ng estado sa sino mang kumakalag sa tanikala ng pagpapahirap. ●