Buo ang loob sa bawat pagpapasya—ganito ilarawan nina Recca* at Den Arcayos si Hannah Jay Cesista bilang isang kasama, katrabaho, at sa kalaunang landas na kanyang tatahakin, bilang rebolusyonaryo.
Pebrero 23, mapapabalita ang malagim na sinapit ni Hannah, 26, sa kamay ng mga militar. Pinahirapan bago paslangin ng 47th Infantry Battalion at kapulisan sa Bilar, Bohol sina Hannah at apat pang kasamahan sa New People’s Army na mas makikilala bilang Bilar 5. Lalabas sa ulat ng mga saksing residente na hindi armado at wala nang kakayahang makipaglaban sina Hannah.
Isa si Recca, matalik na kaibigan ni Hannah, sa mga nakatanggap ng balita sa araw ng pagkasawi ni Hannah. Kasunod nito, ang paglipana ng mga komento ng pagtuligsa sa pagpapasya ni Hannah na makilahok sa armadong pakikibaka.
Malinaw kay Hannah ang pangangailangan at pagnanais na maglingkod sa masa. Kaya marahil, nang mapagtanto niyang lumalampas na sa apat na sulok ng korte ang kahingiang magserbisyo, malugod na hinarap ni Hannah ang tungkulin ng paglilingkod sa kanayunan.
Pagharap sa Ligalig
May ngiti sa mga mata ni Den sa pagdalumat ng bawat alaala niya kay Hannah. Mula kolehiyo hanggang law school, magkasangga sa lahat ng bagay sina Den at Hannah. Sa bawat alaalang ibabahagi niya tungkol sa kaibigan, kaakibat nito ang kwento ng sikhay at determinasyon ni Hannah nang itatag nila ang National Union of People’s Lawyers-Cebu Law Students (NUPL-CLS).
“We built the chapter para more law students will be exposed sa nangyayari on the ground. Not just learning the law, we also wanted to use the law to serve the interest of the sectors,” ani Den. Kahit mabigat ang mga gawain bilang law student, inilaan pa rin ni Hannah ang kanyang oras sa paralegal at community work.
Wala nang ibang nagpamulat kay Hannah kundi ang panlipunang inhustisyang bumabalot sa kanyang bayan. Naging madalas ang pagtungo ni Hannah sa mga maralitang lungsod sa Cebu kahit noong law student na siya.
Itinulak ng lokal na pamahalaan at Megawide Construction Corp. noong 2022 ang Carbon Market Modernization, isang development plan na layong pribatisahin at gawing komersyalisado ang Carbon Market sa lungsod ng Cebu. Liban sa pagiging paralegal, nanguna si Hannah sa pagtuturo ukol sa isyu ng pribatisasyon at pananamantala ng proyekto sa mga manininda at residenteng biktima ng demolisyon. Nang minsang bumisita kina Recca, galing sa buong araw ng pagtuturo ng paralegal training, nakangiting sinalubong ni Hannah ang mga katrabaho bitbit ang mga gulay na ibinahagi sa kanya ng mga manininda.
Palakaibigan at handang umagapay kahit kanino, madaling napalapit ang loob ng masa kay Hannah. Kaya madali rin niyang nahikayat ang mga kapwa law student na sumama sa community work.
“Doon niya na-realize na bakit ba kinukulong niya yung sarili niya sa law school eh maraming nangangailangan ng tulong at nakakaranas ng abuso. Aniya, ‘Why am I confined sa mga batas na hindi naman talaga intended to serve the marginalized?’” kwento ni Recca.
Pagtunggali sa Gitna ng Unos
Sa panahon ng ligalig, nabuo ang kontradiksyon na tutunggaliin ni Hannah habang nasa law school: ang makapagtapos at maging abogado, o umalis at tuluyang mag-organisa sa hanay ng mga magsasaka. Ngunit dahil bunsong anak at malapit sa pamilya, sinikap ni Hannah na tuparin ang pangarap ng kanyang mga magulang para sa kanya na maging abogado.
Noong 2019, isang taon mula nang ipatupad ang Memorandum Order. 32, tumindi ang kaso ng pagpatay at militarisasyon sa ilalim ng de facto Martial Law ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa rehiyon ng Visayas at Mindanao. Mula 2018 hanggang 2019 ng Nobyembre, naitala ang 46 na biktima ng extrajudicial killings, habang 62 naman ang iligal na inaresto at ikinulong sa bansa, ayon sa Karapatan.
Hindi natinag sa panganib na dulot ng trabaho, pinag-igihan pa ni Hannah ang pagkilos—kasabay ang pagsisikap na ipaunawa sa mga nag-aalalang magulang ang kahingian ng kanyang pakikisangkot. Sa mga huling taon sa law school, ipinagpatuloy ni Hannah ang pagbibigay ng paralegal training para sa mga magsasaka ng Trinidad-Talibon na biktima ng land-grabbing at harassment.
Sa ilalim ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr., mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2023, umabot na sa 59 na pesante ang biktima ng extrajudicial killings, ayon sa ulat ng Karapatan. Maitatala sa parehong ulat na ang sektor ng mga magsasaka ang may pinakamataas na kaso ng sapilitang pagwawala.
“Yung pasismo sa kabukiran ang nagtulak kay Hannah na huwag na lang maghintay na may magreklamo sa korte para madepensahan niya. Siya na yung nanguna na pumunta sa mga magsasaka at tulungan sila para depensahan yung mga karapatan nila,” ani Recca.
Sa kalaunan, naging matimbang kay Hannah ang pagtangan ng trabaho bilang organisador kaysa magtapos ng abogasya. Dito, naging malinaw kay Hannah ang pagnanais na humalagpos sa ambisyong hindi na niya pinapangarap.
Pag-alala sa mga Huling Sandali
Puno ng pangako ang alaala nina Recca at Den sa huling saglit na nakasama nila si Hannah. Tulad ng dati, sanggang-dikit na magseserbisyo sa inaapi bilang mga abogado ang ipinanata ni Den at Hannah sa bawat isa. Gayundin, ang manatili at maging abogado sa NUPL ang ipinabatid na hangad ni Recca para kay Hannah.
Upang maibsan ang pangungulila, masasayang alaala ang ibinahagi ni Den sa tuwing tinatanong siya tungkol kay Hannah. Ngunit higit dito, nais niyang maalala si Hannah sa bawat sakripisyong iniaalay ng kaibigan para sa pagpapalaya ng masang pinaglingkuran.
Sa huling magugunitang memorya ni Recca sa kaibigan, sa isang salo-salo bilang pagdiriwang matapos ang Bar exam noong 2022, maaalala niyang susuklian na lamang ng ngiti ni Hannah ang mga hiling ng mga kaibigan sa kanya.
Hindi na dumalo ng oathtaking ceremony para sa mga Bar passer si Hannah noong Mayo 2023. Sa mga panahong ito, mas kilala na siya bilang Ka Maya, isang rebolusyonaryo na inialay ang lakas at dunong para sa mamamayan ng Bohol. Kung mga alaala niya bilang isang kasama ang maaaring sandigan kung paano siya nakipamuhay sa kanayunan, madaling masasabing lubos niyang minahal ang masang pinaglingkuran.
“Yung nagpa-liberate sa kanya ay yung selflessness niya sa pag-serve. I think, for her, bilang isang tao, bilang isang babae, yung pagbagtas [niya] sa rebolusyonaryong landas yung naging paraan ng pagpapalaya niya sa sarili,” bahagi ni Recca.
Sa maikli ngunit makabuluhan niyang buhay, ipinamalas ni Hannah ang ubod at buod ng tunay na paglilingkod sa bayan—siyang handang humarap sa unos upang gapiin ang pananamantala, buhay man ang ialay, sa ngalan ng ganap na paglaya. ●
*Minabuting hindi isiwalat ang tunay na pangalan para sa seguridad.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-21 ng Marso, 2024