Sinampahan ng gawa-gawang kasong paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 sina Fritz Labiano at Paul Tagle, pawang mga aktibista sa probinsya ng Quezon, matapos bisitahin sina Miguela Peniero at Rowena Dasig na mga bilanggong-pulitikal sa probinsya.
Inakusahan ng 85th Infantry Battalion na binigyan nina Labiano at Tagle ng P500 at mga pagkain sina Peniero at Dasig sa kanilang pagbisita. Iligal na inaresto ng 85th Infantry Battalion noong Hulyo 2023 sina Peniero at Dasig at sinampahan ng gawa-gawang kaso ng Illegal Possession of Firearms and Explosives.
Tagapagsalita ng Kabataan Partylist Quezon si Labiano habang tagapagsalita naman ng Tanggol Quezon si Tagle. Parehas silang nanilbihan bilang paralegal sa mga bilanggong-pulitikal, partikular na kay Alex Pacalda, kapwa aktibista sa Quezon na sinentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong noong Marso 2023.
“Hindi totoo na terorista sina Owen at kasama niyang si Miguela dahil arbitraryo silang hinuli habang nagsasagawa ng pananaliksik hinggil sa epekto ng tinatayang power plant sa Atimonan, Quezon,” paliwanag ni Labiano.
Hindi nakatanggap sina Labiano at Tagle ng subpoena, dahilan para hindi nila madepensahan ang mga sarili sa kasong isinasampa sa kanila. Nalaman na lamang nila na may isinasagawang imbestigasyon ang Department of Justice mula pa noong Pebrero 23 noong nakasuhan na sila.
Tinataya ng Kabataan Party-list Quezon na nasa 23 human rights defenders at peasant advocates ang nahaharap sa patong-patong na kaso ng paglabag sa Anti-Terrorism Act, at siyam naman sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act.
Paliwanag ni Karapatan Secretary General Cristina Palabay, tila isang “modus operandi” ang hindi pagbibigay ng subpoena sa mga kinasuhang aktibista upang hindi nila masagot ang paratang ng estado.
“Nang malaman ko yung kaso namin, galit at takot yung naramdaman ko. Galit sa mga militar na nagsampa sa amin ng gawa-gawang kaso na pilit ginagawang kaming kriminal … [at] takot dahil nakakabahalang may umiiral na banta sa aming seguridad na nanggagaling pa mismo sa mga pwersa ng estado,” ani Labiano.
Kasalukuyang dinidinig sa Batangas City Regional Trial Court 7 ang mga kasong isinampa sa dalawa. Nahaharap sila sa panghabambuhay na pagkukulong at multa na hindi bababa sa P500,000 kung mahatulang nagkasala.
Matagal nang nakararanas ng panggigipit ang dalawang aktibista sa probinsya. Una na nila itong naranasan noong harangin sila ng kapulisan patungo sa Black Friday Protest hinggil sa Halalan 2022. Gayundin ang nangyari noong buwan ng mga pesante na nauwi sa halos apat na oras na pagkakabinbin sa Tiaong Municipal Police Station.
Hindi lang sina Labiano at Tagle ang kasalukuyang humaharap sa kaso ng terrorism financing sa Quezon. Kasama rito ang tatlong pesanteng kababaihan na sina Liezel Merchales, Yulesita Ibanez, at Leshiel Mendoza.
Pinaratangan ng mga gawa-gawang kaso sina Ibanez at Mendoza, mga miyembro ng Karapatan Quezon, dahil sa pagsasagawa ng COVID-19 relief operations sa Quezon noong 2020. Samantala, biktima si Merchales ng pangangamkam ng lupa.
“These trumped up charges add to the long list of this regime's gross attempt to silence those that stand with the oppressed and marginalized,” ayon sa pahayag ng Alyansa ng Kabataan Para sa Tunay na Demokrasya, Hustisya, at Katotohanan-Southern Tagalog.
“Sa kasalukuyan, hinaharap namin ang kaso kasama ang gabay ng aming mga legal counsel. Kasabay nito, gumagawa rin kami ng effort upang lalong ilantad sa publiko ang kalagayan ng mga progresibo at ordinaryong mamamayan sa Quezon na dumaranas ng matinding atake ng estado sa pamamagitan ng militarisasyon at pagpapahirap sa mga magsasaka,” ani Labiano. ●