Matapos tuluyang mawakasan ang huwad na tambalang UniTeam, ibinabandera muli ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang retorika ng pagkakaisa sa eleksyon sa susunod na taon.
Kritikal na yugto sa darating na ikatlong taon ni Marcos sa pwesto ang gaganaping eleksyon sa gitna ng tunggalian sa pagitan ng mga Marcos at Duterte na nag-uunahan makapagtatag ng mga bagong alyansa. Ito, kasabay ng pagsidhi ng tensyon sa pagitan ng US at Tsina na may kanya-kanyang interes na tinutulak sa bansa. Para kay Marcos, isa lamang pagkakataon ang State of the Nation Address (SONA) ngayong araw para konsolidahin ang kanyang mga kaalyado sa ilalim ng hungkag niyang ideolohiya ng pagkakaisa.
Sa pag-uunahan na makapagkonsolida ng kapangyarihan sa gobyerno, malinaw na sino man sa mga Marcos at Duterte ang lumamang, tanging pagkontrol sa susunod na Kongreso ang kanilang pakay. Nitong Hunyo, pumirma na ang partido ng pangulo sa ikatlong cooperation agreement upang siguruhin ang dominasyon ng liderato ni Marcos sa susunod na eleksyon.
Bagaman mailap si Duterte sa usapin sa nalalapit na eleksyon, patuloy ang pagkokonsolida ng kapangyarihan ng partido ng kanyang ama. Lantad man ang pagkalas ni Duterte sa administrasyon, hindi niya malilinlang ang taumbayan sa pagpostura bilang bagong lider ng oposisyon matapos umalis sa gabinete ni Marcos.
Patunay ang mga krisis na inanak ng pamamahala ng administrasyong Marcos-Duterte sa kawalan ng kapasidad ng dalawang nag-uumpugang pwersa na makapagluwal ng alternatibong solusyon sa mga isyu ng bansa.
Tulad ng mga nagdaang SONA, tiyak na pagmamanipula ng datos at pagbabaluktot ng mga naratibo ang bubungad sa talumpati ni Marcos. Ngunit hindi malilinlang ng pangulo ang taumbayan—silang tunay na gagap ang kalagayan ng bansa at apektado ng mga krisis. Hindi maituturing na tagumpay ang P35 umento sa sahod sa Metro Manila gayong nananatiling nasa P580 ang wage gap at nagtataasan ang presyo ng mga bilihin. Naitala rin sa termino ni Marcos ang pinakamataas na inflation rate sa huling 15 taon. Nananatili namang lugmok ang sektor ng agrikultura dahil sa pagbawas ng taripa ng mga inaangkat na bigas mula 35 hanggang 15 porsyento.
Hindi rin nalalayo ang kinahinatnang kalugmukan ng sektor ng edukasyon sa liderato ni Duterte. Sa halip na dinggin ang pagtutol ng maraming guro at eksperto sa implementasyon ng Matatag kurikulum na binuo sa kanyang pamamahala, ang marahas na praktika ng red-tagging ang inabot ng mga grupo mula sa kalihim ng Kawagaran ng Edukasyon. Gayundin, sa gitna ng lumulubhang krisis sa edukasyon, kinasangkapan lamang ni Duterte ang pagiging kalihim para sa pagtutulak na maipasa ang mandatory Reserve Officers' Training Corps sa Senado habang nagsisilbi bilang vice-chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Mula sa kanyang pagkaupo hanggang sa pagbitiw bilang kalihim, namutawi ang salat na konkretong plano at kawalan ng interes ni Duterte na igiya ang sistema ng edukasyon sa isang makabayan at dekolonisadong oryentasyon.
Taliwas din sa pangakong kaunlaran at pagkakaisa ang kawalan ng matapang na tindig ni Marcos sa pagsulong ng pambansang soberanya. Hanapbuhay ng mga mangingisda sa West Philippine Sea ang kabayaran ng pagpapahintulot ng administrasyon na sumidhi ang alitan ng US at Tsina sa sarili nating teritoryo. Bunsod ng patuloy na panghihimasok ng Tsina, 60 porsyento ang nawawalang kita sa mga mamamalakaya habang inilalagay ang kanilang buhay sa peligro sa pagpapalaot.
Sa gitna ng paglawak ng mga bitak sa administrasyon, pagkakataon ito upang patuloy na buoin ang mas matatag na oposisyon. Esensyal ang ating paglaban lalo ngayong pinupuntirya ng estado ang mga progresibong tulad nina Satur Ocampo at France Castro na kabilang sa koalisyon ng Makabayan.
Malinaw ang itinuro sa atin ng mga nagdaang kampanya: Nagmumula ang lakas ng oposisyon sa suporta at kampanya ng taumbayang na marapat na kinakatawan nito.
Bagaman kinakailangan ang pagkakaisa sa isang kampanya upang makapagtamo ng malakas na suporta, mahalagang maging mapagmatyag sa mga nakikipagalyansa sa oposisyon upang matalunton kung para kanino ang isinusulong nating serbisyo. Kabilang dito ang pagbuo ng mga mekanismo upang tumunggali sa namamayaning misimpormasyon at pagkonsulta sa mga pangangailangan ng taumbayan para sa kampanyang kumakatawan sa interes ng masa.
Higit sa pagpapakilos, kailangang lumapag ang mga lider kung nasaan ang komunidad—sa mga sakahan, paggawaan, at pabrika—upang bitbitin ang kanilang kampanya sa pamahalaan.
Mula sa pagpapanday at pagkokonsolida sa pwersa ng oposisyon, mapapatag ang daan tungo sa pagsulong ng lideratong tunay na nakikiisa at kumakatawan sa taumbayan. Habang abala ang administrasyon sa mga alitan at paghahabol sa kapangyarihan, magmumula sa ating hanay ang nagkakaisang paglaban. ●