Napakamot na lang sa ulo si Papa at napasilip sa binabasa ko sa selpon. Maliban sa idinagdag na letra sa bagong ipinatutupad na community quarantine (CQ), wala pa rin namang pagbabago sa mga patakaran.
Batid kong nagsisimula na siyang mangamba habang tumatagal ang mahigpit na CQ. Kaiba sa iilan na ang pagkaburyo sa loob ng bahay ang hinaharap na problema, suliranin namin ang paubos nang panggastos ngayong buwan. Kung mas palalawigin pa ang CQ, baka isang beses sa isang araw na lang ang aming pagkain.
Ngayong may kumakalat na sakit, ang pananatili sa loob ng bahay ang pinakamabisang paraan upang manatiling ligtas, ayon sa awtoridad. Pero kung kaakibat ng pagkakakulong sa apat na sulok ng bahay ay kumakalam na sikmura at kawalan ng trabaho, hindi lang ang sumisidhing krisis pangkalusugan ang nasa peligro, kundi ang bilang ng buhay sa panahong matapos ang lahat ng ito.
Ayudang pahirap
Nang magsimula ang pandemya, hindi lang iba’t ibang termino kaugnay sa virus ang dumagsa at umusbong. Maliban sa pagsusuot ng face mask at face shield, isang alalahanin din ng mga tao ang iba’t ibang CQ, mga protocol na sinusunod, at ang limitasyon nito sa araw-araw nilang pagkilos.
Sa pag-aaral nina Simon Williams at Kimberly Dienes, dahil sa pagdagsa ng pabagu-bago at magkakaibang alerts o mahalagang impormasyon, nauuwi sa alert fatigue ang mga tao. Sumasailalim sila sa cognitive overload dahil sa alerts na kanilang natatanggap.
Pasan ang sariling alalahanin sa buhay, pati pabagu-bago at sangkatutak na patakaran ngayong CQ ay suliraning bitbit ni Papa sa paglabas. Katulad niya, nauuwi ang nakararanas ng alert fatigue sa tatlong resulta: pag-iwas sa balita, kahirapan sa pag-unawa ng mga impormasyon, o hindi pagsunod dahil hindi malay o may ibang pagkakaintindi sa natanggap na impormasyon.
Idagdag pa ang sariling pasanin o cognitive burden—katulad ng matinding stress dahil sa kawalan o mabigat na trabaho, tumataas na gastusin—mas pinahihirapan ng madalas na pagbabago at nakalilitong polisiya ang kapasidad ng tao na sumunod at umunawa rito.
Maliban kasi sa pahirapan ng pagkuha ng iba’t ibang permit at quarantine pass, naantala rin ang mga tao sa mahahalagang gawain at trabaho. May mga pagkakataon din na nababaldado ng mga limitasyon na ito ang isang pamilya. Dahil bawal lumabas ang mga matatanda at kabataan, ang kadalasan inaasahan sa loob ng bahay, nauuwi ang ilan sa paglabag ng quarantine guidelines o ‘di kaya’y pakikisuyo sa mga kapitbahay na may sari-sarili ring pangangailangan.
Hindi na raw masisisi ni Papa ang mga tao kung bakit hanggang ngayon ay nalilito pa rin ang marami sa tagubilin ng quarantine. Sino ba namang hindi? Bukod sa napakarami, sala-salabat din ang interpretasyon ng mga nagpapatupad dito. Katulad ng kontrobersyal na isyu kung esensyal ba o hindi ang lugaw. Sa kalituhang ito, isang food delivery driver ang naantala sa paghahanapbuhay, habang isang barangay personnel ang natanggalan ng trabaho.
Tinik sa Kaunlaran
Sa unang buwan ng taon, umabot sa 8.8 porsyento o 4.2 milyong Pilipino ang walang trabaho sa bansa. Kabilang si Papa sa mga numerong ito. Kadikit ng muling pagpapatupad ng mahigpit na CQ ay ang pagpasasara ng mga mall, pabrika, at iba pang establisimyento sa bansa. At dahil walang katiyakan kung kailan matatapos ang pinalawig na CQ sa kalakhan ng NCR plus, matinding naapektuhan ang mga manggagawa at kabuhayan ng mamamayan.
Maliban sa pag-aasam na humupa ang tumataas na kaso ng may COVID-19, sinalo rin ng mamamayan ang responsibilidad kung papaano tutustusan ang mga sarili. Sa mga presscon na isinasagawa ng pamahalaan, walang sawa nilang iniaatang sa publiko ang tungkulin ng pagsunod sa tagubilin ng quarantine.
Dahil walang trabaho at natatanggap na ayuda, mag-online business na lang daw kami, suhestiyon ni Papa. Pero hindi madali kumita sa online business. Wala kami ng mga sikretong sangkap para sa isang matagumpay na career change; wala kaming kapital, ni gadget para rito. Gayunman, naiintindihan ko si Papa. Mas lalo na rin kasing lumalakas ang hatak para sa maraming estudyanteng katulad ko na pumasok sa call center o BPO. Gaano man ito kalayo sa kursong kinukuha ko, dahil desperado na rin akontg makaahon sa kasalukuyan naming kalagayan, tinitignan ko na lang din ito bilang career change.
Ang pakikipagsapalaran ng karamihan sa paghahanap ng mapagkakakitaan—mismatched man o delikado—ay resulta ng pagkibit-balikat sa pagsasaayos ng gobyerno sa pampublikong serbisyong dapat na tinatamasa ng publiko. At magpapatuloy ang pananamantalang ito kung ang estadong nakasandig at kumakalinga sa interes ng iilan ang mamamahala sa’ting lipunan.
Sa argumento ni Simon Mair sa isang dyornal noong 2020, ang paglaya natin mula sa pagka-alipin ng trabaho at merkado para lang mabuhay ay hudyat ng kaginhawaan. Dito, maaari tayong lumikha at magpaunlad ng isang lipunan na kumakalas sa pagsukat ng ambag mo bilang manggagawa para lang matamasa ang karapatan mabuhay.
Aktwal na kinabukasan
“Ang dami pa ring kaso kahit naglockdown na,” rinig kong pagbabalita ni Papa kay Mama sa telepono. Hindi katulad ng ina kong OFW sa Kuwait, wala pa ring kasiguraduhan kung kailan darating ang bakuna sa sa’min, o kung mababakunahan ba kami ngayong taon. Kung ikukumpara sa ibang bansa, mapatutunayan talagang hindi nakasasapat, at hindi ideyal, ang tanging pagpapatupad ng lockdown ngayong pandemya.
Sa pamamagitan ng “suppression strategy to mitigation strategy,” napagtagumpayan ng bansang Denmark na mapigilan ang malawak na pagkalat ng virus nang mag-umpisa ang pandemya. Upang hindi rin agad mapuno ang mga hospital, nagpatupad ng nationwide lockdown at screening sa mga at-risk na mamamayan ang Denmark noong Marso ng nakaraang taon. At habang unti-unting niluwagan ang restriksyon sa lockdown, tuloy-tuloy at pinalawak ng Denmark ang kanilang testing campaign.
Malaki ang pinagkaiba nito sa nationwide lockdown sa Pilipinas, partikular na ang mitigation strategy na kanilang isinagawa. Nanatiling mababa ang testing capacity ng bansa sa unang buwan ng lockdown. Habang patuloy ang kulang-kulang at hindi naire-report na datos ng DOH sa kaso ng COVID.
Bagaman tinaguriang isa sa mga matagumpay na nakatalo sa virus, hindi nagpatupad ng mahigpit na lockdown ang Taiwan. Ayon sa dating bise presidente na si Chen Chien-jen, isa ring tanyag na epidemiologist sa Taiwan, hindi ideyal ang lockdown sa pagsugpo ng virus. Mabilis na mass testing at maingat na contact tracing ang pinaka-epektibong paraan upang hindi na lalo pang kumalat ang virus, pahayag niya.
Taliwas sa ginawa ng Taiwan at Denmark na pagpapalawig at pagtuon sa kapasidad ng bansa mag-COVID test, sa pagpapatupad ng lockdown sa NCR plus bubble ang naging hakbang ng gobyerno. Walang naging pagsasaalang-alang tugon ng pamahalaan ito sa maapektuhan ng lockdown. Malinaw ito sa mabagal na pagpapamahagi at kakarampot na ayudang natatanggap na mga tao.
Hindi naman ito naging problema ng mga tao sa Vietnam. Para sa isang ‘developing’ na bansa tulad ng Pilipinas, kinaya ng Vietnam na gawing libre ang lahat ng quarantine-related fees para sa mga mamamayan nito. Hindi na namroblema ang mga tao sa kanilang testing, food at accommodation fee habang nasa quarantine. Inasahan kasi ng pamahalaan na dahil takot sa naka-ambang gastusin, iiwas ang mga residente magpapa-COVID test o contact tracing. At kung sakaling mapasailalim ang isang lugar sa ipinapatupad na border closure at targeted lockdown, may nakalaan na arawang grocery para sa mga apektadong residente.
Maaaring hindi nag-iisa ang bansa na dumadanas ng biglaang pagtaas sa kaso ng COVID-19. Pero ipinapakita ng mga bansang ito ang kakulangan at humahadlang sa pagtungo ng Pilipinas sa direksyon ng pag-unlad at pagbangon.
Minsan ko nang pinapangarap ang magiging pagwawakas ng pandemya. Ngunit kahit ilan pang bersikulo ang aking basahin o santong pagdasalan ang mithiing pagtatapos, nananatili lang akong nakapiit sa madilim kong silid. Ang tanging makakapagpalaya lamang sa mga katulad kong nangangapa sa dilim ay ang tuluyang pagkalansag ng mga toreng ipinagkakait ang liwanag sa atin. ●